lumabas, sa aking mahinahon tahimik at ligtas na silid
lumabas, para mabuhay nang nasa awa ng mabagsik at mapanganib nilang pagdidikta
lumabas, para bigyan ng kahulugan ang bawat galaw, bawat hawak ng kamay, bawat sulyap na kung hindi sang-ayon sa pagagos ng kanilang sari-sariling buhay.
isa akong Hudas, humalik sa pisngi ng taong iniligtas ang mga makasalanang katulad ko
lumabas, para mabuhay lamang na katulad niyo maligaya, ligtas, mapayapa sa piling niya. sa piling na kasing dalisay ng ginto. kasing dalisay ng puso niyo. kasing dalisay ng pagmamahal sa mga katulad niyo.
pilit na sinasarado ang mga mata upang mabigyan hinahon ang isip na sa inyong salita't galaw ako'y nakarehas, inaalipin, pinapanganib
sa aking paglabas, ako'y tumalikod, sinarado ang pinto upang lumigaya nang tahimik habang ligtas magpakailanman, sa aking pag-iisa.