Makulimlim ang kalangitan habang pilit kong inaaninag kung ikaw ay nasaan Mga palad natin kapatid kung hindi man nagkadaupan Tukoy kong iisa ang ating pinagmulan
Mapula, kulay-dugo, ang agaw-buhay na liwanag sa likod ng mga ulap Alam kong lumubog na ang araw sa kanluran
Hinihintay ng katuwang sa buhay ngunit ang sagot mo sa mga panaghoy ay hindi marinig ng naulilang pandinig. Hinahanap ng mga magulang ang anak na inaasahang sa takdang panahon sa kanila’y maghahatid sa himlayan.
Mabato, matarik, ang piniling lakbayin Liku-likong landas tungo sa mithiin ng Sambayanang hindi palaring pamunuan ng mga bayaning magigiting sa halip na mga kawatan at mga salarin
Mabato, matarik, ang piniling lakbayin Ngunit hindi ka natakot na ito’y tahakin Hindi ka umurong at di mo pinansin ang mga pasakit, ang mga pasanin.
Dakila ka, kapatid At ang ‘yong paglisan, may hatid mang lungkot na ang punglong malupit, takbo mo’y tinapos, hininga mo’y nalagot At sa huling bugso, tatabunan ng lupang kalayaan ang dulot mula doo’y sisibol, sanlibong punlang aabot hanggang sa dulo, hanggang sa tugatog Aalalahanin ka sa araw ng tagumpay at pagtutuos Para sa Sambayanan, bawat puso’y sasabog!