Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sep 2017
Daan-daan, libu-libo
Daang-libo, daang-libo
Umaasang may milagro
Limandaang-libong piso

Kayamanang kinurakot
Ng pamilyang naging salot
Sa bayan kong binaluktot
Isasabog, baryang simot?

Marami ngang naniwala
Iba nama’y sakali, baka
Kapag pera ang nagwika
Sumusunod tanang dukha

Kapag baya’y maralita,
Karamiha’y mangmang pawa
Konting kiliti at banta
Utu-uto bumabaha

Dumaraming maralita
Kailangan ng kalinga
Karunungan ay biyaya
Ibahagi, ‘wag magsawa.

Kawawa ang sambayanan
Kung palaging iisahan
Ang 4Ps, pera ng bayan
Hindi ng angkang kawatan

Panloloko ay tigilan
Pandarambong ay tutulan
Diktadura ay labanan
Kabataan, mata’y buksan

Bagong bayani kaylangan
Karununga’y kalayaan.
Malalawak ang larangan
Sambayana’y paglingkuran
Jun Lit
Written by
Jun Lit  M/Los Baños, Philippines
(M/Los Baños, Philippines)   
  5.0k
 
Please log in to view and add comments on poems