Itaas na ang bandera at iwagayway Iharap pababa sa mga naglulupasay
Dito magsisimula Ang pagkuha ng retrato Dito magsisimula Ang pagkuha ng “selfie”
Sa pagtunog ng isang “click” Ay makukuha ang atensyon mo, Maaaliw ka, Mabibighani’t mapapatingin At tila pag kumukuha ka ng retrato Ay ikaw ang pinakamaganda Sa naglalakihang lente na nasa screen
Sa pagtunog ng isang “click” Ay mapapangiti ka Photogenic daw, ika nga At sa pagkatapos lagi ng mga ito Ay mawawala nalang bigla Na tila nagsusuot ka ng antipas Tuwing nakangiti nagpapakuha ng retrato
Sa pagtunog ng isang “click” Ay mag aayos ka Magpapagwapo’t magpapaganda At tila isa itong contest At kailangan ikaw ang pinakamaganda At sa pagkatapos nito Ay titignan mo kung nadaig mo ba sila
Ngunit bakit ikaw na hindi naman kumukuha ng retrato Ay tila nagiging isang kodak o kamera
Na sa tuwing tumitingin ako sayo ay tila makukuhanan ako ng retrato Na tuwing nakikita kita, wala mang click, ay titingin ako sa mga mata mo na tila lente ng kamera Sa paglapit mo saakin Ay makukuha mo ang atensyon ko, Maaaliw ako, mabibighani’t mapapatingin At tila pag kasama kita Ay wala akong mahiling Kundi ang patigilin ang oras Para manatili sa piling mo
Ngunit bakit kapag nasa iyo ang atensyon ko Ikaw ay nakatingin naman sa iba Hindi ang pagiging nandito ko ang tumatakbo Sa munting isip mo, kundi siya
Sa paglapit mo saakin Ay mag aayos akong bigla Magpapagwapo o magpapaganda At tila isa itong contest Na kailangan madaig ko siya Pero parang hindi ko kaya
Dahil kahit kailan hindi ko madadaig siya At kahit na gaano mo pa ako lapitan Siya parin ang magiging malapit dahil sa kariktan At ako ay maiiwan sa alon ng pag-iisa
Sa paglapit mo saakin Ay mapapangiti ako Lalabas ang mga ngipin Na tila nasa isang patalastas ako ng colgate Ngingiti At ngingiti lang
Ngunit sa likod ng mga ngiting ito Ang tinatago ko ay luha
Mga luha na hindi ko ninanais na makita mo Sanhi ng simula mo ‘kong paasahin
Mga luha na pinili kong itago mula sa’yo Dahil alam ko rin naman na hindi mo ito papansinin
Hindi ka naman kodak na itinataas ko Ngunit bakit pakiramdam ko ay nakatingin ka saakin pababa Habang ako’y nasasaktan at nagluluksa
At sa pagtapos ko ng piyesang ito Ang tanging hiling ko lamang ay Mga retrato na maaaring itabi Dahil nag uumapaw na ang mga mata kong gusto nang matuyo
Itaas na ang bandera at iwagayway Iharap pababa sa mga naglulupasay
Dito magtatapos Ang pagkuha ng retrato Dito magtatapos Ang pagkuha ng “selfie”