Paano ba simulan ang isang tula? O dapat ba ito'y hayaang ilapat ng tadhana. Tulad ng isang gabing mahiwagang May simula kahit di sinimulan, magkakawakas nang di winawakasan.
Kung saan sana'y di na nagtitigan kasing lalim ng kalawakan Di na nagtawanan sa gitna ng Univ. Ave. Mumunting pigurang di umiilag sa sasakyan Ngunit patuloy ang pagbangga sa isa't isa.
Kung saan sana'y di na hinawakan itong kamay Kung sa pagbitaw, mas matinding kapasuan. At sa mata ng buwan, sa baba ng tulay sa Philcoa Di na sana hinagkan na parang tayo'y sa isa't isa.
Paano nga ba sinisimulan ang isang tula? Bakit ito'y mahirap kumpara sa pagwawakas? Maaaring madaliin pag nais na O basta na lang iwan sa kalagitnaan.
Pero ang mga tula, ay mga marka. Itatago ko't babalik-balikan Parang noong gabing tayo'y naglalakad At andiyan ka pa.