Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Dec 2016
Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi.

Maisusulat, halimbawa:
“Ang gabi’y mabituin, at nanginginig, asul,
ang mga tala sa dako pa roon.”
Umiikot sa langit ang hangin ng gabi, umaawit.

Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi.
Siya’y inibig ko, at kung minsan ako’y inibig din niya.

Sa mga gabing tulad nito,
niyakap ko siyang mahigpit
at hinagkan sa lilim ng walang-hanggang langit.

Ako’y inibig niya, kung minsan siya’y inibig ko rin.
Paanong hindi iibigin ang mga mata niyang malamlam?

Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi.
Isipin lang: Hindi ko siya kapiling.
Nawala siya sa akin.

Dinggin ang gabing malawak,
mas malawak pagkat wala siya.
At ang tula’y pumapatak sa diwa,
parang hamog sa parang.

Ano ngayon kung di siya mapangalagaan ng aking pag-ibig?
Ang gabi’y mabituin, at siya’y hindi ko kapiling.
Iyon lamang.
Sa malayo, may umaawit.
Sa malayo.
Diwa ko’y hindi mapalagay sa kanyang pagkawala.
Anyong lalapit ang paningin kong naghahanap sa kanya.
Puso’y naghahanap sa kanya, at siya’y hindi kapiling.
Ito ang dating gabing nagpaputi sa mga dating punongkahoy.
Tayo, na nagmula sa panahong iyon, ay di na tulad ng dati.

Hindi ko na siya iniibig, oo, pero inibig ko siyang lubos.
Tinig ko’y humalik sa hangin para dumampi sa kanyang pandinig.

Sa iba. Siya’y sa iba na.
Tulad ng mga dati kong halik.
Tinig, maningning na katawan.
Mga matang walang-hanggan.

Hindi ko na siya iniibig, oo, pero baka iniibig ko siya.
Napakaikli ng pag-ibig, at napakabata ng paglimot.

Pagkat sa mga gabing tulad nito’y yakap ko siyang mahigpit,
diwa ko’y di mapalagay sa kanyang pagkawala.

Ito marahil ang huling hapding ipadarama niya sa akin,
at ito na marahil ang huling tulang iaalay ko sa kanya.



“Tonight I Can Write The Saddest Lines” ni Pablo Neruda
sinalin sa Filipino ni Jose Lacaba.
this is one of my favorite translations
it is not of my purpose to plagiarize
i just thought
this piece is too beautiful
and people have to read it
prāz
Written by
prāz  somewhere temporary
(somewhere temporary)   
5.0k
 
Please log in to view and add comments on poems