PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA Madilim na sulok, Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba, Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro O inang minamahal ako nang labis Kung ang buwaya pa kayang tumatangis Di maantig sa iyo’t tumalilis? Sa pagligo sa likod ay laging may langis Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis
Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay Tila di narin kaya ng loob kong patpatin Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga O Lubid sa inaanay na dingding na tinitingala Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na At saka lamang ako sa huli'y makakahinga
Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan Saksakin man, wala na akong maramdaman Walang kikirot na laman Walang dugong dadaloy nang luhaan Sundalong natuyot na ng labanan Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan? Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan
Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan May hangin ngunit ako lang ang nalulunod May dagat at ako lang ang di makalangoy Mas preso pa akong walang makain nang di hamak Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas? Batas ng pag-iral ng matibay na loob Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas
Sa loob ng maliit na kwadro Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan? Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan
Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan Bakit call center lang ang aking babagsakan? O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan? Piso lang ba halaga ng lahat ng aking pagsisikap? Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat? Madali pa pala ang unibersidad May kalayaan, oo tao'y mga mulat Marami umano ang buhok ng oportunidad Hatakin man ay nasa harap ang bagsak
Kahapon itlog at pancit canton, Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon Inakalang sa tren isa akong bagon Sa bilis ng oras ay papadayon Isang buwan nang matapos na ako Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon Kaklase sa hayskul aking nakasalubong Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?! Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong
Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan Sasablay ako hanggang sa huling sandali Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan Hinding hindi ninyo ako magiging utusan
Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat Nag-iisang makakaalis sa aming bayan Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan Dustang panliliit ang aking naging kalaban Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig! Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan? Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas Sa mumurahin ako’y umiwas Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat Gabi-gabing sunog kilay pati balat Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat
Singsing ng pangako sa kanya, Sa pamantasang sinisinta Sa kahirapan di niya ako makikita Bayang yayapusin mala linta
Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran? Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran! Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran! Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!