Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Aug 2015
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang mga butil ng bigas
Ay mula sa mga butil ng binhi ng palay
Na bago pa man maitundos sa lupa
May paghahandang dapat na maisagawa
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang kailangang palipasin
Ilang mga araw at linggong magdamag
Bago simulan bawat umaga ng pag-aararo
Bawat umaga ng pagpapalambot sa lupa
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang pagkatapos ng pagpupunla’y
Mahabang takipsilim ng pag-aabang
At pagdidilig. Hindi lamang ng tubig,
Kundi pati pawis at dugo, higit na pag-ibig
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang may panahon ng paghahasa
Ng mga gulok, sundang at karit
May panahon ng paghahawan
May panahon ng paggapas at pag-aani
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Batid nilang may aangkin ng lupang kanila
Batid nilang may panahon ng paniningil
May panahon ng pag-ani ng karapatan
May panahon ng pagkapatas
 
Maalam maghintay ang mga magsasaka
Hindi sila nahihimbing sa kanilang paghihintay
Mababaw ang tulog, tiyak nila ang oras ng paggising
Ang oras ng pagtindig
Ang oras ng paghawak ng kanilang mga karit.
Pia Montalban
Written by
Pia Montalban  Planet Mars
(Planet Mars)   
Please log in to view and add comments on poems