Ngayong nagdaan na ang isang linggong malamig at maulan, Nagpakita na ang araw, mainit at maliwanag. Alam kong dapat masaya ako pero Paano ako sasaya kung ikaw lang lagi ang naaalala ko?
Naiinis ako sa araw, pinapaalala niya ang mga nagdaang linggo, Mga linggong magkausap tayo tungkol sa kahit ano. Mga linggong nakakapagod pero napapawi mo. Mga linggong wala akong maisagot sa papel ko Pero bigla ka nalang papasok sa isip ko, Kasama ng mga sagot na hinahanap ko.
Ngunit ngayon, naiisip ko, ano nga ba ang pinagkaiba? Kahit noong tag-ulan, naaalala pa rin kita. Naaalala ko kung paano kita sinasabihang mag-iingat ka At kung paano kita pinaiyak dahil sa isang sala. Naaalala ko rin kung paano mo ako iniwan At kung paano kita hinayaan.
Kaya ngayong wala ka na, wala akong magawa Kundi mainis sa lahat ng bagay na nagpapaalala Hindi sa'yo, kundi sa aking mga nagawa Para umalis ka at iwanan mo akong mag-isa.