Nang una kitang makita at makilala ‘Di ko mailahad ang aking nadarama Pinagdarasal na lagi kitang kausap Palaging sinisilayan at hinahanap
Madalas tinitignan ang iyong larawan Ika’y ‘di rin nawala sa aking isipan Sa munting panahon ng ating pagsasama ‘Di ko naiwasang mahulog at umasa
Ika’y hinintay ko, hindi ako napagod Aking nadarama’y hindi bastang naglaho Kahit masakit, matagal ako nagtiis ‘Di mo hiningi ngunit ginusto kong gawin
Nagkunwaring manhid ngunit ako ay hindi Paghihirap ay ‘di ko na lamang pinansin Pagkat alam ko na sa dulo, ito’y sulit Inisip ko na ika’y mapapasaakin
Ito ang aking lubhang pinaniwalaan Hanggang umabot sa puntong ako’y nabulag ‘Di namalayang habang ika’y iniibig Unti-unting nawala ang aking sarili