NASAAN KA NA NIKNOK?
Mahal naming NIKNOK saan ka ba namin matatagpuan
Hinanap ka na namin sa lahat ng sulok ng bahay
Pati na rin sa loob at labas ng ating bakuran
Saan ka nagpunta at iniwan ang maayos mong tirahan
Marahil ikaw ay sumalisi sa paglabas ng sasakyan
Sapagkat sa ilalim ang paborito mong tambayan
Di mo naman nakasanayang lumabas ng tahanan
Paano na ngayon ano na ang iyong magiging buhay
Sobra na kaming nag aalala sa yong kalagayan
Paano ang iyong pagkain, inumin at tirahan
Dito’y malinis ang pagkain malambot ang higaan
Hinihintay ka rin ni BASHA na iyong kaharutan
Aming NIKNOK sobra na rin ang aming pangungulila
Oras oras ay pumapatak ang aming mga luha
Ramdam na ramdam namin ang lungkot sa ‘yong pagkawala
At nakalarawan sa isip ang maamo mong mukha
Puspin ka man sa iba at mga mata’y nang uusig
Ngunit sa aming paningin puspin kang kaibig ibig
Mga kalmot mo sa ‘king katawan heto’t nakaukit
Ngunit kahit kelan ‘di ako nakaramdam ng galit
Lagi kitang namimis sa oras ng pagpapakain
Ang pagkatok sa bintana upang ika’y papasukin
At pagtabi sa aking higaan at ika’y haplusin
Umuwi ka na NIKNOK at lungkot namin ay pawiin
Namimis ko rin ang iyong pag ingaw sa tuwing umaga
Hudyat upang ako’y bumangon at pakainin ka na
Ang balahibong kay ganda at katawan mong kay sigla
Ang paglalaro nyo ng dalawang kuting at ni BASHA
Wala na akong ganang umakyat upang tanim ay bisitahin
Nasanay akong kasama ka sa aking munting harden
Lumalago ng lahat ang hydrophonic lettuce natin
Nasaan ka na NIKNOK malapit na nating anihin
Ginawan ka namin ng karatula at dinikit kung saan saan
Sana’y makatulong ang iba at lungkot nami’y maibsan
Bumalik ka na sa bahay kalaro mo’y naghihintay
Araw at gabi ano mang oras kami’y nag aabang
Ang pag aalaga ng hayop ay hindi basta basta
Lalo na kung sa loob ng bahay aso man o pusa
May angkop na pagkain, tirahan at pangangalaga
Kapamilya ang turing sa pagmamahal at pag aruga