Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Dec 2017
sinusunog na mga bahay,
sinasamsam ang mga ari-arian,
sinasaktan pati ang mga bata,
ginagahasa ang mga babae,
at pinapatay ang mga lalake.
ganito araw-araw ang kanilang sinasapit,
hindi sa kamay ng mga tulisan o rebelde,
hindi sila ang salarin sa pang-aapi,
kundi ang estado at militar ang pasimuno.
sila ang pasistang halimaw na naninibasib,
pagkat gusto nilang maubos ang mga Rohingya.
hindi daw sila taga Burma,
latak daw sila ng mga Arabong dayo,
kaya kailangan na sila'y malipol.
walang magawa si Aung San Suu Kyi,
pati s'ya hawak sa leeg ng militar.
walang ginagawa ang Amerika at UN,
palibhasa wala silang mapapala sa mahirap na bansa.
isa na naman ba itong Rwanda,
o katulad sa Gaza?
walang gustong tumulong sa kanilang walang pakinabang.
maramot ang saklolo sa mga madaling maloko,
hindi kinakalinga ng langit ang mga tunay na api at kapos palad,
sapagkat ang mata ng kasaysayan ay nakatuon lagi sa Europa
at sa mga bansang masagana.
JOJO C PINCA Dec 2017
may pagkasabik akong nararamdaman,
paghahangad na hindi ko mabigyan ng ngalan
isang pagtataka na 'di ko matukoy ang dahilan.
isang pagkasabik na walang paghupa,
isang pagkauhaw na hindi matighaw,
isang pagkagutom na tila walang kabusugan.
ewan ko ba kung bakit ganito ang aking nadarama.
ito ang aking nararamdaman sa 'twing nakikita kita,
ganito ako kapag katabi kita,
ganito ako kapag naaamoy kita,
sa madaling salita nakakagutom ka.
gusto kitang kainin mula ulo hanggang paa,
halikan, dilaan at amuyin nang paulit-ulit,
pagkain ka na hindi ko pagsasawaan tikman,
ganito kita gustong angkinin.
JOJO C PINCA Dec 2017
nalulungkot ka dahil sa kanyang pagkawala,
ganyan talaga ang buhay lahat nang dumarating
ay kailangan din umalis sa takdang panahon.
lahat ng simula ay may katapat na wakas,
gaano man kahaba ang landas ito'y may hangganan din.
hindi mo dapat na isara ang pinto ng buhay mo.
ang gabi ay laging may umaga,
sa dulo ng kirot ay may ginhawa.
matutuyo rin ang luha mo,
sa isang sulyap at isang ngiti
ay magagawa mo'ng harapin ang ngayon at ang bukas.
hindi ka nag-iisa at hindi ka mag-iisa,
lumingon ka lang sa tabi mo at makikita mo ako
isang tawag mo lang at darating ako.
JOJO C PINCA Dec 2017
May nag-aalab na damdamin sa loob ng aking dibdib.
Isang galit na hindi humuhupa parang sugat na lumalala.
May tanong na hanggang ngayon ay hindi mahanapan ng sagot.
Napapagod ang diwa ko pero walang makitang kapahingahan.
Nauuhaw ako subalit tila hindi sasapat ang tubig.
(mabuti na lang at may serbesa at alak na masasandalan)
May sapot sa isipan ko kaya hindi makita ang hantungan.
Wala akong magawa kundi harapin kung ano ang meron ako,
Hindi naging mabait ang kapalaran at naging maramot ang buhay.
Ang kaligayahan ay parang mailap na ibon ,
mahirap mahuli at hindi madaling mahawakan.
Lungko’t at pagdurusa ang matalik ko’ng kaibigan.
May mga magdamag na ayaw ko nang magwakas,
Mga pagkahimbing na ayaw ko nang magising,
Mga umagang ayaw ko nang tanawin.
Ito ang palad kong hatid na kailangan ko’ng harapin.
Haharapin kahit may hinanakit at panghihinayang,
Haharapin dahil kailangang gawin,
Tulad ng ginawa ni Sisyphu ang lahat ng lungkot at hirap ay aking haharapin.
JOJO C PINCA Dec 2017
Kaninang madaling araw umiyak ang langit,
Nabasa ng kanyang luha ang kalsada na dati mo’ng nilalakaran.
Mamayang hapon susunugin  ang iyong bangkay.
Magiging abo ka at ilalagay sa banga.
Sa museleo ng isang simbahan doon ka hihimlay,
Matutulog ka na kasama ang ibang bangkay
Na tulad mo’ng tinupok nang apoy.
Noong isang gabi dinalaw ko ang burol mo,
Payapa kang nakahiga sa kabaong ,
Hindi alam ng mga bulaklak at ataul
ang hirap na ‘yong pinagdaanan.
Nagpapahinga kana sa sinapupunan ng kawalan
Kung saan ang lahat ay nagmula.
JOJO C PINCA Dec 2017
Ito ang kahulugan ng pangalan mo,
Ikaw ang liwanag sa madaling araw,
Ang unang kislap na pumupunit sa dilim.
Ikaw ang simula ng umagang kay ganda,
Na nagkukubli sa haba ng gabi,
Habang umaawit ang magdamag.
Sumalungat ang hangin sa sikat ng araw
Kaya’t patuloy kang nagniningning.
Tiyak na naiinggit ang mga bituin
Sapagkat higit kang marikit kung ihahambing.
Ang buong maghapon ay tila isang panaginip.
Saan ba nanggagaling ang iyong ningning?
Nagmula ka pa sa kabilang kalawakan sakay ng bulalakaw,
Tila ganyan ang iyong pagdating.
Sige lang patuloy kang magningning
Nang magliwanag ang buhay na madilim.
JOJO C PINCA Dec 2017
Walang araw at gabi na hindi ko naiisip ang iyong kalagayan.
May mga pagmulat sa umaga na tila nananaginip ako,
Iniisip ko na nagbago na ang lahat, na sa wakas ay nalampasan
Mo na ang ang iyong hirap na pinagdadaanan.
Mga pagkabigla ng isipan na para bang naalimpungatan lang.
Subalit laging bumabalik sa mga katotohanan na kailangan harapin.
Mga lungkot at kurot sa pusong tanawin, mga sana at mga
Panghihinayang. Puno ng mga pagbabakasakali at pag-asa,
Hinahanap-hanap ang kasagutan sa mailap na katanungan.
Bakit ikaw? Bakit sa’yo pa nangyari? Bakit nagkaganyan ka?
Wala ako’ng ibang hiling kundi ang maging maayos ka,
Na maging malusog at kaaya-aya ka.
Hindi ko hinangad ang yaman ng mundo,
ikaw lang at ang kapatid mo ay daig na ang lahat ng yaman sa daigdig.
Pero ‘hwag kang mag-ala-ala anak ko hindi kita iiwan,
Kailanman hindi kita pababayaan ako’y laging nandito sa tabi mo.
Haharapin natin nang magkasabay ang buhay.
Naalala mo ba ang naghahabulan na mga alon sa dalampasigan?
Masayang masaya ka habang ito’y humahampas sa iyong katawan,
Ganito ang buhay punong-puno ng mga alon.
Kailangan na ito’y harapin, wala ka’ng ibang gagawin.
Ngitian mo ang hampas ng buhay maliit man o malaki ang dala nitong mga alon.
Habang ako’y nabubuhay sasamahan kita sa pagharap mo sa mga alon,
Hindi ka namin iiwan ng ate at mama mo.
Lalabanan natin ang dagok ng mga daluyong,
Sabay tayong tatawid na karagatan ng buhay,
Umulan man at umaraw lagi kitang yayakapin.
Ganyan kita kamahal aking bunso.
Next page