Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Dec 2017
Makulit, malikot, parang kiti-kiti na paikot-ikot.
Ganyan ang bunso ko masyadong maligalig,
Takbo dito takbo doon, bukas dito bukas doon,
Akyat dito akyat doon.
Akala ko magiging mahina ka nagkamali ako.
Mahina ka noong isinilang,
Tatlong araw palang ay na-ospital kana.
May kung anong laging tumutunog sa’yong lalamunan,
Huli ka kumpara sa karamihan.
Sa paglipas ng mga taon unti-unti mo’ng nalalampasan,
Tiwala ako’ng lahat ng ito’y iyong mapagtatagumpayan.
Alam ko na nagtatampo ka kay papa,
Makulit ka kasi kaya ka napipitik.
Pinipitik kasi mahal kita,
Pinipitik kasi nagmamalasakit,
Pinipitik kasi ayaw mapahamak,
Pinipitik sa kamay para mo maintindihan
Na minsan mali ang iyong ginagawa.
Kailanman ay hindi kita sasaktan anak ko,
Kahit ang buhay ko isusugal ko para sa’yo.
Kini-kiss naman kita matapos pitikin,
Kasi hindi kita kayang tiisin,
Nasasaktan ako sa t’wing nakikita ko na ikaw ay umiiyak.
JOJO C PINCA Dec 2017
tuluyan ka nang naupos tulad sa kandila.
unti-unting natunaw ang buhay mo.
dahan-dahan itong kinain nang imbing kamatayan.
isang pahingalay sa tulad mo'ng nagtiis
ng malubhang karamdaman.
buto't balat ka na lang at laging dumadaing,
buhay na patay kung ika'y pinagmamasdan.
sa wakas hindi kana maghihirap.
wala na ang kirot na saksakan ng lupit.
wala na ang sugat na bumubulok sa'yong likuran.
hindi kana mapapagod sa paghabol ng iyong hininga.
hindi kana pagpipistahan ng mga lamgam.
wala na ang diaper na kailangan palitan.
alam namin na pagod kana,
kailangan mo nang magpahinga.
paalam na sa mga tusok ng karayom
na hindi makita ang tamang ugat saiyong katawan.
paalam sa mabaho at mainit na ospital.
hindi na lilipas ang maghapon na puno ng bagut.
wala na ang mapapait na daing 'twing madaling-araw.
dumating na ang mga sundo,
kukunin ka nila at di na muling ibabalik.
tinatawag ka na ng hangin papalayo sa amin,
inagaw ka ng liwanag sa kalaliman ng gabi.
sa huling hantungan mo ay tatanawin kita.
aalalahanin ko ang kabataan ko na kasama kita.
babalikan ko ang lumipas na may lungkot at saya.
may mga umaga na hindi na darating,
pero may mga kahapon na 'pwede pang balikan.
walumpot-limang taon sa mundong ibabaw,
at marami-rami ka na ring narating.
siguro nga wala ka nang hahanapin pa,
sapat na marahil ang layo ng iyong nalakbay.
kaming mga naiwan mo hindi maglalaon
ay tutugpa din na gaya mo.
ang hindi lang namin alam ay kung kailan, paano at saan.
paalam po at salamat sa mga ala-ala.
alas-dose medya kagabi Disyembre 3, 2017 namatay ang tiya ko panganay na kapatid ng nanay ko.
JOJO C PINCA Dec 2017
Hindi ako kumakain ng tae o umiinom ng ihi,
Lalo namang hindi ako humahalik sa tumbong.
Lumaki ako’ng mahirap at naranasan ko’ng maapi,
Pero kahit kelan hindi sumuko ang diwa ko,
Laging nakikipaglaban ang puso’t isipan ko.
Nakabilanggo ako sa sistema na kinasusuklaman ko,
Oo bilanggo ang katawan ko ng pangangailangan para
Mabuhay pero mulat ang isipan ko. Ang hampas-lupa
Ko lang na katawan ang nakabilanggo subalit ang puso at
Isip ko kailanman hindi mapipiit.

Nakikinig ako pero hindi ibig sabihin na naniniwala ako,
Nagbabasa ako pero hindi nangangahulogan na tinatanggap ko ito.
Ang malayang isipan ang pinaka-mataas na antas ng pakikipaglaban,
Kailanman hindi ito masusupil, apoy ito ng kaluluwang hindi kailanman
Mapapatay; mananatili itong nagliliyab.

Hindi ako sumisigaw sa kalsada o nag-aarmas habang
Nakakanlong sa mga gubat pero patuloy ako’ng tumututol.
Ginagamit ko ang aking panulat sa paglaban. Rebelde ako’ng
Lagalag na hindi matatahimik. Maangas ang aking panulat at
Nagliliyab ang aking mga letra.  

Rebelde, aktibista, radikal, militante, sosyalista, komunista,
Ateista, anarkista – oo lahat ng yan ay ako. All in one ika nga,
Kung saan ang dehado dun ako pumapanig ayaw ko sa mga liyamado
Sapagkat karamihan sa kanila ay tarantado. Pro-labor, pro-masa
Pro-poor siguro nga ganyan ako. Kaya marahil pro-Bonifacio ako at
Hindi pro-Rizal. Kaya siguro idolo ko si Nelson Mandela, Gandhi,
Malcolm X, Amado V. Hernandez at iba pang radikal
kasi tulad nila meron akong Malayang Isipan.
JOJO C PINCA Dec 2017
Walang sukat ang damdamin at wala rin itong tugma,
Ang wagas na pag-ibig o nagbabagang galit ay walang ritmo,
Lahat ng ito ay dapat na lumaya. Sumabog na tulad sa bulkan
Kung kinakailangan o di kaya ay dumaloy na tulad sa agos ng ilog.
Ganito ang malayang taludturan na aking tinatangkilik, oo alagad ako
Ni Walt Whitman at hindi ko ito ikinakahiya.

Hindi ko kinakailangan na bumilang ng mga araw, lingo at buwan,
Hindi ko kailangan na pagandahin ang mga salitang isusulat ko.
Totoo na gusto ko ring sumikat at makilala ng balana ang maging tanyag
Na tulad ng iba. Subalit wala akong balak na itakwil ang aking tunay na
Saloobin, hindi ko isasakripisyo ang aking nararamdaman para lang
Tanggapin at kilalanin ng iba.

Minsan mala-sutala pero mas madalas ay magaspang na tulad sa sako
Ang mga salitang ginagamit ko. Hindi ako nanunuyo sa halip madalas ako’ng
Nagmumura at nang-uusig. ‘Pagkat yan ang laman ng aking dibdib at hindi
Ko ito ikinakahiya. Malaya ako na tulad sa malayang tauldturan na itinataguyod ko.
Putang-ina ko man kahit hindi ako ma-publish gagawin ko parin ito.

Hindi ko pakikinisin ang magaspang na katotohanan, hindi ko pababanguhin
Ang nangangalingasaw na kaganapan ang isusulat ko ay ang tunay lamang.
Magiging tapat ako sa aking damdamin, hindi ko uulolin ang aking sarili at hindi
Ako mag-iinarte sapagkat hindi naman ako artista. Hindi ito Sunugan o Flip Top ito ang
Tunay na ako na s’yang nagsasalita. Hindi ko kailangan na magpatawa.

Ang tunay na makata ay naglalahad ng katotohanan hindi ng mga salitang
Gustong mapakinggan lamang ng mga taong bumabasa ng kanyang mga tula.
Walang sukat at walang tugma ganito ang tunay na demokrasya. Damdamin ko
Ang magdidikta, ito ang panginoon ng aking panulat.
JOJO C PINCA Dec 2017
Ang pagibig sa karunungan ay walang katapat na halaga. Ang pilosopiya at salapi ay langis at tubig kailanman hindi ito maaaring magsanib. Si Socrates na ama ng pilosopiya ay hindi yumaman ni guminhawa ang kanyang buhay. Ang karunungan ay bahagi ng kaluluwa at ang kaluluwa kahit kelan ay hindi nangailangan ng salapi at materyal na mga bagay. Walang pera sa pilosopiya sapagkat wala rin pilosopiya sa pera.

“Philosophy bakes no bread” pero ito ang pundasyon ng mga sibilisasyon. Ang kultura at ebolusyon ng lahat ng buhay at mga pangyayari at kasaysayan ay nakasalalay sa pag-unlad ng pilosopiya. Ang karunungan ay parang gulong na laging sumusulong. Ang lahat ng sangay ng kaalaman ay nakasalalay sa pilosopiya, pilosopiya ang nagbibigay buhay at nagpapagalaw sa mundo. Ito ang bumabago sa takbo ng panahon at isipan ng bawat henerasyon.

“Philosophy bakes no bread” ang medisina, batas, arkitektura, literatura at lahat ng katha ng isip ay nakasalig sa pilosopiya. Walang kaayusan kung walang pilosopiya. Ito ang mapa ng mundo at kompas ng kasaysayan. Pati ang mga buktot na panukala at mga hangarin ay may bahid ng binaluktot na pilosopiya na binalangkas ng mga taong hangal. Ang pilosopiya ang lumilikha ng yaman at kahirapan depende kung paano ito ginagamit ng mga nasa kapangyarihan.

“Philosophy bakes no bread” pero ito ang kanlungan at kapahingahan; ito ang nagbibigay ng kalayaan. Tanggulan ito ng mga mahihina at walang kayang lumaban. Sulo na nagbibigay liwanag at pumupunit sa dilim ng gabi.
JOJO C PINCA Dec 2017
Manggagawa ang tatay ko at manggagawa din ako, lumaki ako sa lugar na ang mga kapit-bahay ko ay puro mga manggagawa. Dati pangarap ko’ng maging labor lider, maging unyonista na tulad ng tatay ko. Manggagawa mga taong pinalalakas ang katawan dahil ito ang kanilang tanging puhunan. Katawan, dugo at pawis ito ang kailangan dahil wala silang ibang masasandalan. Mga isang-kahig at isang-tuka at mga alipin ng gutom at pangangailangan, mga modernong alipin.

Mga factory workers, bodegero, baradero, construction workers, OFW, mga sekyu, mekaniko, latero, karpintero, katulong, hardinero, kubetero, tsuper, kargador, estibador – lahat sila mga manggagawa. Gumagawa araw at gabi kapalit ng maliit na kita, hindi sapat na benipesyo at walang dangal sa harap ng among kapitalista. Mga inuupasala at pinagsasamantalahan, mga gatasan na laging tinatampalasan ng mga walanghiya at mga tampalasan.

Manggagawa na walang dangal na laging busabos ng mga mayayaman at makapangyarihan kailan mo kaya makikita ang araw ng iyong katubusan? May mga dambuhalang mahilig kumain ng laman mga halimaw na walang kabusugan, mga bampira na sinasaid ang dugo ng biktimang walang kalaban-laban. Ganyan ang mga kapitalistang ating pinaglilingkuran. Mga walang pakialam sa buhay ng iba ang mahalaga sa kanila ay ang kumita ng limpak-limpak na pakinabang.

Mga kapwa manggagawa may araw din na tayo ay lalaya. 'Wag mainip sapagkat nakatunghay ang kasaysayan ang batas nito ang magsasabi kung kelan tayo lalaya sa tanikala ng mga mapang-aping panukala.
JOJO C PINCA Dec 2017
“Mahirap na daw turuan ng bagong laro ang matandang aso”, siguro nga totoo ito. Pero may mga bagay na nalalaman ang matandang aso na hindi alam ng mga kabataan ngayon. Alam ng matandang aso ang sagot sa maraming talinghaga at hiwaga na taglay ng buhay. Nakita n’ya ang mga paliwanag na nagbibigay ng liwanag; nakita n’ya ang mga katotohanan at kasinungalingan na nasa pagitan ng mga sulok-sulok ng buhay. Alam n’ya na hindi lahat ng kumikinang ay ginto, na hindi porke kalmada ang dagat ay wala nang darating na unos. Hindi ibig sabihin na kapag komokak ang palaka ay tag-ulan na. Alam n’ya na ang kamatayan ay hindi talaga kasawian kundi isang bagong yugto, isang bagong pagsisimula at isang bagong anyo ng buhay.

Alam ng matandang aso ang pagkakaiba nang tunay na umiibig sa nalilibugan lang. kaya natatawa s’ya kapag nakikita ang mga kabataan na inaabuso ang salitang “pagibig”. Mahina na ang katawan ng matandang aso subalit nananatiling malakas ang kanyang isip; malabo na ang kanyang mga mata pero malinaw parin ang kanyang puso at pandama. Marami na s’yang naisulat at marami na s’yang binigkas na mga talumpati, alam n’yang hindi lahat ng nagbabasa at nakikinig ay natututo. Marami sa kanila ay nananatiling mga ungas at gago. Alam n’ya na ang karunungan ay hindi agad-agad na tinatanggap ng mga hanagal na nakikinig, na hindi ang talumpati at panulat ang talagang nagmumulat kundi ang mga karanasan at mga pinagdadaanan.

Malalim na ang gabi pagod at inaantok na ang matandang aso pero hindi s’ya makatulog. Dahil alam n’ya na sa bawat pagkahimbing ay laging may naka-abang na bangungot. Na ang bawat bukang-liwayway ay hindi laging may dalang pag-asa. Na, ang maghapon madalas ay isang tanikala na iyong kailangan na hatakin. Hindi naging masaya subalit hindi rin naman naging malungkot ang buhay ng matandang aso, pero hindi s’ya nanghihinayang sapagkat alam n’ya ang ibig sabihin ng kasabihan na “ang buhay ay parang gulong, minsan nasa ibabaw ka minsan naman nasa ilalim ka”.
Next page