Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
Nakasadlak ngayon sa laksang dusa ang nagluluksang lungsod ng Marawi.
Nasiraan kasi ng bait ang mga ulol na galit na galit kaya nila pinunit na parang damit
ang bayang marikit. Palibhasa’y mga baliw sila na walang paggiliw sa aliw ng iba.
Ito daw kasi ang gusto ng kanilang diyos kaya wala silang pakialam sa iyong pagpupuyos
Mga putang-ina sila na wala sa ayos.
JOJO C PINCA Nov 2017
Isa itong tablang parisukat,
platapormang nakaangat.
Dito tumatayo ang nakabarong
at Ingleserong mga tulisan
pag gusto nila maging legal
ang kanilang gagawin
na pagnanakaw sa kaban ng bayan.
JOJO C PINCA Nov 2017
Ang nagdarasal ay parang nagsasalsal
Nasasarapan s’ya habang nag-iilusyon.
Na magkakaroon ng solusyon
Ang kanyang mga konsumisyon.
JOJO C PINCA Nov 2017
may kaibigan akong nakaitim
parang salamin laging nakatingin
pilit ko man limutin
tila sakit s'ya na di kayang gamutin

pihitin ko man ang aking paningin
lagi itong bumabaling sa dilim
kung saan nandun ang kaibigan kong nakaitim

hindi s'ya maligno o impakto ng lagim
basta ang alam ko lang lagi s'yang nakaitim
nagkukubli s'ya sa loob ng puso kong madilim

hawak n'ya ang malungkot na nakaraan;
mga pira-pirasong bangungot at hapdi ng lumipas
malupit ang kaibigan kong nakaitim
ayaw n'ya akong patahimikin
JOJO C PINCA Nov 2017
Paalam bayan kong sinilangan,
sintang katagalugan, lupain na sinakop
ng mga puting dayuhan; inalipin at binusabos
ng higit sa tatlong-daan na taon.

Kung hindi sana ako nakagapos
ay nasa larangan ako ngayon,
nakikipaglaban para sa iyong kalayaan;
subalit ako ay binihag ng mga taksil na kalahi,
kayumanggi ang kulay ng kanilang balat
subalit ugaling Kastila sila.

Alam ko na ito na ang aking wakas
dadalhin nila ako at si Procopio sa dako na di namin alam;
tanging diyos lang ang nakababatid sa aming sasapitin.
Sa punglo kaya o sa talim ng tabak kaming magkapatid ay masasawi?

Nalulumbay ako hindi dahil sa ako'y mauutas
kundi sa pag-aakala na masasawi ako sa kamay ng aking kalahi.
Kung dayuhan man lang sana ang sa akin ay papaslang mas matatanggap ko ito nang maluwag sa dibdib.

Paalam mahal kong Oryang,
Lakambini ng Katipunan,
ina ng aking anak at kabiyak ng aking dibdib.
Naiiyak ako sapagkat malungkot ang naging wakas ng ating pagsinta.

Kung magtagumpay ang himagsikan
at makamtan na ang layang inaasam
wag sana makalimutan ang mga nabuwal sa parang ng digma.

Kainin nawa ng lupa ang mga taksil sa bayan,
lunurin ng baha ang mga nakipagtulungan sa kaaway,
tamaan ng kidlat ang mga tampalasan na umibig sa dayuhan na mapang-alipin. Sumpain sila ng langit.

Nakapiring ang aking mga mata subalit nararamdaman ko na malapit na kami sa dako kong saan babasahin sa amin ni Komandante Lazaro Makapagal ang hatol ng konseho ng digma.

Payapa ang aking kalooban, walang pangamba.
Alam ko na ginawa ko ang nararapat, kailanman hindi ako nagtaksil gaya ng kanilang ipinaparatang.
Mabuhay ang Pilipinas, Mabuhay ang Rebolusyon.
JOJO C PINCA Nov 2017
Ang kandungan mo ang kanlungan ko,
Ito ang huling hantungan ng aking mga kalungkutan.
May kakaibang kapayapaan ang sumasaakin
Sa tuwing ikaw ay aking inaangkin.
Ikaw ang simboryo ng aking santuaryo,
Hindi ko kailangan ang rosaryo sapagkat ikaw
Lang ang nag-iisa kong misteryo dito sa aking Beaterio.
JOJO C PINCA Nov 2017
SAPAT BA ANG MGA SALITA SA SINAPUPUNAN NG IYONG GUNITA?
MERON BANG PATINIG NA MARIRINIG SA IYONG TINIG?
ANG IYONG MGA UNLAPI HINDI KAYA SILA MAPIPI?
KUNG SA TINGIN MO AY MATIBAY ANG IYONG PANULAT, SIGE MAGPATULOY KA,
PATUNAYAN MO NA IKAW AY ILOG NA HINDI RIN NAMAN NATUTUYO.

ITALA MO SA TALA ANG IYONG MGA ALA-ALA
AT HUGUTIN MO SA IYONG DIBDIB
ANG MGA LINYA NA MAPANG-ANYAYA
NANG SUMAYA NAMAN KAHIT ANG MGA NAPANGANYAYA.

HAYAAN MO NA ANG IYONG PANULAT
AY MAGSILBING PISIL SA PUSO NG LINSIL
NANG SA GAYON AY HINDI NA S’YA MAKAPANIIL.

SAKBIBI KA MAN NG LUNGKOT
NOO MO’Y WAG SANANG MANGUNOT
YAKAPIN MO ANG IYONG MGA TULA
UPANG HINDI KA MABUGNOT.

MAKABAGONG MAKATA
HANDA KA BANG MAMANATA
UPANG HINDI MAGMUKHANG DELATA?
Next page