Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
PWEDING MALA SUTLA O MAGASPANG NA TELA,
GANYAN ANG MGA ALA-ALA,
MINSAN MALALA MINSAN NAWAWALA.
MGA PAGTITIWALA AT PANINIWALA,
LAHAT AY DAPAT NA MASALA,
GANITO HINAHABI ANG HIBLA NG MGA ALA-ALA,
PARA MERON KANG MAPALA.
NAGBABAG ANG DALAWANG KUMAG,
MGA KUTONG LUPA NA PURO HAMPAS LUPA.
HAMBUGAN ANG DAHILAN NG UMBAGAN,
PAREHONG DUGUAN MATAPOS ANG BUGBUGAN,
ITO ANG HIBLA NG KABATAAN.
SA ESKUWELA KAILANGAN MO RIN MAGING MAKUWELA,
KUNG AYAW MO’NG MAGMUKHANG GUMAMELA.
HINDI LAHAT NG MATALINO AY PINO,
MERON DIN MAASIM NA PARANG PIPINO,
AT HINDI PORKE BOBO AY PARA NG LOBO,
GANITO ANG BUHAY ESTUDYANTE.
UMIIBIG HABANG UMIIGIB?
PWEDE NAMAN SABAY,
DEPENDE SA ARTE,
KAILANGAN LANG NG DISKARTE.
WALA PANG INTERNET SA TINDAHAN NI ALING NANNETH,
WALANG CELLPHONE PERO MAY MEGAPHONE,
PWEDE **** ISIGAW NA MAHAL MO S’YA.
KUNG MALUPIT KA EDI LUMAPIT KA,
KUNG TORPE KA EDI SUMULAT KA.
GANITO ANG LABANAN NOONG WALA PANG FB AT CP,
HIBLA NG KASIBULAN.
GRADUATE NA,
KAYA TRABAHO NA,
APLAY DITO APLAY DOON,
WALANG HUMPAY ANG PAGSISIKAP.
HAPAY-KAWAYAN,
KAHIT SAAN SUMASAMPAY.
HIBLA NG BUHAY EMPLEYADO.
TILA ITLOG NA ESTRALYADO NANG MAGING PAMILYADO.
PAKIRAMDAM KO BUO NA AKO,
SINTAMIS NG KAHEL ANG DULOT NG DALAWANG ANGHEL,
ITO HIBLA NG KASALUKUYAN.
JOJO C PINCA Nov 2017
Kaninang umaga
Habang hithit ko
Ang nagbabagang yosi
Ay naalala ko
Ang lumipas na tag-araw.
Kalagitnaan ng Abril 2017
Maalinsangan ang umaga
Nang ako’y magising
Matapos ang isang gabing
walang pagkahimbing.
Sa sala at maging sa lamesa
Namagitan ang isang
Mahabang katahimikan
Walang usapan, Walang kibuan
Isang nakakainis na pakiramdaman.
Nung sumapit na ang tanghali
Mas mainit pa sa nakasalang na kawali
Ang init ng nakakapugnaw
na putang-inang araw.
Pero kakaiba ang tag-araw na ito
Sa gitna ng matinding init
Akoy giniginaw
May Malaria? Wala s’yempre
Pero ako’y giniginaw.
Giniginaw ako sa tindi
ng panlalamig mo sa akin.
Kaninang umaga habang nagyoyosi
Sa pagitan ng usok at buntong-hininga
Naalala ko ang lumipas na tag-araw.
JOJO C PINCA Nov 2017
kagabi isang kagaguhan
na naman ang namagitan
may yelo ang puswelo
may adobong pato
na nakalagay sa plato
mabuti na lang at walang bato
na dala itong si Nato
panay ang tagay nitong si Egay
baso'y winawagayway
parang hindi nangangalay
tapos dumaan si Inday
buhok n'ya ay nakalugay
nagpatuloy ang tagayan
hanggang madaling-araw
ang bote nakatayo pa
pero ako bagsak na
hindi ko na namalayan
nang ako'y manlupaypay
at nawalan ng malay
nalunod ako sa bula ng serbesa
nahilo sa usok ng sigarilyo
kaninang umaga akoy lulugo-lugo
matapos ang isang gabing kagaguhan
JOJO C PINCA Nov 2017
kanina habang
hinihigop ko
ang kapeng mainit
at hinihithit
ang mapait
na sigarilyo
habang nakaupo
sa may beranda
ng aming opisina
napanood ko
kung paano
sumayaw
ang mga kawayan
sa saliw ng malamig
na hangan
humahapay ito at
humahalik sa beranda at
nangingiliti ang luntiang
mga dahon
dito humahapon
ang mga ibon
at dito rin gumagapang
ang dagang sugapa
sa basura at tira-tirang ulam
habang nag-aabang
ang itim na pusa
na saksakan ng tahimik
sa sayaw ng kawayan
sa awit ng hangin
sa huni ng mga ibon
sa labis na pagkadiri
sa dagang nuknukan ng dugyot
at sa tulong ng kape at sigarilyo
pinalilipas ko ang
nakakainis na pagkabagot.
JOJO C PINCA Nov 2017
may araw ang mga patay
e paano naman
ang mga buhay?
hindi na pala uso
ang nangangaluluwa
treat or trick na
ang "in" ngayon.
tara dalawin natin ang mga
mahal nating namayapa na
kahit ang totoo
hindi na sila
mabubuhay pa.
ang sementeryo na tahanan
ng mga bangkay
pag araw ng mga patay
nagiging pugad ito ng mga lasenggo,
mandurukot, imbi't tarantado
at parang mall na rin ito ngayon
kasi kumpleto: may Dunkin, Mcdo, Jollibee
at Pizza Hut na rin.
wag kalilimutan ang
bulaklak at kandila
linis lapida, papintura
pati na ang paglilipat
ng mga buto pero tandaan
lahat ng ito may bayad
sabi nila mahirap at mayaman
lahat mamamatay din
pero kahit sa huling hantungan
hindi sila magkapantay
kasi may nasa apartment
at may nasa memorial lawn.
JOJO C PINCA Nov 2017
wala sa sementeryo
ang misteryo,
hindi namamahay
sa lumang bahay
ang mga multo.
nand'yan lang sila
sa loob ng puso't isip mo.
mga kalansay ng buhay
mo'ng walang say-say,
naaalala mo pa ba
ang puting babae (white lady)
na lumulutang sa kama
habang hinuhubaran mo?
naririnig mo ba ang iyak
ng mga anak mo
na naging tiyanak
matapos mo silang ikalat.
hindi nabubuhay ang patay
pero may mga ala-alang
kailanman hindi namamatay,
susundan ka nila
na parang zombing naglalakad.
walang multo pero
kailangan mo ng indulto
sa dami ng buhay
na iyong nainsulto.
walang multo
pero may aswang
ikaw ang aswang
marami kang inaswang
animal ka.
JOJO C PINCA Nov 2017
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
isang araw hahabulin mo ang 'yong hininga,
pero sa tulin nito hindi mo s'ya aabutan.
magdidilim ang iyong paligid
magsasarado ang iyong mga mata
at hindi kana kailanman gagalaw.
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
mabubura ang lahat ng iyong ala-ala,
mabuti man o masama lahat mawawala.
kahit ang panaghoy ng naglalamay
na saiyo'y nagmamahal hindi mo na
madidinig lahat maglalaho.
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
maganda man o panget ang iyong
mukha't katawan sa bandang huli
kakainin lang ito ng mga bulate.
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
kahit nasa taas ka ay h'wag magmataas
pagkat sa huling hantungan sa lupa'ng
tapakan ka rin mababaon.
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
isang singaw sa ibabaw ng lupa,
isang bulalakaw sa kalawakan
isang bula na nakalutang sa sabaw
at isang kisapmata sa libong pangitain.
Next page