Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
"hwag kang mag-alala mahal ka parin nun". ito ang sinabi mo sa akin noong nakaraang taon. hindi ko agad naintindihan palibhasa'y tuliro ang isip ko, problemado ako sa bagong trabaho na kinakaharap ko.
tapos bigla kong naalala, oo nga pala, anibersaryo nga pala ng kasal natin. Ngumite na lang ako para maikubli ang aking pagkapahiya.
hindi ako kailanman nag-alala dahil alam kong mahal mo ako noon pa man hanggang ngayon.
hindi ako kailanman nag-alala dahil alam kong lagi kang tapat sa akin.
hindi ako kailanman nag-alala pagkat batid ko na hindi mo ako iniwan, lagi kang nandyan sa tabi ko umulan ma't umaraw.
hindi ako kailanman nag-alala dahil alam kong matagal mo nang inilaan ang buhay mo't pag-ibig para sa akin.
hindi ako kailanman nag-alala sapagkat alam kong sasamahan mo ako hanggang sa ating pagtanda.
pero nalulungkot ako sa tuwing naaalala ko na maraming beses ka nang umiyak dahil sa akin.
naiinis ako pagkat hindi ko nagawang samahan ka ng mga panahon na kailangan mo ako.
nagagalit ako sa sarili ko dahil hindi ko natapatan ang katapatan mo noong kabataan natin.
namamanglaw ako sa tuwing nakikita ko na kapos ang mga pagsisikap ko.
nalulungkot ako pag naiisip ko na baka mauna ako at hindi kita masamahan sa ating pagtanda.
ang nakaraan ay hindi ko na maibabalik, may mga pagkakamaling hindi ko na maitutuwid. pero pwede pa naman tayo makatawid dahil may ngayon at bukas pang maghahatid.
malapit na naman ang ating anibersaryo. hwag kang mag-alala pagkat hindi ako mag-aalala.
alam ko na mahal mo parin ako kahit konti lang ang iyong napapala sa gagong asawa na tulad ko.
kung sapat lang sana ang sulat at tula, kung ang mga tugma at tayutay at mga saknong nito ay magagawa kong lantay na yaman malamang hayahay ang ating buhay.
hindi ako si Perpekto at lalong hindi ako si Mr. Right
si Jojo lang ako, ganito lang ako kaliit, pero salamat at minahal mo ako.
JOJO C PINCA Nov 2017
kumikinang ang mamahaling parol na nakadambana sa bintana ng mansion na nasa loob ng isang malaking subdivision. nagniningning ang patay sindi nitong kulay na umaaliw sa balana. salamat sa malaking pakinabang na kanyang kinita nang walang anomang pakundangan sa dugo at pawis ng mga abang manggagawa.
nasa kanyang sala naman ang mataas na Christmas Tree habang sa paanan nito nakahandusay ang kahon-kahon na magagarbong mga regalo. malayong-malayo ito sa barung-barung ng mga nagtitiis sa siphayo ng dusa at karalitaan.
ang mahabang lamesa na nasa kanyang komedor ay talagang pinagpala sapagkat nakapatong dito ang hiniwang hamon, keso de bola, spaghetti, carbonara, lasagna, ubas at ang lahat ng masasarap na pangarap ng isang batang kalye na kumakalam ang sikmura habang tinitiis ang ginaw ng Disyembre.
matapos ang kanyang masaganang Noche Buena ay mauupo sya sa kanyang malambot na sofa na di halos mabilang ang libong halaga. dun n'ya iinumin nang buong pagmamalaki ang mamahaling brandy o di kaya naman ay whiskey.
katabi ang kanyang pamilya sabay-sabay silang manonood ng misa habang nakatuon sa higanteng flat screen na telebisyon. ang homily ng ingleserong pari ay patungkol sa pag-ibig sa kapwa at pagbibigayan.

— The End —