Sa paglipas ng bagyo
at pag-usbong ng araw.
Muli tayong babalik sa simula
Kung saan tayo’y dating tumubo.
Ang binhi ng pag-ibig
Nadurog man ngunit may pag-asang muling mabuhay
Hindi nagmamadali,
Sapagkat ang mga sanga’t dahon
Ay di bastang yumayabong.
Dadaan ang ulan, araw at panahon
Na muling sa atin ay magpapalago
Kung minsan nang natuyo at nasira
Ang ating mga dahon at sanga,
Ngunit naroroon pa rin ang puno.
Ngayon, magkasama, dahan-dahan
At maingat na sisimulang muli.
Bunutin ang damo ng konsensya.
Putulin ang sanga ng masamang nakaraan.
Buhusan ng tiwala ang mga ugat.
At pagyabungin sa lilim ng araw ang kapatawaran.
Darating ang oras
Na sa bawat pagsibol ng bulaklak
Sa bawat paglago ng bagong sibol na damdamin.
Ang pag-ibig na tila isang puno
Kung aalagaan, kailanman.
Hindi basta matitinag.