Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Aug 2019
Kahit nakapiring ang mga mata
Makikita pa rin
Itong dakilang pag ibig
Bakit gayon ay iniwan pa rin

Namumulaklak na ang mga tanim na rosas
Mga paruparong dumadapo
ang pagmamahal ay tunay
Di ba gusto rin ito ialay

Sana'y di na lang nagbago
ang humahagibis na hangin saan patungo
Isusulat sa malagong liryo
Nalugami sa huling pagkakataon
Nagsusumamo sa paraiso

Huwad ba sa mga kasaysayan?
Sadyang dinakila ang pagmamahalan
Di man nagkatuluyan
Bibigyan ng tamang pagkakahulugan

Na walang nararapat sa isang dukha?
Kahit siniphayo ng iba
Sa pag-ibig kailangan din masaktan
Tadhana nga naman
Namimili ng yayapakan
kingjay Aug 2019
Muling hahanapin ang ningning ng bituin
At ipapanalangin sa langit
Na sana'y may gintong rosas
Sa likod ng kulimlim

At may katiwasayan sa alapaap
Para doon humimpil
Ang mga pagod na bagwis,
Ang hangarin na pinagbubuntunan ng pag asa

Nanaisin na mamahinga sa disyerto
Kaysa lumanghap ng samyo
Ng mga dawag
Sa paraiso sa ibabaw ng lupa

Kung may araw na sisikat
Sa silangang kong mahal
Kapag nang aakit na ang yaong liwanag
Tatalikod at magtatago

Sapagkat madaling mabulag sa kanyang kasikatan,
Mahumaling sa kanyang kariktan
Maglulumbay din sa wakas

Kung saan ililihim ang kapanglawan
At titiisin ang kahapdian
Kung mabanayad na ang pakiramdam
Ay dadalawin naman ng kahapisan

Talastas ng mga mata
Ang anyong nakikita
Ngunit di matatarok
Parang ang kati ng lawang malinaw

Susuungin ang daloy ng ilog
O magpatangay sa alon
Ang buhay na pinag iingat ingatan
Ay nililisan ng katatagan

Kaya ang bawat pag ngiti
May luhang sinusukli
Ang kaginhawaan may pawis na pinupuhunan

Sinasagap ng paningin
At ng nasa ang pagpahinuhod ng
Sandali
Sa kapalaran na pinaglilikatan ng mabuting halimuyak

Maglalakad na tangan ang lumbay
Tungo sa lugar na pinagmulan
Sa alabok babalik
Ang hiningahang buhay

Di na lilingon at mag alalala
Sana'y di na mabubuwal sa pag alis
Sa maluwalhating pagsalubong ng hangin
Mananahan sa likod ng mga ulap
kingjay Jul 2019
Sa madilim na sulok ay inaalala
ang mga sandaling noon pa'y sa eskwela
at nahuhumaling sa kamag-aral na dalaga

Lipos ng rosas ang kapaligiran
Kapag siya'y nakikita sa paaralan
Sa isang sulyap niya'y ako'y parang sa ibang kalawakan

Hinati na ng imahinasyon
ang daigdig ko na may limitasyon
Itinago muna ang katotohanan
Para sa kanya'y handang ipagpalit maging ang kinabukasan

Sa alon ay nagpapaanod
Sa hangin ay naninikluhod
Ibinulong ang tanging hangarin
na sana sa isang araw kami'y magkapiling

Anong saya sa tuwing pasukan
Singko kong baon ay iniipon
Upang sa pagdating ng tamang panahon
Makabili ng bagong damit nang siya'y ligawan

Bakit ko pa ikinakahiya
ang maging isang dukha
Hindi na nga makakain
Nagsusumikap pa rin kahit hinahamak pa ng iba

Marupok ang aking katatagan
Ang dibdib ko'y may malumanay na damdamin
Ni ayaw magsalita at ayaw pumansin

Duwag kapag ako'y salingin
Nanginginig ang himig
Sa gabi'y pinapangarap
si Dessa na nagluningning

Siya'y prinsesa na nakahilig
Sa luklukan
Haring handang pagsisilbihan
Walang mali sa kanyang kagustuhan

Kapag lumalayo na ang araw
na tila pumapa-kanluran
Alaala'y ibinabalik - mahapdi na katotohanan

Sana'y noong nagkakatitigan
Lumapit kapagdaka'y nagpakilala
Kung sakaling ngumiti
Hindi na siya pakakawalan

Sana'y sa simula pa lang
niligawan na ang Paraluman
Kahit tumanggi sa pagmamahal
Mas mabuti na ang umibig kahit nabigo
Kaysa hindi nakaranas ng pagsuyo
Mahirap man - tumanda nang
nagagalak kahit sa isipan

Ngunit ang salamisim kay Dessa ay ayaw ako tigilan
Lumiligalig sa gitna ng aking kahimbingan
Kung mangyari'y maninirahan sa Panganorin ng nakaraan
kingjay Jul 2019
Ang hele sa duyan
Awit ng magulang
na nakapagpagaan sa hangin
sa tuwing nauulinigan

Ang mga punongkahoy doon sa palayan
Na nagwawagayway sa mga dumadaan
May matimyas na kuwento
noong sila pa'y mga munting halaman

Paru paro  na sa hardin
na dumadapo sa bulaklak
sila rin ay may pinagmulan
-galing sa alamat

Ang magandang tanawin
Baryo pa dati kung pangalanan
Magandang buhay ang binabati
Ng damo't kawayan

Ang paggising ng araw
mula sa Silangan
Nagbibigay pag-asa
ang matingkad niyang liwanag

At noong dati
Nang minsa'y nagmahal
mahiyain sa kaibigan
ayaw sabihin sa kaklase

Hanggang ngayon
bibig ay parang itinahi
Bakit nahalina sa pag-ibig
Kung malaya lang ang umibig
Di na sana pinili
kingjay Jul 2019
Kasabay ng patak ng ulan
Ang luha kong umaagos nang marahan
Damdamin ay nasasaktan
Panibugho kong di tumahan

Bakit ako'y pinagpalit
Palagi naman sa iyo ay mabait
Minahal kita nang higit pa sa iyong nalalaman
Pagmamahal na iyong pinabayaan

Ikaw ang aking pinipintuho
Kahit sasalungatin ng bagyo
Di ako mapapadaig
Delubyo man ang maging dulot nito

Ang putik sa mga paa kong dumidikit
Ay parang pumipigil sa paghakbang
Kahit mabubuwal sa daan
Patuloy pa rin sa paglakad

Sa tuwing iniisip ka
Nalulungkot ako't humihikbi
Ang pait ng dagat
At ang alon ay sampal sa pisngi
sapagkat iba na sa iyo ang nagmamay-ari

Matalim ang bawat pagaspas ng mga dahon
Ang mabanayad na awit ay nagdadagdag ng sakit
Habang sa silong nag-iisa
Nalulumbay ako nang inaalala ka

Ipikit ko man ang mga mata
Ay hindi tinakpan na bituin sa gabing maulan
Sapagkat maaliwalas gaya ng batis
Ang kagandahan mo na nagniningas

Kaya pagkatapos ng ulan
Sa silong ako'y pabayaan
Iniwan mo sa akin ang awitin
ng damdamin kong umiibig
kingjay Jun 2019
Sa kumpas ng mga kamay
Yaong mapapanood
Hihinto ang oras
Kasabay ng delubyo
Tila nasa sentro ng mata ng bagyo

Tangan ang manika
na pinatakan ng dugo
Isinuob at ang usok
na umilanglang ay nakakahilo

Malapit na maghating gabi
Habang namumula ang buwan
Isang salita na lng isasambit iyon
Ay ang pangalan
Maghahari ang sumpa na di
Maglulubay

Ngunit sa kahu-huling minuto
Ay ang sandali
Nang pagkamulat sa kapakanan ng minamahal
At di sa pansariling pagkagusto at pag mamay-ari
Kapatawaran sa Diyos ay inihiling

Nang biglang may kulog at kidlat
Kasabay ng malakas na hangin
Parang may nagalit
Gamunggong patak ng ulan sa pisngi
Tila may mabigat na pasanin
kingjay Jun 2019
KULAM

Sa ilalim ng langit
Takipsilim ay naglulundo
sa katapusan
Kung saan ang langit lumulutang sa dagat
At ang buwan ay unti-unting nanalamin

Ang dulo ng punyal
Sa punyos ay ikukudlit
Ang patak ng dugo
Ay magkukulay, sa bawat salitang isasambit
Mangyayari ang dinadasal

Ang bulong ay ang nakakabinging lintik
Na maguguhit sa kalangitan
Ngunit hindi uulan
Lupa'y mabibiyak
Manginginig ang mga bato

Naniningas na sulat
Katagang itinuturing katotohanan
Katuparan ang bawat letra
Ang kahulugan nito'y hindi malulupi

Lahat ay makapangyarihan
Kahit nakakubli man sa kadiliman
Isang hiwagang bumabalot
Sa sandaling hiram
Sa sugat ay kukuha ng lakas
na maglulupig sa liwanag
Next page