Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay May 2019
Ipanligo ang luha
Gawin basahan ang damit na
pamunas sa sugat na di gumagaling
Hulug bituin ba na matutupad ang mga hiling o bagay na tinatapon ng langit

Ano ang susundin
Naduhagi sa buhay
Nabubuwal sa kapalarang sinapit
Kagustuhan ng loob o ang ikakaunlad ng Maharlikang angkan
Sa basbas ng langit
Iniusal ang dasal

Sapat na ang saya nang masilayan si dessa
Walang dusa't unos na nanaig
Anyong Diyosa, diwata ang kawangis
Kinang ng perlas
Kagandahang nang -aakit

Marupok na ang silya
Habang ang damit ay tagpi-tagpi
Naluoy na ang labi
Mata'y nangamuti
Inilalarawan  na ang mukha sa salamin ng bukas

Natatangi man ito ang sa isip
Ang kabiguan ay tinitiis
Pa isa-isa man ang balahibo idinidikit
na para pumagaspas sa hangin
Makakalipad nang mataas
Bubulusok nang mabilis
kingjay May 2019
Sa lugar na malawak
mga paa ay di magawang makatongtong at nanatili lumulutang
Pangyayari na di kailanman magaganap

Kathang isip ay isalin
sa gawa at nang maging
ang kaganapan sa imahinasyon matutupad
Magpursigi sa gusto
Imahinasyon ay totoo

Sa pamamagitan ng patpat ay gumuhit sa lupa ng larawan
kung ano ang nakikita sa harapan
ay sandalan ng likuran

Lalangin ang layunin
na sa buhay ay may kahalagahan
sa bisyo't sugal kung nahahalina
Dumikit sa dating landas at kasaysayan

Pagmamahal na maging mito
Isang buang, tumatahol na aso
Di na isasalin pa
sa wika na nasnaw ng dila
Maaalala muli ang pagmamahal na di nagmamaliw
kingjay Apr 2019
Sa tag-init ay nagdidikdik ng asin
Sa tag-ulan ay kakainin ang bunga ng pananim
Ano ito ang nakatagong sakit
na ipinunla ng mga luha

Dahil sa hindi masabi sabi
ang sinta
kaya ba na muntik na gawin ang pangkukulam kay Dessa
Kasalanan na kaagad may parusa
Lumalalim na ang tampo sa kanya

Pagsuyo na pinag iingat-ingatan
ay punyal na nakatarak sa puso't isipan
Mas mabuti kung nakakalimutan
Ngunit sumpang ala-ala na bumabalik hindi nagtatahan

At kapag lasing na ay nagiging madaldal
Mahangin ang wika, sa kataas - taasan ay umaapaw
Kung mananahimik ay parang nakakulong sa bahagi ng mundo

Sa prusisyon ay hindi maglalakad
Ang luhang dumausdos sa pisngi ay wala ng makababakas pa
kahit patak man ng natutunaw na kandila
kingjay Mar 2019
Sa panaginip anaki'y nagliwaliw
nakahanap ng pansamantalang aliw
Lumikmo sa tumba-tumba
Pikit ang mga mata, nag-iisip na kung ano ang mangyayari kapag ang lahat ay umayon

Sa madilim na sulok ay inaalala
mukha na walang bahid ng hapis
ang hagap malaya't may kumpiyansa
Wala sa huli ang susuyuin pagkatapos niya

Kapag lumagpas na sa kabataang edad
ang mga buhok ay mangamuti
ang labi'y lumitak
buti pa ang pagka-ulyanin ang unang gumanap
sapagkat sa hilahil ay hirap

Di-pangkaraniwan ang diwa
Labas sa katotohanan huminggil ang wika ng isip
Tulad ng hari sa luklukan
pumapatnugot sa mga kabanata

Ito'y kalutasan ng pagpapanibugho
Tumataghoy sa loob, luha'y bumabalong
Sa init ng dugo sa ugat ng puso, ang buhay nadudugtong
Ang imahinasyon na tila sapala - walang limitasyon
kingjay Mar 2019
Pupungas-pungas pa
Nasisilawan sa munting sinag
Di-makagulapay ang mga binti
Daig pa ang nakaratay na may sakit

Sa bawat umaga ay di pagkagaling
Tumighaw sana kahit na ang lumbay
Kung sa huni ng mga ibon ay naaaliw
makakagising nang may sigla at panibagong ginhawa

Ngunit nang minsan ang kaginhawaan ay nalasap
nanguluntoy ang pangarap
Sa tanghali na matindi ang bugso ng init
naranasan ang pagkapagod sa bukid

Hahayaan para sa kapakanan niya
na ang higad makisama sa mga paruparo na magiging siya
Huwag na dumapo sa dahon
na nagpakain noon
datapwat tumungo sa bulaklak ng palasyo

Pigilan ang tibok
Kahit parang buhos ng tubig sa talon
Ang ikamamatay ay siyang ikalulugod
Sapagkat sa kasaysayan ay napapako,
pinaparusahan ng panghihinayang
kingjay Mar 2019
Nagugunita pa nang winika
na ang unang halik para sa lalaking mahal
Namumugto ang mga mata
Ngayon ay lubos na naunawaan

Ang puso'y mainit
nang dumampi ang dibdib
malambot na katawan sa sedang marikit
habang naka-talukbong ang dalagang bukid

Sa nais na ipalitaw na talagang umiibig
ay nag-udyok para magtanong
Halata man sa mga tingin
Tikom ang bibig, mabasag man ang salamin

Ang kanyang hangad ay mananakop
Sa kanya na ang lahat
kailangan pa na maghinuhod
Hiyas na nakabalot ng ginto
Sa labas at loob pang-maharlika ang anyo

Higit pa sa kanyang inaakala
ang tunay na nadarama
Gusto man at kahit na magawa na maihayag
Magiging makasarili lamang ang pagmamahal
kingjay Mar 2019
Isugpong ang lupa't langit
Lumaon na pagsuyo'y naaanod
Sa kanluran ay naninikluhod
na sana maging malubay ang kasikipan ng loob

Ipagkaila sa tapat ng altar
Tumanda na naangkin ay di ibibigay
Di sadya man mamutawi sa labi ng mga kaibigan
Mag salangsang sa pag-ibig at nang humanggan

Sa wakas ay kusang mabubuhay
Sa walang panahon o oras
Ihuhubog ang mundo na tumila
Gaya ng dasal ng patay sa kalawakan

Ipagkaloob ang kasarinlan
sa marubdob na kinikilos ng itong kaluluwa
Mahiwalay sa katawang tao
At ang karunungan ang siyang magpapalakad sa gawa ng Maylikha

Sapagkat natumbok ng hirang ang budhi
Hindi na kaya maitakwil
Mismo ang kanyang kamay tumarak ng salapang
Sinugat ang kaluluwa - inalila ng kanyang pagnanasa
Next page