Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Mar 2019
Isugpong ang lupa't langit
Lumaon na pagsuyo'y naaanod
Sa kanluran ay naninikluhod
na sana maging malubay ang kasikipan ng loob

Ipagkaila sa tapat ng altar
Tumanda na naangkin ay di ibibigay
Di sadya man mamutawi sa labi ng mga kaibigan
Mag salangsang sa pag-ibig at nang humanggan

Sa wakas ay kusang mabubuhay
Sa walang panahon o oras
Ihuhubog ang mundo na tumila
Gaya ng dasal ng patay sa kalawakan

Ipagkaloob ang kasarinlan
sa marubdob na kinikilos ng itong kaluluwa
Mahiwalay sa katawang tao
At ang karunungan ang siyang magpapalakad sa gawa ng Maylikha

Sapagkat natumbok ng hirang ang budhi
Hindi na kaya maitakwil
Mismo ang kanyang kamay tumarak ng salapang
Sinugat ang kaluluwa - inalila ng kanyang pagnanasa
kingjay Feb 2019
Ito ba'y sa tingin ng miyopia na sandangkal ang layo, gusto na kabigin?
Pananaw na malabo, di malirip?

O himig na kaagaw-agaw pandinig
Musika sa katahimikang pandaigdig
na lumilikha ng espasyo sa katotohanang di ibig?

Paraan ng pagdarama sa mga bagay na umiiba?
Pagkaganyak sa karaniwang obra maestra?

Isang sulyap sa ningning ng maririkit na bituin
na mapangrahuyo sa mga mata?

Panggagaway sa sangkatauhan
na walang makapag-aalis
Payak subalit gumaganap nang paulit-ulit?

Ito ba'y tumatawid sa dakong paglubog tungo sa pagsikat ng araw
hilaga hanggang timog?

Gumagabay sa paglikha ng sining
ng mga pantas at pintor
na inspirasyon ang guhit?

Tumatalunton sa kinabukasan,
lumalakbay sa kawalan hanggan
tila mas matayog pa sa pag-asa?

Ito ba ang matamis na kabiguan
na ninais maranasan?
Ginawang bagay na di alam ang kahihinatnan?

O piling mga salita na nasnaw sa bibig,
bulong sa hangin ng makatang nagtitiis?

Kumukurap na liwanag sa karimlan
na kung pagmasdan parang mamatay datapwat di kailanman naglalaho?

Saglit na galak tulad ng mga nasa yaong pagdiriwang
mapagbunyi ngunit di mapagmataas?
kingjay Feb 2019
Unang pagtingin ay hindi lang paghanga
Sa nag-uumpisang ganda ni Dessa
Nangingimi pa na ngumiti
Kapag maglalakad ay kailangan akayin

Diwata sa katauhan ng dalagang-bukid
Karaagan na nais iguhit
Ipagdasal sa mga patron at santo nang hapit
Sana'y makarating ang dinadaing

Tanglaw ng bituin sa umaga
Nakasisilaw na silab
Nang nag-aalinlangan na sa nadarama
bakit inaalala pa ang larawan niya

Pakawalan ang salarin
nang nadakip ng tinatakasang damdamin
Aniban sana ng Reyna-
Abogado na magdedepensa

Kung mangyari na masiil
at wala na makapagtataguan
ipagtatapat sa hukuman-
sa pusong hukom
na nagkasala sa pag-iibigan
kingjay Feb 2019
Ang iniwan,
niloko ng liyag
kimkim ang galit sa kaibuturan
ay di madaling mapa-ibig

Ang masaya na pakisamahan
nakalulugod na kaibigan
ay di makapagsalita
sa harap ng hirang

Sa hindi natuto pang umibig
ay parang sanggol na
madaling umiyak,
kailangan akayin

Pagkat ito'y hindi maipipilit
tulad ng pag-awit ng mga pipit

Dalawampung araw na singkad
sa yaong buwan ay ang kaarawan
na di sa taong bisiesto

Kapag may dugong malabnaw at malinaw
ay karakaraka lumigwak sa bukang sugat

Oras na ipagdiwang
ng mga buo at biyak
Dalawang kasarian ay kapupunan sa bawat isa
kingjay Feb 2019
Itinudla sa puso ang palaso
kung tumatagos at nagdurugo
maaaring ito'y kapalaran na
umaabay sa delubyo

Tunay na paggiliw
ang siyang magdudulot,
magpuspos sa talaarawan
ng saya't sigla
sa likod ng kapighatian

Sa silakbo ng pag-ibig
ang nararamdamang umiinit
Hindi marahan
Masyadong mabagsik

Kung gayon iba na ang ipinapahiwatig
Tawag ng laman ay ang kalibugan
at ito'y di kailanman maihahambing sa puso ng Pebrero
na walang iba na mag-aangkin

Mayroon na ang sinta ay itinatangi
halos ang larawan sambahin
sa araw at gabi nangabusog na sa
dasalin

Mas mabuti pa ang ganda
na pangkaraniwan ang uri
May kapintasan man ginusto pa rin at inibig

Ang nabigo't
nasadlak sa lumo
Nang muli kumabig ay
mas lalong naging matamis ang mga pagngiti
kingjay Feb 2019
Itinadhanang magkasintahan
sa bituin walang puwang
Ang kapasyahan ng isa't isa ang
tanging magdudugtong upang
mabuo ang konstelasyon

Kasabay ng pagdiriwang ng
Bagong Taon ng dayuhan
Di magkatulad na kalendaryo
Pebrero ba ang unang buwan?

Unang pagtingin
Pangako na ginagatungan ng tiwala
Panghahawakan kung ano ang pinaniniwalaan
maging ito'y kapalaluan man

Ang simula ng panunuyo,
paghintay ng kasagutan
ay kapara ng bulaklak
na sa unang tubo mahalimuyak

Kung madaliin
dahil sa nagaganyakan
mabilis maupos
ang umaalab na kapusukan

Sapagkat iba ang nabigyan
pagkatapos hiningi
sa mga tinanggap na
pawang biyaya

Ganun din sa mga matiyaga
gaya ng mga langgam
Nagpapakahirap sa init ng araw
at nagdanas ng kabagutan ng panahon
bago nakamit ang kaginhawaan
kingjay Feb 2019
Pagsinta na ipinanganak
sa buwan na kulang-kulang ang mga araw
Kadalasan ay dalampu't walo at sa tuwing ikaapat na taon nagiging dalawampu't siyam

Winawangis sa tagsibol
ang panahon ng pagsilang
Kaya magiliw ang hangin,
bagong simoy hatid ng dalampasigan

Ang dapyo ng Amihan
simbanayad ng paghinga
sa pumapagaspas na dahon
sa bumabaluktot na sanga

Dahan-dahan nang nanaog
ang kaluwalhatian ng langit
sa mga batang umiibig
sa mga binatang naghihintay nang nanabik

Sa sumasangang pag-irog
dalawa o mahigit pang katipan
marami ang nagugustuhan
Walang wasto at tiyak na kamalian
sa pagmamahal

Di ang mayayabong bukirin at nagsitaasang gusali ang makapaghahadlang
Maging ang mga naging bulag na
ay matuwid kung lumakad sa daan

Sa batas ng pag-ibig
ang kalooban ang magtitiis
kung magkasala
ang damdamin ang maghihinagpis
Next page