Pagsinta na ipinanganak
sa buwan na kulang-kulang ang mga araw
Kadalasan ay dalampu't walo at sa tuwing ikaapat na taon nagiging dalawampu't siyam
Winawangis sa tagsibol
ang panahon ng pagsilang
Kaya magiliw ang hangin,
bagong simoy hatid ng dalampasigan
Ang dapyo ng Amihan
simbanayad ng paghinga
sa pumapagaspas na dahon
sa bumabaluktot na sanga
Dahan-dahan nang nanaog
ang kaluwalhatian ng langit
sa mga batang umiibig
sa mga binatang naghihintay nang nanabik
Sa sumasangang pag-irog
dalawa o mahigit pang katipan
marami ang nagugustuhan
Walang wasto at tiyak na kamalian
sa pagmamahal
Di ang mayayabong bukirin at nagsitaasang gusali ang makapaghahadlang
Maging ang mga naging bulag na
ay matuwid kung lumakad sa daan
Sa batas ng pag-ibig
ang kalooban ang magtitiis
kung magkasala
ang damdamin ang maghihinagpis