Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Jan 2019
Nahahabag sa sinta
Tulad ng dapit-hapon, ang araw ay papalubog na
Ang pangkukulam ay hindi magagawa
Diyos na dakila na ang bahala

Sa bagong paraiso'y maninirahan
kung saan ang bundok ay hinahampas ng alon ng dagat
Ang kalungkutan ay malumanay nang sinasakbibi ng puso na dinuruan ng pag-ibig

Kung sakaling mapunta sa dating tahanan
Ang Liham sana'y mahanap
Sapagkat sa mga naisulat naipapakita
na nasa puso't diwa si Dessa lang ang nilalaman

Ang pag-ibig ay buhay
at ang mga buhay ay nangagsipanaw
Kung gayun ang pag-ibig ay nangagsipanaw na din gaya ng buhay ng takipsilim
kingjay Jan 2019
Pagkat isang malaking duwag, hindi umaamin at nagpapaliwanag
May pagkulog at pagkidlat sa isang oras
Di nasabi ang katotohanan
Paano pa kaya ipaglaban

Ang kasalanang pampag-ibig
ay habambuhay dadalhin
Tulad ng lumalagos na liwanag sa salamin
Uyayi para sa puso na maghihimbing
sa kawalan
Dalawang paru-parong itim ay naintindihan - ang namayapang ama at pagsinta

Nang kinabukasan nasilayan pa ang bituin
na nagpuyat sa kadiliman
Ang susunod na silahis ay iba na ang ipapahiwatig

Nagtungo sa bundok ng Maida-as
Nagtawid ng ilog at kaparangan
Nasunog ang talahib  na dinaanan
Sa yungib gaganapin ang totoong anyo ng kasalanan
Maging karahasan ay pumipigil sa mga hakbang

Doon nagtapos ang talambuhay - talampag-ibig
Sa kapasyahan na ang dilim ay siyang maghari
Ang pagkukulam ay balak isagawa
Sa kalauna'y di itinuloy
kingjay Jan 2019
At dagli na hinalikan
Ang namamalirong mga labi niya'y sabik sa unang karanasan
Ang sagot ay ang ginoong unang nagpatibok sa kanya ang unang hinalikan
Ngunit huli na ang lahat
Magpapakasal na sa ibang lakan

Sapagkat ang pamilya'y pinagkasunduan
Simula pa ng pagkabata, naipakilala na ang nakatadhanang nobyo
na mag-aangkin ng kanyang puso
Hambog na binata'y sa kanya ang sasal ng kasayahan sa mundo

Gaya ng karamihan ay nanligaw din ang pasikatero
bago nakuha ang minimithi
Sadyang mailap ang pagmamahalan ng mababang uri
Ngayon iba na sa kanya ang nagmamay-ari

Nang nagkaisang dibdib na'y nawalan ng pag-asa
Kahit masilip sa tuwi-tuwina
at maibulong ang pintuho sa reyna
Bukang-liwayway sa akalang nag-uumaga
Takipsilim palang naduhagi sa bawat araw at sa susunod pa

Ang hinihingi'y ay ang pag-amin
Sa kanya na ang desisyon
Mag-iiba sana ang kapalaran
sapagkat matimyas ang kanyang pag-irog
Kayang iwanan ang karangyaan kapalit ng pag-ibig
kingjay Jan 2019
Minsan ay kaalitan ang kanyang magulang
Sa sigalot ay nanggilalas
Nang tumila ay nanaig ang kapighatian sa kanyang paligid
Di hamak na bituin na nalumpasay sa langit
Naka-baklaw ang mga paa

Ang inalagaang rosas sa paso ay pawang tintang dugo
kung saan natigmak itong puso
Pag yumabong ay nahihirapan ang mga ugat sa karampot na buhangin
Ang maliit na  sisidlan ay sumawata sa pagtubo

Ilang buwan din nagtiis
abot ng tanaw ngunit sa palagay ay lalong lumalayo ang sinta
Nang isang umaga'y may kumatok sa pintuan
Babaeng nakabelo ay biglang yumapos
Bumalisbis sa pisngi niya ang luha
- nagbigay ng imbitasyon

Sa pagka-akala niya'y mahal din
Humingi ng katiyakan ang kanyang paniniwala
Sapagkat naghintay sa kanya
Nagtanong nang diretsahan,
Kung sino ang babaeng napupusuan
Sa kanya ay umiibig ba

Di naibulgar ang pagsinta
Naibalik ang tanong sa kanya
Sino ang lalaking minahal bago maghiwalay ang mga landas at magpunta sa siyudad
kingjay Jan 2019
Isang araw na nang naulila ay hindi lumalabas ng kwarto
Sa kulungan pinagdudusahan ang kasalanan - ang mahuli sa pagkagising at nang hindi nabantayan hanggang sa pagtilaok ng mga manok para matiyak ang kaligtasan

Nagdalamhati ang nagtipon sa misa ng patay
Tuyong lupa ay nadiligan ng luha nang ibinaba ang kabaong sa ibinungkal na lupa
Ibinaon ang pagdaramdam pati ang pagsisi sa kasarilihan

Huling mga salita ay sariwa pa sa pandinig
"Agosto, buwan na madalas dalawin ng bagyo"
Ang papel na kinuha ay siyang rekwerdo
Ama na nagpalaki ay huwaran sa mga pamilya

Labing isang taon inalipin ng pag-ibig
At sa kanyang pagbalik panibagong bukang-liwayway sa marahas na buhay ay tumingkad
Ganap ng abogado - Reyna ng kanyang pangarap ang binibini

Nang sinadya na dumaan sa kanyang bakuran
Nakita sa bintana, isang manliligaw kasama ang buong angkan
Hinayaan ang pagmamahal na maghintay
Datapawa't may mali sa natatanaw
Hindi na masiyahin ang dilag
kingjay Jan 2019
Saglit lang nakatulog nang naulinigan
ang malakas na hilik
Isa, dalawa, tatlo hanggang treinta na segundo na tahimik
pagkatapos ay humagok
Isa, dalawa, tatlo hanggang lampas sa isang minuto muli'y nadingig

Gustong bumangon mula sa pagka-kalahating gising at tulog
Ngunit parang may pumipigil
Mga braso't binti ay pinapatungan ng sampung presyon at hulugbigat
Dalawang minuto na mahigit
Mapayapa na sa abang-aba na sandali

Nang tuluyan na nagising ay humagibis para pukawin
Walang hangin na sa ilong at bunganga niya'y lumalabas
Hinanapan ng pulso habang tumatangis
Kulay ube ang mga kuko,
maputla ang kutis
Ang birang na nalaglag sa loob ay isang papel

Hindi na ikinaumagahan, pintakasi ng lagim ay nagpahudyat
Kukunin ang laluluwa bago ang bukas
Nag-aagaw buhay na ama'y kailangan ng adya at di nagawa
Ulo'y nalungayngay
Sarili'y sinisisi

Buntunan ng sala ang kilos at gawa
Kumukudlit-kudlit na ipinaparatang
Kumakati-kati na ala-ala ay bumabagabag sa malabong konsensiya
kingjay Jan 2019
Paano matataho ang kanyang damdamin
Sino ang tinutukoy niyang minamahal
Bakit niyakap bigla
Malalim na ang gabi nang nagpaalam
Tinutugis ng kalituhan

Isang dapit-hapon, habang naglalakad
Isang ale ay humagulgol sa gilid ng kalsada
Ngunit walang sinuman ang nakapuna
Buong aparisyon nga ba

Sa bulaklak ng gumamela,
dalawang paru-parong itim ay nakita
na dumapo at lumipad nang sabay
Sino kaya ang susunduin ng kamatayan

Sa pag-uwi ay kay bigat ng pakiramdam
Sa mga salitang naisulat ay doon binuksan
ang nakakakilabot na bangungot ng kadiwaan
Ang mga nailimbag ay
" Lupa't langit ay nakahanay
    Tila'y magkarugtong parang itong      
    buhay"

Apat na oras na ang lumipas pagkatapos ng takipsilim
Minamasdan ang ama na humihilik
Hawak-hawak ang panyong itim
Dinalaw na ng himig ng hele at napaidlip
Next page