Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Jan 2019
Paano matataho ang kanyang damdamin
Sino ang tinutukoy niyang minamahal
Bakit niyakap bigla
Malalim na ang gabi nang nagpaalam
Tinutugis ng kalituhan

Isang dapit-hapon, habang naglalakad
Isang ale ay humagulgol sa gilid ng kalsada
Ngunit walang sinuman ang nakapuna
Buong aparisyon nga ba

Sa bulaklak ng gumamela,
dalawang paru-parong itim ay nakita
na dumapo at lumipad nang sabay
Sino kaya ang susunduin ng kamatayan

Sa pag-uwi ay kay bigat ng pakiramdam
Sa mga salitang naisulat ay doon binuksan
ang nakakakilabot na bangungot ng kadiwaan
Ang mga nailimbag ay
" Lupa't langit ay nakahanay
    Tila'y magkarugtong parang itong      
    buhay"

Apat na oras na ang lumipas pagkatapos ng takipsilim
Minamasdan ang ama na humihilik
Hawak-hawak ang panyong itim
Dinalaw na ng himig ng hele at napaidlip
kingjay Jan 2019
Bago iusal ang pangangamusta,
Pusang itim ay biglang lumukso sa harapan
Anu-ano na lang ang mga sapantaha
pero patuloy pa rin sa pag-uusap
Kanyang problema'y nalaman
Takdang-aralin na sa kanya'y palaisipan

Nalutas at nabigyan ng kasagutan
Ngunit nagtaka, sa tuwing magkakabanggaan ang mga tingin ay laging napapangiti
Sa pag-unat ng kanyang labi ay nagiging kulay makopa
Kung alam na sana ang gagawin ay di na sana nagpabaya

Matagal nagkwentuhan
Ngunit nang sinabi na sa siyudad ipagpatuloy ang pag-aaral ng abogasya ay natuldukan ang pag-iipon ng lakas ng loob upang magtapat

Sumungaw pa rin sa bibig
kung ano ang ibig
Ngunit dinaan sa biro sa pagsabi na maghihintay pa rin
Mukha niya'y seryoso nang magsalita, na sana ang minamahal ay magpakatotoo sa kanya

Hindi na umimik sapagkat mayroon ng lalaking-ibig
Di pa umaalis ang mata niyang nakatitig
Niyapos nang mahigpit at nagwika na ipangako na maghihintay sa kanyang pagbabalik
Naipangako naman na hihintayin
kingjay Jan 2019
Wala patutunguhan sa hiwas na landas
Bawat gawain ay kanyang pinupuna
Tinutuligsa ang mga munting kamalian
Palaging umiinit ang ulo at sumisigaw kahit marami ang nakatingin

Sa ikaapat at huling  taon ay sa umpok ng kumikislap na dyamante
Di naman irisponsable sa klase - maayos ang mga marka
Sa pagtatapos walang anino doon ng itay
kaya agad lumabas ng paaralan nang walang bahid ng pagkagalak

Agrikultura ang kinuhang kurso
Nang ikalawang taon na sa kolehiyo'y naparool ang anluwagi - ama'y nahulog at napilay sa gusaling itinatayo

Hindi natanggap ang kanyang kapalaran
kaya laging tumutungga ng alak
Nagpasya na huminto sa pag-aaral para may kumandili sa kanya
Pinapagalitan man ay di pa rin nagawang magsawa

Sadyang maliit ang lupain ng San Arden
Sapagkat nakasalubong si Dessa
Halata sa mga mata na mayroong kinikimkim
Pagbabalisa sa gabing madilim
kingjay Jan 2019
Handa na  ipagtanggol katumbas man itong sampung buhay
Ang halaga'y higit pa sa inipon na mga koral sa karagatan
Kung binastos kahit malinggit ay
kikibo ang nanahimik na balasik

Hinintay humulaw ang bagyo at si Dessa ay sumakay bago umuwi ng bahay
Lumusong sa baha sa baryo
at ginunam-gunam ang sandaling yaon

Kung may oras sa pag-aaral
gayun din sa paglilibang
Ngunit ang kunting kalayawan ay naging hadlang upang makatanggap
ng medalya ng karunungan

Hindi bakal at kawad ang pag-iisiip
para di matukso sa mga bisyo
Sa pagsusugal ay nalulong
Hindi mahilig sa anumang  pampalakasang laro
Napasama sa kapatiran

Dumating ang mga araw ang alingawngaw ay umabot sa ama
Nagpakalasing noong gabi bago naglabas ng mga hinaing
Mga salita niya'y matutulis, umuulos sa laman
kingjay Jan 2019
Sa tili ay nagulat
Oras na bumangon
Tumatagistis ang pawis
Nagsusumikap sa ilalim ng buwan
Nang sa taggutom ang sikmura'y di magtiis

Ilang linggo na ang lumipas at muli'y pasukan
Di pagbabalik-skwela ang kinapapanabikan
kundi ang hirang
Ang makita na ngumiti,
nagsisilundagan ang saya sa luksong-lubid

Sa kumikinang na dilaw - ginto
Sa pinto ng silid-aralan
Ang pangalan ay sa talaan
Sumambulat sa harapan, magiliw na klase at kaibigan

Alas singko ng  hapon, bumuhos ang ulan
Sa hintayan ay sumilong at doon din ang paraluman
Ang tatlong estudyante sa likod niya ay di alam

Nang isa ay hinipo ang makapal niyang buhok
Tinawag na ang pangalan
Sa tabi ay lumapit
Ang winika ay baka mabasa ka ng mahalumigmig na  habyog ng hangin
Inaabangan pa rin ang mga binata
sa kung ano pang balak na gawin
kingjay Jan 2019
Nang makasabayan sa paglalakad,
napatingin at napangiti
Ang hubong sintido ay naghimok para mauna na pansinin
Kapagkuwan ay kumaway sa kanya at lumapit

Simpleng nagpakilala bilang kamag-aral
Talastas niya na isang taon nauna sa kanya
Naging mausisa tungkol sa mga ****
Naisagot lang ay baka at siguro
kahit balot ng kainitan ng puso

Nang naghiwalay ay lalong nanabik
Masigasig sa pag-aaral
Nagrerepaso ng mga aralin sa bakasyon
Isinabay din sa mga pagpupuri sa dikit ng gabi

Sa kulay abo na panaginip ay lumaboy
Maraming kumpul-kumpol ng mga orkidya at iba pang bulaklak
Matao sa merkado subalit nakakabingi ang katahimikan
Sa paglilibot, naging lila ang nasaging kagamitan

Tumayo sa katre na pinaghihigaan
Kahit wala pa sa ulirat
parang nasa alapaap
Umaangat kahit walang pakpak
Nagbubunying pakiramdam sa taas
kingjay Jan 2019
Pusong bingi'y naaantig ng awit
Ganun pala sa unang pagsinta
Sa sombra niya'y laging nakabuntot
Paglumingon ay siyang paglinga-linga sa paligid
Ni ayaw mahalata kung saka-sakaling mapansin

Hindi malaya sa demokratikong bansa
Alila ng iniibig na panauhin
Ano nga ba, di alam ang gagawin
Sa pagpikit ng mata,
mukha niya'y nagniningning

Sa pantasya'y nahuhumaling
kahit na  gising, lumulutang sa hangin
Kaya ganun na lang sa pagsasalamin
sa mga nangyari - medyo pagmamalabis

Hinabol ang bawat galaw
Sa utak ay walang hinto na sumasayaw
Disente sa pananamit
Mayumi kahit sa anong bihis

Di man lubos nililimi ang mga katangian at ugali
Pabayaan pagkat mapagkumbaba
Hahamakin ang lahat
Dahil ang dibdib ay lumilingas
Next page