Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Jan 2019
Pusong bingi'y naaantig ng awit
Ganun pala sa unang pagsinta
Sa sombra niya'y laging nakabuntot
Paglumingon ay siyang paglinga-linga sa paligid
Ni ayaw mahalata kung saka-sakaling mapansin

Hindi malaya sa demokratikong bansa
Alila ng iniibig na panauhin
Ano nga ba, di alam ang gagawin
Sa pagpikit ng mata,
mukha niya'y nagniningning

Sa pantasya'y nahuhumaling
kahit na  gising, lumulutang sa hangin
Kaya ganun na lang sa pagsasalamin
sa mga nangyari - medyo pagmamalabis

Hinabol ang bawat galaw
Sa utak ay walang hinto na sumasayaw
Disente sa pananamit
Mayumi kahit sa anong bihis

Di man lubos nililimi ang mga katangian at ugali
Pabayaan pagkat mapagkumbaba
Hahamakin ang lahat
Dahil ang dibdib ay lumilingas
kingjay Jan 2019
Sinikap mag-aral, nilakad ang paaralan
Upang may grado na ipapakita sa ama na siyang ipagmamayabang
Nagtapos sa elementarya na  kabilang sa mataas na seksyon
-Hinay -hinay inakyat ang tagdan ng dunong

Sa paaralang sekondarya ay namayagpag
Sa pangkat ng namumukadkad na bulaklak - Waling-waling na mahalimuyak
Nakinig sa ikalawang magulang at nadagdagan ang kapurit na  katalinuhan

Sa taong dalawang libo't walo ay masyadong seryoso
Puno ng mga tala ang mga kwaderno
Di man pala - kaibigan,
Kaklase sa nakaraan ay natatandaan

Sa ikalawang taon sa sekondarya na edukasyon
Agila naman ang kinabibilangan
Mandaragit at salinlahi ng pambansang ibon
Malapad na balawis, sa pagkumpay sa
dagat ay dumadaluyong

Walang kamuwang-muwang nang nahagip ng pag-ibig sa isang tingin
Kung kailan nag-umpisa sa paggawa ng tula
Dahil ba kay Dessa o di kaya
talento na Kanyang biniyaya
kingjay Jan 2019
Mga pagsasalin sa totoong buhay

Antigo - Province of Antique
San Arden - San Jose

Mga kinabibilangang seskyon sa Antique National School
I - Waling-waling
II - Eagle
III - Gold
IV - Diamond

Maida-as - Mt. Madia-as
kingjay Jan 2019
Sa malayong baryo ng lalawigan ng Antigo, ng bayan ng San Arden
Nakatira kapiling ng ama
Sa murang edad, sanay magtrabaho
Magpukpok ng pako sa tabla

Sapagkat naulila sa inang nagluwal
Ikinapahamak ang matagal na pagpapakasakit
upang mailabas lang kapagdaka
bilang anak niya
sa kamalig ng kanyang ama

Kinalong ng lolo
Mga kamag-anak ay humingi ng saklolo
Bumugalwak ang dugo sa patadyong
May pag-asa pa bang mailigtas
kung dadalhin pa sa bayan nang gamutin ng pantas

Sa daraanan sa palayan, kay lakas ng ulan
Pumapagaspas ang dahon ng palay
Kakaunti lang ang hininga sa di magkamayaw na hangin
Talagang binawian na
Nautas ang ilaw ng pamilya

Sapagkat iisa lang ang bunso't panganay
Kailangan sundin ang utos at patnubay
Kung nabagot sa kahihintay,
sa pag-uwi may sasalubong-
hampas ng latigo na maglalatay
kingjay Jan 2019
Binagtas ang rumaragasang ilog
Tubig sa leeg ay lampas
Sa lusak pa rin sumayad ang talampakan
kahit nagsitaasan na parang alon
-makupad nang umahon

Naaninag sa tumok ng kugon ang kweba
Doon nagpasyang humimpil
Di muna bumalik ng tahanan
dahil ang sidhi ay di masupil,
ang sakit ay di matigil

Sa kapanlawan ay tumambad sa isip
ang pamana ng itay na parati sa lukbutan- isang papel
Nakasulat ang iba't ibang matalinhagang pangkukulam
di maka-Diyos, maaaring di maka-totohanan

Paano kung sisimulan sa katapusan
Masaliwa ang lahat na nagdaan
Kung makukuha ang pintuho ng paraluman
na siyang puno't dulo ng napapariwarang pag-iibigan
ay doon lamang magkaroon ng tiwasay

Bago ang kulam
Gustong isiwalat ang talambuhay
para lalo watasan
Sa bawat pahina'y mapa timbang-timbang
kung sino ang ihuhukom sa hangganan
kingjay Jan 2019
Umulan ng mga talulot sa simbahan
May palakpakan, palirit
Sapagkat pumunta sa kasiyahan
Daig pa ang fiesta at bagong taon sa lakas ng bulyawan

Katabi ng lalaki ang mahal
Puro halakhak at wala nang pag ngiti
Sa mga ka-nayon na bumabati
Inuman maghapon sa magarbong pagdiriwang
Paanyaya na natanggap na siyang pinaunlakan

Bago matapos ang selebrasyon ay
lumapit sa asawa ng maharlika
Ang pagbati ay ibinulong
sabay nakaw-halik sa pisngi niya
Tumalikod at di lumingon
Bigla na lang pumatak ang mga luha

Sa itinanim na pagsinta, ang naani'y pagdurusa
Sapat na ang hilahil upang magpatiwakal
Sapagkat di matanggap-tanggap ang pag-iisang dibdib
Tibok ng puso'y lumikat

Lumakad nang papalayo
Kahit mga paa'y mabigat iangat
Nanginig nang lumisan
Dumanas ng kulimlim ng pag-ibig
Nag-iisa sa Cariñosa sa putikan
kingjay Jan 2019
Ilang paglalarawan pa sa takipsilim para ikintal na nakayuko nang namimighati
Bigyan sana nang malawak na karunungan
para makapagpasya sa huling hapon at hapunan

Paano isalaysay ang naganap
kung ang sinta ay laging hanap
Bihira kumain-nangangayayat
Nauutal sa una at panapos na  pantig ng pangalan ng liyag

Sa hindi inaasahan ang kamay niya'y hiningi
ng binata na kakilala't nanligaw
Ipinangalandakan ang kasikatan
Lahat ng kayamanan ng Antigo ay kuyom ng kamay

Hindi tubo sa lugar-isang dayo
Magaling sa panunuyo, sanay makipagsalamuha sa kapwa-tao
Batbat ng salapi ang anino
Mabulaklak ang dila at minsan ay palabiro

Ilang buwan pa ang inalis sa kalendaryo
at nangyari nang biglaan
Unang pagkakataon na nasilayan na nakabelo
Saan ba tutungo?
Next page