Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Dec 2018
Sa siglaw ng pagkapanaw ay lumamlam ang ilaw
Sa dibisyon ng dalawang kaharian ay ang larawan na inalis sa pananaw
na pumitlag-pitlag

Mas malamig pa sa yelo ang istorya kung dadamdamin ang ipinapalitaw
Ang dulo ng kidlat na ipinukol ng langit ay gumawa ng sugat
na dahilan ng antak

Ang mala-tanso niyang buhok paano kakalawangin
Gumaganap ang pag-ibig nang palihim
Darangin sa apoy ng katotohanan sa pagsisinungaling-
nang hindi pagsabi na talagang umiibig

Nahimlay sa kamposanto
Di malikmata ang natatanaw na santilmo na umaalab
Tanglaw sa salamisim na siyang nagrereplek-balik

Ang dyamanteng hikaw ay pawang tala ikinabit sa kanyang tainga
Kariktan ay lalong nadadagdagan
Bumuyo para magnakaw ng halik
kingjay Dec 2018
Maginaw ang hamog sa unang ulan ng Disyembre
Naging kristal ang mga alikabok sa Hilaga
Lumaganap ang kahel na tina sa dahon ng Makahiya

Tumataghoy sa kweba ng kapusuan
Ibigay ang sagot sa patlang na kalooban
Himutok ay hindi na lumubay
Nang natagpuan na mayroon ng kasintahan

Napatingala sa langit na lipos ng estrelya
Sa kubo na hinati ng dingding
Sa loob ay ang buhay na ikinatha
Sa kabila naman ay ang mga bagay na dapat ginawa

Ngayon ay nagtagpo ang himakas at dagat
Sa katagalan nang paghintay ng salita upang ibibigkas ay wala rin saysay sa kahuli-hulihan
Sa tugmaang ito'y nasawan

Wiligan ng bendita ang dating sanggol sa kamalayan
Kipkipin at itago ang lampin
Sa ambon, sa bintana ay napaisip
Paano kung hindi natutong magmahal
kingjay Dec 2018
Hindi panggagayuma
Lubos ang kagustuhan
kaya ang aguha ay itutusok sa mannekin
At si kupido ay sumibangot
Mapapamahal o mamaalam
Itugon kahit alinman

Pakinggan ang katwiran kung bakit di kaagad nagtapat
May kaparasuhan man ay hayaan na lang
Sapagkat parang binidbid ang buong katawan sa pag-uusig
ng mismong salang pang pag-ibig

Sapagkat kapatid ng pipi, di nagsasalita
Ayaw sabihin sa minumutya
May kaba sa dibdib
Nag-aalangan nang labis
Likas na mahiyain

Gaya ng linta na sumusupsop ng sigla hanggang sa naghinagpis
Matinding kirot ang dahilan ng pagnguyngoy na abot-langit
Kumukurap ang ilaw sa paligid
Natagpuan na nabuwang na umaaligid

Sa yungib nagtago ang takas sa pag-ibig
Mga bitak sa bato ay inihahambing
Ang bahagi ng buhay kung saan naglaho ang mga bituin
kingjay Dec 2018
Lulan ng balangay ang pumpon ng bulaklak
Ibibigay sa kanya
Sadyang dinamihan para hindi kaya tumangan ang lahat
Lohika ng pag-iirog ay malayo sa ekwasyon

Maaliwalas ang alapaap
Minsan ay mapupuna na nababalisa sa ibaba
Ito'y taytay sa mahiang dako
at sa malungkot na pandanggo

Sinaunang tradisyon ng itong bayan
Ang alay ay dote at paninilbihan
Upang ipakita ang sinseridad
Kahit di man paakyatin ng hagdan,
magnilay-nilay sana sa durungawan

Ang pagsinta ay naiiba
Sa karurukan ng adhika ay yari
Ang nanunuksong salamangka para sa tataw ay iwawaksi
Di kayang magdesisyon sa tudlaan ng palaso

Ruta na mula Silangan pakanluran
Napapagod na ang loro
Lumubog na ang balintataw
dahil sa pinalaya ang pag-ibig
Naging manhid sa aktwal na  dula
Ang pagganap ay isang pagpapahirap
kingjay Dec 2018
Sa kubo na giba-giba ay nagbuntong-hininga
Nakatigil ang tanaw sa museo ng damdamin
Sinasaliwan ang kaganapan
Umuugnay ang mga pangyayari

Mabini dumaan sa bangkete
Dali-dali na binigyan ng upuan
Lahing kayumanggi ay di-palatandaan
Tanyag sa bansag na "Pamilya ng Perlas ng Silangan"

Isalin ang buhay sa ibang anyo ngunit di ang nararamdaman
Diyosa ng kagandahan ang kahawig ng minamahal
Maigsi ang oras ng pag-ibig
Natutuliro nang walang hanggan

Nang una malapitan, pisngi ay naging krimson
Naasiwa tumingin sa mga mata
Kailan nagsimula ang pag-ibig?
Nais sana ito'y sambitlain

Gaya ng mayuming baro't saya,
Ang alindog ay mahirap iwasan
Hinibo ang isip pati kaluluwa
Nang wala na sasagip sa pagkaalipin ng kanyang kamunduhan
kingjay Dec 2018
Ang maputing blusa ay nakakasilaw
Dating mag-aaral sa paaralan
ngayon reyna na ng kanyang natupad na pangarap
Lumaki na ang agwat ng katayuan
Distansiya na di malagpasan

Subukan bang habulin
Kung gaano kalaki ang kagustuhan
ganun din ang siyang kabiguan
Sa lagaslaw ng tubig sa alon
Ang payak na pamumuhay sa gitna ng daluyong

Sa araw ng mga  puso ay walang aaminin
Ang pag-irog ay hindi mabubunyag
Karugtong ng kwento ay maging nalilingid na alamat
Iniukol sa kanya ang kalatas

Suungin ang daloy ng ilog
Pilansik sa balat ay parang asido sa dugo na tinutunaw ang puso
Sa lalim ay malulunod, sa babaw ay ang hininga malalagot

Suwail sa kalangitan
Kung ito'y nakatadhana at ang mga yapak ay nabilang
Sana'y maunawaan ang inaasal
Sampung hakbang ang layo sa kanyang likuran
kingjay Dec 2018
Ipipinta sa sahig ang mga  rosas at hihigaan upang malaman ang pakiramdam na maihagis sa kaniyang dibdib
Sa matamis na ngiti na nang-aakit
Lahat kayang ibigay kahit na higit pa kaysa pag-ibig
Para maipabatid ang katindihan

Ang pagsasanib ng di katanggap-tanggap na uri ay wala na makapag-aalis
Dininig ang pakiusap
Katawan ay instrumento
Tinubuan ng sungay gaya ng kambing

Kinain ang liwanag ng araw upang makipaghasik ng lagim
Ito'y sariling imahinasyon
Gaya ng nalalapit na paggunaw ng mundo sa tuwing may eklipse

Haharanahan nang dumungaw at mahinhin na hilain ang kurtina
Kung maririnig ang boses niyang malambing
Makukumpleto ba ang araw at habang-buhay alalahanin?
Nanakawin ang sandali sa palatakdaan ng oras?

Sumpain na lang, sapagkat pinairal ang kapusukan
Paulit-ulit na dinarasal hanggang sumigaw
Kung hindi ibibigay ay tatalikod
Makipagsanduguan sa pulang hari

Binigo ng sentro ng daigdig
kaya ayaw na maglala ng susunod na panahon
Sa hungkag na kalawakan
Nabubulok ang katuturan
Ang malumanay na  pananalita ay nagmamaliw
Next page