Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Virgel T Zantua Aug 2020
Kung ang halik mo'y namamaalam
Sa pagmamahal na hiniram
Ang mga matang sa luha ay hilam
Pait at sakit ang dinaramdam...

Ang pag-ibig na aking kinamkam
Alay ay paglayang inaasam
Na parang lason na ninanamnam
Matamis ngunit may agam-agam...

Panahon lang ang nakakaalam
Sa lahat ay s'ya ang may alam
Kahit ang lahat ay makialam
Ang wakas ng lahat ay paalam...
Virgel T Zantua Aug 2020
SANA AY MAY ISANG ARAW
NA IKA’Y AKING MATANAW
AT SA IYO’Y ISISIGAW
ANG LALIM NA SUMASAKLAW
NG DAMDAMING NATUTUNAW
AT PUSONG DI NADADALAW
NA ANG PAG-IBIG KO’Y IKAW
HANGGANG SA AKO’Y PUMANAW

KUNG AKO MAN AY NAWALAY
AT SA HANGIN AY SUMABAY
PATUNGONG KABILANG BUHAY
AKO’Y HINDI MALULUMBAY
SA LAMIG AKO’Y AAKBAY
AT SA DILIM AY HIHIMLAY
ALAALA ANG SYANG GABAY
SA AKING BIGONG TAGUMPAY

MALI MAN ANG NAGING LANDAS
NG PAG-IBIG NA TUMAKAS
SA BUHAY KONG NAKALIPAS
NAWALA MAN ANG AKING LAKAS
AT ANG KULAY AY KUMUPAS
NGUNIT ANG DAMDAMING WAGAS
KAYLAN MA’Y DI MAGWAWAKAS
KAHAPON, NGAYON AT BUKAS
Virgel T Zantua Aug 2020
DI AKO NABUBUHAY SA NAKARAAN
NGUNIT SA AKIN ITO AY NAKALAAN
ANG MGA ALAALANG DI MAIWANAN
SILA’Y BAHAGI NA NG AKING KATAWAN

ANG KAHAPO’Y TULAD NG AKING ANINO
SA LIWANAG AY MAKIKILALANG AKO
NGUNIT SA DILIM SYA’Y NASA AKING PUSO
SA ALAALA SIYA ANG BUMUBUO

TULAD NG BUHAY NA MINSA’Y DI MALIRIP
DAHIL ANG DINADAANA’Y SOBRANG SIKIP
NGUNIT HIHINTAYIN ANG ‘SANG PANAGINIP
HANGGAN ANG HANGIN AY MULING UMIHIP

SA KWENTO NG BUHAY NA LUMULIPAS
ALAALA ANG S’YANG NAGBIBIGAY NG LAKAS
KUNG DUMATING MAN ANG HANGGANAN NG BUKAS
ALAALA ANG KASAMA HANGGAN WAKAS
Virgel T Zantua Aug 2020
PILITIN KO MAN LIMUTIN
ANG KAHAPONG PARA SA ‘TIN
NGUNIT BAKIT IKAW PA RIN
ANG NASA AKING DAMDAMIN

PAGMAMAHAL MA’Y BITIN
SA BALAG NG ALANGANIN
NAPAGOD MAN SA HANGARIN
IKAW PA RIN ANG MITHIIN

IBUBULONG KO SA HANGIN
PAG-IBIG AT PANALANGIN
SA DILIM SANA’Y MAPANSIN
KISLAP NA PARA SA AKIN

MAGLAHO MAN ANG PAGTINGIN
HINDI PA RIN LILIMUTIN
MAWALA MAN ANG BITUIN
IKAW LANG ANG MAMAHALIN
Virgel T Zantua Aug 2020
PANAHON AY NAGBABAGO
SABAY SA PAG-IKOT NG MUNDO
KATULAD NG DAMDAMIN MO
AT NG PAG-UUGALI KO
KUNG DATI-RATI AY TAYO
NGUNIT NGAYO’Y MAGKALAYO
SINO NGA BA ANG NAGBAGO
AT SAAN NA BA PATUNGO
ANG BAWAT PINTIG NG PUSO
PATULOY NA GUMUGUHO
PAALAM NA BALATKAYO
AT SA ISIP NA TULIRO
KAYLAN MA’Y DI KA NILOKO
HANGGAN SA WAKAS NG KWENTO
Virgel T Zantua Aug 2020
ANG ALAALA AY NABUBUO
KUNG SAAN PUMUPINTIG ANG PUSO
MGA LARAWAN ANG PUMUPUNO
SA KAHAPON NA NGAYO’Y NAGLAHO

SA PANAGINIP AY NAGTATAGPO
ANG PAG-IBIG NA SUMISILAKBO
PUNO NG MADAMDAMING PAGSUYO
AT WALANG KATAPUSANG PANGAKO

ANG PANGARAP AY ITINATAYO
NANG PAG-IBIG NA WALANG SIPHAYO
SA PAGMAMAHALAN BUONG BUO
KAILAN MAN ITO’Y DI GUGUHO

KUNG SA PAGGISING AY MAGLALAHO
SA ALAALA NAMAN BUO
KAHIT KAYLAN AY DI ISUSUKO
SA ALAALA NG PUSONG BIGO

— The End —