Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
Stum Casia Aug 2015
Maganda ka pa rin.
Kahit lagas ang halos lahat ng iyong ngipin
at pilas ang maganda **** pisngi.
Maganda ka pa rin.
Kahit hirap na kitang makilala.
Kahit hindi ko na makita ang ngiting dati ay para sa akin.
Maganda ka pa rin, aking asawa.
Magandang, maganda ka pa rin sa aking paningin,
mahal kong asawa.

Bigla ko tuloy naaalala,
noong hindi pa tayo magkakilala.
Palagi kita tinitignan. Mula sa malayo.
Sa likod ng mga streamer. Sa likod ng mga banner.
Parang stalker. Tinitignan kita.

Kaya naman parang umaakyat sa hagdanan ang aking kaligayahan
nang ikaw ay magpasyang mag-fulltime.
Nang tanggapin mo ang aking laking-bukid na pag-ibig,
At mas lalo, siyempre nang ikasal tayo sa opisina ng KOMPRA.

Pero, mahal na kasama, ngayong gabi,
ibig sana kitang sarilinin.
Tayo lang sana ng mga anak natin.
Pwede bang kahit ngayong gabi ay maipagdamot ka namin?
Pwede bang dito ka muna sa amin?

Oo, alam ko,
di mo iyon nanaisin. Sasabihin mo pihado, sigurado.
Pamilya mo rin sila- manggagawa, magsasaka, mga kasama.

Kaya't kasama nila,
bubuhayin ko ang iyong alaala.
Bubuhayin namin ang iyong mga alaala.

Ang huling araw na ikaw ay nakasama.
Ang huling text message na iyong pinadala.

Ang iyong mga aral at mga hamon.
At batid naming lahat saan ka man naroroon.
Tiyak namin san ka man naroroon.

Tumatawa ka nang malakas,
tinatawanan mo ang mga ungas.
Mga ungas sila. Bigo sila. Epic fail sila.
Nabigo silang ika'y patahimikin.
Nabigo silang pag-aaklas natin ay pahupain.
Akala nila nagwakas,
Pero tumutupok pa rin ang sinindihan **** ningas.
At sa muling pagbalikwas ng malayang bukas.
I-aabot natin sa tarangkahan ng kanilang mga kaluluwa ang wakas.
JOJO C PINCA Dec 2017
“Mahirap na daw turuan ng bagong laro ang matandang aso”, siguro nga totoo ito. Pero may mga bagay na nalalaman ang matandang aso na hindi alam ng mga kabataan ngayon. Alam ng matandang aso ang sagot sa maraming talinghaga at hiwaga na taglay ng buhay. Nakita n’ya ang mga paliwanag na nagbibigay ng liwanag; nakita n’ya ang mga katotohanan at kasinungalingan na nasa pagitan ng mga sulok-sulok ng buhay. Alam n’ya na hindi lahat ng kumikinang ay ginto, na hindi porke kalmada ang dagat ay wala nang darating na unos. Hindi ibig sabihin na kapag komokak ang palaka ay tag-ulan na. Alam n’ya na ang kamatayan ay hindi talaga kasawian kundi isang bagong yugto, isang bagong pagsisimula at isang bagong anyo ng buhay.

Alam ng matandang aso ang pagkakaiba nang tunay na umiibig sa nalilibugan lang. kaya natatawa s’ya kapag nakikita ang mga kabataan na inaabuso ang salitang “pagibig”. Mahina na ang katawan ng matandang aso subalit nananatiling malakas ang kanyang isip; malabo na ang kanyang mga mata pero malinaw parin ang kanyang puso at pandama. Marami na s’yang naisulat at marami na s’yang binigkas na mga talumpati, alam n’yang hindi lahat ng nagbabasa at nakikinig ay natututo. Marami sa kanila ay nananatiling mga ungas at gago. Alam n’ya na ang karunungan ay hindi agad-agad na tinatanggap ng mga hanagal na nakikinig, na hindi ang talumpati at panulat ang talagang nagmumulat kundi ang mga karanasan at mga pinagdadaanan.

Malalim na ang gabi pagod at inaantok na ang matandang aso pero hindi s’ya makatulog. Dahil alam n’ya na sa bawat pagkahimbing ay laging may naka-abang na bangungot. Na ang bawat bukang-liwayway ay hindi laging may dalang pag-asa. Na, ang maghapon madalas ay isang tanikala na iyong kailangan na hatakin. Hindi naging masaya subalit hindi rin naman naging malungkot ang buhay ng matandang aso, pero hindi s’ya nanghihinayang sapagkat alam n’ya ang ibig sabihin ng kasabihan na “ang buhay ay parang gulong, minsan nasa ibabaw ka minsan naman nasa ilalim ka”.
JOJO C PINCA Nov 2017
“I am not a teacher, but an awakener.”
― Robert Frost

May mga walang alam na nagpapanggap na may alam. Mga nagmamarunong na akala mo ay mga pantas pero ang totoo ay masahol pa sa tunay na mga mangmang. May mga nagsusulat pero hindi marunong magmulat, kahit bulatlatin mo ang kanilang mga aklat na hindi magluluwat wala kang mapupulot, wala itong alamat kundi puro lamat. Ganito sila ‘pag iyong sinalat walang k’wentang bumanat.

Ang mga panaginip ng isang paslit ay laging naghahanap ng katuparan tulad ito sa isang malawak na paliparan na ang mga tapakan ay tila walang hangganan. Ang banggaan ng mga saranggola guryon man o boka-boka ay sumasagisag sa sigla ng kamusmusan. Walang bobo, walang tanga at walang mahina ang totoo para-paraan lang para matuto ‘yan ang hindi alam ng mga ungas na nagtuturo.

Natatandaan ko madalas na pinapatayo ako sa harap ng pisara kasi maingay daw ako at malikot. Madalas din akong mapalo kasi mahina ang ulo ko pagdating sa Matematika. Bakit ano’ng kadakilaan ba ang meron sa pananahimik at kelan pa naging pang-aliw sa puso at kaluluwa ang mga numero? Walang lumiligaya sa pagmememorya at hindi nakaka-ulol ang pagiging malikot at maligaya.

**** ka ba talaga? Parang hindi naman, mas mukha kang tinderang tuliro na abala lagi sa pagbebenta ng yema, kendi at kung ano-anong sitsiriya. **** pangalawang magulang? Kaya pala mas mabagsik kapa sa tatay kong maton at mas masungit kapa sa nanay ko. Nagtuturo ka ba’ng talaga? Hindi naman, mas mahaba pa nga ang oras mo sa pakikipaghuntahan.

Ang **** ay hindi lamang dapat na nagtuturo s’ya ay tagapagmulat din. Isang John Keating (teacher sa pelikulang Dead Poet Society) ang kailangan ng mga bata sa mundo. Nagmumulat hindi nagmamalupit, hindi kailangan na manghagupit at walang dapat na ipilit. Ang eskwelahan ay hindi pugad ng mga pipit. Matalino, magaling at matalas mag-isip ayos lang yan. Subalit punong-puno na ang mundo ng mga matatalinong walang pakinabang.

Ang umibig at maging tunay na kapakipakinabang sa mundo at sa kapwa tao, ito ang dakilang aral na dapat na ipangaral. Walang silbi ang mga pagpapagal sa loob ng paaralan kung ang natutuhan mo lang ay kung paano kumita ng limpak-limpak na salapi. Kung ang alam mo lang sabihin ay Yes Sir at Yes Ma’am walang silbi ang iyong pinag-aralan. Nakakalat na sa lupa ang mga pipi na hindi marunong magsalita at magpahayag nang kanilang tunay na saloobin. **** na nagtuturo maliban sa hintuturo at nguso sana gamitin mo rin ang iyong puso.
George Andres Jul 2016
Hindi na ako iibig sa isang bagay na mamamatay rin lang
Hindi ko na ibibigay ang oras sa mga 'yong mapanlinlang!
Tigilin mo na ang paglublob saakin sa mga panaginip ng magpakailanman
Hindi totoo ang pag-ibig sa mamamatay rin lang
At iiwan ang imortal kong pag-ibig na tiwangwang sa gilid ng daan
Wala nang malay na siya ay tinalikuran ng isang bagay namamamatay rin lang
At di kayang punan ang puso kong kulang kulang

Nais kong umibig sa kalayaan
Isang bagay na di ko mahahagkan ni mahahawakan
Gusto kitang ibigin, o kalayaang mailap
Sa buhay kong kay tagal di hinagap

Isisigaw ang ngalan mo sa mga nais umapi sa 'yo
At agawin ka man ng kahit kanino
Hayaan mo't nandito akong mamamatay para sayo
Dahil ikaw ng pinili kong ibigin
Sa sibat o bala handa kang sagipin
Ialay ang boses na para sayo lamang
At walang ibang magkakamkam

Ikaw lamang ang hindi mamamatay
Na maski pagkaraan ng daan taong namatay
Ay muli ring mabubuhay
Kung mawala ka man saakin o aking giliw
Di kailanman nila'y maitatago di ako bibitiw
Ang pagkulong sayo sa mga kadena o sa likod ng rehas
Ay kahangalan ng isang batang mapangahas
O matatawag ko siya, mahal, na isang ungas

Dahil nagsusumigaw ka kailan pa man
Hindi ka nila maaagaw o kalayaan

Sapat na ang nagdugong puso ko noon kay hustisyang binalatan ng buhay sa aking harapan
Ubos ang laman, ginahasa't binayaran
Ang nais ko lang naman ay 'wag siyang mamimili ng pagnanasaan
Lumapit ako sa kanya ngunit anong maiaalay ng aking karukhaan?
Di pa sapat ang aking kamalasan
Binaligtad aking katotohanan
Maging ang pagkapantay pantay
Na siya rin mismo ang pumatay
7816
kingjay Dec 2018
Nang mahimasmasan bumulagta ulit
Ang sampal ng ipu-ipo ay kay lupit
Nilulupig ang ungas,walang patawad
ni mangmang hinahatak at saka ibabagsak

Ang diablo ay nasa parabola
nakatitig sa sentro ng pinangyarihan
mangyari na maligaw sa mga pahina
didiretso sa rurok ng bundok na mapanlinlang

Huling sigaw ng mga nilalang
matubos ang kanilang kasalanan
Iba'y kumakapit sa sungay
may buntot ng unggoy
at dila ng ahas

Talangguhit ng kahihinatnan sa katapusan ng siglo
Ang panambitan sa huling liriko
Di matapos-tapos na pag-iiling
Ang pagsimangot ay pansapin

Dahil sa panimdim, ang kwaderno'y pinuno
Makapal ang kaliskis ng sakob nito
Mga taludtod na nagpupumiglas
ang dinidikta ng saloobin
Matias Feb 2018
Lahat tayo ay pantay-pantay sa isang kamay
ngunit sa mundong ginagalawan
tayo ay nag-aaway away para sa isang tagumpay
kahit ang ibang tulad mo ay matapakan
wala ka ng pakialam
makamit lang ang inaasam-asam,
pagtakbo ng matulin
pagsisid ng malalim
paglipad ng mataas
mas mataas pa sa lipad ng mga ungas
nag-uunahan sa isang pwesto
isang pwesto na walang trono,
na kung saan ang mga tao ay wala ng modo,
lahat ng nasa baba ay inaapakan parang tuyong dahon
tuyong dahon na handang ibaon sa lupa,
handang sigaan hanggang maging abo na lang,
kamusta ka? isang malaking tanong
masaya ka pa ba sa karangyaan na mayroon ka ngayon?
nakalimutan mo na atang maging tao?
maging tao o kahit man lang magpakatao?
o tumuring ng isang tao.
sa iyong pagtakbo ika'y madadapa
sa iyong pagsisid ika'y malulunod,
at sa iyong paglipad ika'y babagsak
kung gaano ka katulin mas masakit ang pagkadapa,
kung gaano ka kalalim mas mahirap maka-ahon pa
at kung gaano ka kataas mas masakit ang pagkabagsak
lahat ng bagay ay may kabaligtaran
baligtarin mo na ang mga bagay na dapat baligtarin
dahil mas mahirap ang iyong sasapitin
kapag di mo naagapan ang iyong tatahakin.
bato-bato sa langit ang matamaan ay pangit

— The End —