Kalong ng kanyang ina
ang isang labing anim na taong gulang na binatilyo.
Basang-basa.
Nangingitim ang mukha at di na humihinga.
Patay na yata.
Nakuryente siya
habang ini-aakyat ang black and white
na telebisyong kasasangla lang
ng isang magsasakang magpapa-check-up sa PGH-
sa ikalawang palapag ng kanilang 5 square meter na tahanan.
May bagyo noon. Super.
At umapaw ang ilog.
Ang sabi sa radyo nakataas na ang signal no.3 sa buong Central Luzon.
Nag-iisip pa rin siya (ang ina) habang binabagtas
ng sinasakyan nilang rubber boat na kulay dilaw
ang daan papuntang evacuation center.
Hindi na niya nagawang magsuklay at mag-suot ng bra.
Kalong niya ang kanyang binatilyong
pangarap mag-aral sa Maynila-
na kanya ngayong ipinagluluksa.
Sa Maynila,
sa isang pamantasang kulay langit ang pasukan at labasan,
nagdiriwang ang mga paang patungo sa Robinsons.
Alas dose.
Cut ang klase.
#WalangPasok.