Isa akong hamak na kabataan na pinagkaitan ng mapaglarong mundong ito. Sa isang madilim na bodega ako matagal nang nananatili. Mabaho at walang pagkain, araw-araw ay tinitiis namin ang kalam ng aming sikmura.
Mahigpit na ipinag-uutos sa amin na pulutin ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa loob ng tambakan na ito. Sinusunod namin ito ng maayoa ngunit tila ang pangakong binitiwan ng taong dumampot sa amin sa kalsada, na kami ay pag-aaralin, ay naglaho nang parang bula.
Sa bawat sandali ng aking buhay, wala akong naging karamay kundi ang malaking salamin na nakabitin sa dingding ng malawak na silid na ito. Na at patuloy na nagsasabi sa akin ng pag-asa. Pag-asa na siyang matagal ko nang gustong makamtan.
Sa tuwing titingin ako sa silid na aking kinalalagyan, halos mamatay na ako sa kawalang kalayaan na ito. Minsan pinipilit kong kumawala sa silid na ito kasama ng ibang kabataang inalipin na ng takot. Ngunit suntok at hagupit ng tubo ang aming natatamo sa tuwing nanaisin naming tumakas sa silid na ito. Hindi ko talaga lubos na maisip ang mga pangyayaring nagaganap sa buhay ko. Kung ito ba ay totoo o isang panaginip lamang.
Tumingin ako sa salamin at isa lang ang sinasabi ng aking wangis, hanggang kailan ko pagmamasdan ang mukhag nahihirapan at punung-puno ng kalungkutan? Mabuti pa ang salamin na ito. Sa or as na siaikat ang araw, lagi niyang ipinadarama ang panibagong pag-asa.