"talang" poems
Tanghali na at nais ko sana magsulat,
Ibuhos ang lahat ng aking gustong ipagtapat,
Ngunit wala, walang lumabas ni isang letra o salita,
Nahihirapan na kahit hindi halata.
Isang lapis at papel ang aking hawak,
Ang daming bumubulabog sa aking utak,
Nais ko sanang iparating sayo,
Binighani mo ang puso ko.
Kaso ang hirap, ang hirap hirap isulat ng aking nadarama,
Na parang magiging katawatawa o masyadong madrama,
Hindi ko alam kung paano pero ito ang naisip ko,
Naisip kong paraan para masabi sayo.
Ang pagsulat. Dahil ito ang aking bibig,
Ito ang tanging paraan para mailabas ko ang aking hinanakit o pag-ibig,
Nakakatawa man o ang "corny" pakinggan,
Pero kahit ganoon pa man, ipagpapatuloy ko sa paraan na makakagaan.
Makakagaan sa akin at sa mga taong makakabasa,
Na hindi ito sinulat ng basta basta,
Isang blankong papel at isang ordinaryong katulad ko,
Isinusulat ang lahat ng mensahe sa paraan na alam ko.
Gagabihin nanaman kaka-isip,
At bibisita nanaman ang mga talang gabi gabing sumisilip,
Nakakatuwa dahil sila ang laging kausap,
Habang natutulog ang mga ulap.
Isang blankong papel ang aking hawak,
Walang kawala sa magulo kong utak
Aug 9, 2016
Aug 9, 2016 at 9:44 AM UTC
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.
Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.
Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.
Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.
Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.
At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.
Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.
Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.
Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.
Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.
Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.
Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.
Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.
Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.
At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.
Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?
At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.
At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.
©Raffy Love Canoy |March 2020|
May 10, 2020
May 10, 2020 at 7:53 AM UTC
At sa pagkagat ng dilim
Kasabay ng pamamaalam ng araw sa'tin
Mahihimlay ko sa sulok ng apat na dingding
Huhubarin ang mga ngiti, ipapahinga ang bibig at ibababa ang hinlalaki kong kanina pa nangangawit
Sa kapapaalala sa mundo na ayos lang
Na makakatagal pa ko ng kahit sampung minuto
Sampung minuto---
Ito lang ang kailangan para tuluyan nang tapusin ang sinimulang kwento natin
At sampung minuto para dapuan ka nila ng tingin at sabihin sa'king
Kailangan na kitang talikuran
Ngunit di na ko inabot ng sampung minuto pa para pakingga't tupdin sila
Dahil sampung segundo lang---
Isa, dalawa, bitaw na, bitaw
Lima, anim, ayoko pa, ayoko pero
Siyam, sampu...ay nagawa na kitang bitawan
Ang sabi kasi ni nanay ay di ka nararapat para sa'kin
Sabi ni tatay pag-aaral ko muna ang atupagin
Ang sabi nila ay dapat ko silang sundin
Ang mga bumuhay at nag-aruga sa akin ay dapat na lagi kong susundin
Huwag mo nang gawin yan, ito ang mas bigyan **** pansin
Di yan makabubuti para sa'yo, bat di mo na lang tularan ang kapatid mo
Ang lalaki dapat ay matikas
Ang tanga tanga mo, wala kang mararating diyan
Kahit sino kayang makagawa ng ganyan, magsundalo ka na lang
Dinaig ka pa ng nakababata sa'yo?
Dapat pareho kayong tinitingala ng tao
Kaya't binigo ko ang nag-iisa kong pag-ibig at sumuong sa digmaang di ko kailanmang naisip
Dahil dapat lagi pa ring susundin ang mga bumuhay at nag-aruga sa'kin, mga bumuhay at nag-aruga sa'kin dapat kong sundin, ang sa'kin ay nag-aruga't bumuhay lagi pa ring susundin
Nay, yakapin mo ko't pahupain ang hapdi
Kaya, Tay, tapikin mo ko sa balikat at sabihin **** tama ang ginawa kong pagtupad sa pangarap mo
Dahil tapos na tapos na ko
Pagod na pagod na ko
Sa panonood sa pagkislap ng mga mata ni bunso
Mga kutikutitap na di mapapasakin dahil ang mga mata ko'y namumugto
Mga matang naniningkit na katatanaw sa sarili kong mga pangarap
Dahil ng mg paa ko'y habol ang bawat dikta't kagustuhan niyo
Sawa na kong pilit pantayan si bunso
Dahil kahit anong gawin ko'y di bubukal sa'kin ang kaligayahan
Di tulad niyang may malayang kinabukasan
Ako'y may busal ang bibig, may taling mga kamay, nakakulong sa ekspektasyon ng sarili kong mga magulang
Pagod na ko, ayoko na
Ayoko nang marinig ang "Tingnan mo siya,buti pa siya, mas magaling pa siya..."
Hindi ako binigay sa inyo para ikumpara niyo sa isa niyo pang anak at sa anak ng iba na hinihiling niyong meron din kayo
Gusto ko lang naman marinig na may tinama ako kahit papano, kahit kapiranggot
Gusto kong marinig ang "Salamat" at "Mahal kita" at "Ipinagmamalaki kita" dahil tapos na tapos na ko
Pagod na pagod na kong
Habulin ang liwanag ng talang matagal nang namatay sa kalawakan
Kaya Nay, Tay
Ako po muna
Ako naman ngayon...
Aug 12, 2017
Aug 12, 2017 at 5:53 AM UTC
Noong isang gabi,
habang hinahanap ang sarili,
natagpuan ang LIKHÂ.
Ako'y natuwa,
dahil nasa entablado sila,
silang mga pinapanood ko lang dati sa internet.
Isa sa mga dahilan kung bakit nagtatanghal
ang tulad kong hangal sa harap ng mga estranghero
at binabahagi ang mga dala-dala kong kwento.
Sila na mga nauna at nagbigay inspirasyon
na lalo pang magsulat at magbasa.
Mga mata'y unti-unti namulat
sa mga bagong imahenasyon,
mga leksyon, direksyon at iba't ibang kaalaman
na galing sa ating henerasyon.
Maraming salamat sa gabing inyong nilikha
para sa mga katulad kong naliligaw
at hindi alam ang patutunguhan.
Nagtagpuan kita.
Aking sarili nahanap kita.
Habang nakikinig sa iba't ibang berso
ay sumasayaw ang mga letra sa utak ko.
Habang lumilipad sa ere ang mga ritmo,
nakita ko ang sarili kong mga tula
na parang mga talang nahulog sa langit
papunta sa sa aking mga kamay
at dali-dali kong itinala sa aking puso
dahil kailangan kong ibahagi
ang sining na aking nabuo.
Hindi pa patay ang mga salita,
gamit ang lapis na hawak
mo sabayan mo akong lumikha mga katha.
Mapa kathang-isip o kathang-puso man ito
ay buhay sila at naghihintay sayo.
Hindi bulag ang mga tula,
kaya ka nitong titigan ka sa mata
hanggang sa magiba ang paligid mo't mawala ka nalang bigla. Hindi bingi ang mga obra, naririnig ka nito,
handang dumamay at unawain ang lahat ng pinagdadaanan mo.
Kaya maraming salamat sa gabing inyong binuo't nilikha.
Halika na, halik ka na, halika't sasamahan kita
sa patuloy na paglikha ng kinabukasan
para sa bayan, kultura, sining at sa iyong sarili,
ipagpatuloy ang nasimulan.
Ipagpatuloy ang sinimulan.
Noong isang gabi, habang hinahanap ang sarili,
natutunan ko kung pano ang magLIKHÂ @theartidope style.
Nov 22, 2017
Nov 22, 2017 at 10:05 PM UTC
Minamahal kita
subalit hindi ko ito ikukumpara
sa mga tala, sa alon;
Hindi ko ito ikukumpara
sa mga bagay na karaniwang ginagamit sa tula
sa bango ng bagong pitas na rosas
sa apoy na walang tigil sa pagliyab
Minamahal kita
nang hindi ko ito ikukumpara sa mga iyon
o sa kahit ano.
Minamahal kita dahil sadyang mahal kita —
sa katwirang hindi maikukumpara ang aking nararamdaman
sa mga bagay na natatanaw, nahahawakan.
Minamahal kita dahil sadyang mahal kita
walang tulad-tulad
walang mga talang kumikinang at along humahaplos
walang rosas na kasing bango ng kawalan ng alinlangan
walang apoy kung saan ang usok ay kumakaway sa mga ulap
at hindi na matanaw.
Minamahal kita
at hindi ko ito ikukumpara sa kahit ano.
Minamahal kita
Aug 20, 2017
Aug 20, 2017 at 9:56 PM UTC
Sabi mo sa akin tumingala ako sa langit
At tingnan ang mga talang kaakit akit
Nang ako'y tumingin sa kalangitan
Ni isang ningning ay wala akong namataan
Nasan ang sinasabi mo?
Bakit ang labo mo?
Sabi sa isang dyaryong aking nadampot
Ang mundo'y puno na ng poot
Simoy ng hangi'y hindi na presko
Pagsasa walang bahala, eto ang epekto
Puro nalang kasi AKO AKO AKO
Wala manlang SILA SILA SILA
Paano na nga ba ang iba?
Parati nalang sila ang taya
Kelan ba sila makakalaya
Tila ang tadhana'y maramot at madaya
Mga walang kamalay malay
parati nalang nadadamay
sa mga bagay bagay na tayo ang may gawa
Tila hindi na nagsawa
Sa ilang ulit nang pagmamaka awa
Sila ang nagbigay,
bumuhay
and nagpalago
sa ating ekonomiyang nagduduwal ng daan daang salapi
at nagbibigay sa atin ng gatas na naiiwan pa sa ating mga labi
Tayo? Kelan kaya tayo makapagbibigay?
Kanilang pangangailangan
parati nalang "mamaya na yan"
Kung kelan huli na ang lahat
Kung kelan tayo na'y salat
Saka lang mapapansin
na malapit na tayong mag dildil ng asin
Hindi ba pwedeng baliktarin?
Baliktarin ang pamamaraan natin
Sila naman ang pagbigyan
Uhaw na sila sa kalayaan
Nov 24, 2015
Nov 24, 2015 at 7:44 AM UTC
Nagmula ang lahat ng tayo'y sumakay,
Ni hindi alam ang rutang dadaanan,
At sa pagkabigo mo'y sinisi'ng lahat;
Sa gabing minsa'y nalunod sa pag-iyak.
Nagmula ang lahat ng tayo'y lumingon,
At kung mabigat na'ng ulap, ano'ng tugon?
Sa pagtapak mo sa andamyo ng saya
Mapapansing may luha'ng 'yong mga mata:
Nag-iwan ng lungkot kahit nakita na
Ang mga talang kaytagal na hinintay;
At sa paglisan mo sa iyong nasakyan,
Isang barkong muli ang matatagpuan...
Nov 24, 2011
Nov 24, 2011 at 9:49 PM UTC
082021
Inuusig niya ang mga talang kumikinang
At tumatabon sa mga parating na bulalakaw.
Ang mga mata ng santelmo’y
Hindi na lagim ang ibinubuntong hininga
Kundi liwanag na humahabol
Sa bawat paghikab nang nakatihaya.
Hati-hati sila sa papag
Sa kung sino ang taya sa pagsilang ng araw
At sa pinintang dilim
Na hindi na bangunot ang pasalubong
Kundi pag-asang makapagsalu-salong muli
Sa hapag-kainan sa panibagong kalendaryo.
Habang nagniningas ang mga baga’y
Guguhitan nila ang pisngi ng bawat isa
Gamit ang bawat kwentong agimat ng kahapon.
At mapupuno ng halakhakan ang bawat kurtina
Na para bang sila’y nasa entablado
Ng sarili nilang istoryang sila rin ang nagbigay-buhay.
Ang bawat butil ng bigas
Ay katumbas ng pawis na alay nila sa palayan
Habang ang kirampot na tuyong walang sawsawan
Ay sining na makulay sa kanilang mga mata.
At sila’y magtatampisaw
Sa putikan ng kanilang hanapbuhay
At ni isa sa kanila’y ni minsa’y
Di ginambala na ang bukas ay magiging sakuna.
Isa, dalawa, tatlo..
Sunud-sunod ang mabibilis na butil
Na ni isa’y di mailagan.
Ang mga butil ng palay
Ay nagmistulang mga basura sa lansangan
Na nilalangaw at pinag-aagawan
Ng mga itim na ibong gahaman sa kapangyarihan.
Aug 20, 2021
Aug 20, 2021 at 9:11 AM UTC
Sa mga tala hihingi ako ng paunawa
Mga bagay na di ko na dapat ginawa
Pero sabi nga
Baka naman daw masyado lang akong walang tiwala
Sa sarili kong balisang balisa
Mga bagay na di ko na maipaliwanag
Kaya bang linawin ng ng mga talang aking laging tinatawag?
Sabi ko gusto ko nang lumayo ngunit sabi ko din "wag"
Di ko lubos maintindihan
Kung ano ang dahilan
Paano na ba iyan?
Maipaliliwanag mo ba kung bakit ngayon wala nang laman?
Kasi nung huli kong tinignan
Lahat tayo'y masaya laging nandyan
Ngayon... bakit?
Bakit wala nang laman???
Pati puso ko di ko na maramdaman
Sobrang sakit na hindi maipaliliwanag nino man
Ayokong umalis nang hindi ito ayos
Pero di ko talaga alam kung anong gagawin kong kilos
Dahil sa tuwing ika'y kaharap na
Lahat ng aking mga tanong ay biglang nawawala nang parang bula
Di ko alam kung paano ka kakausapin tungkol dyan sa sitwasyong di kaunaunawa
Kalagayan natin ngayo'y kaawa awa...
Di ko na talaga alam...
Sa tingin ko'y ako na'y naging mangmang
Kaya isang kudos na lamang
Para sa ating lahat
Dec 16, 2015
Dec 16, 2015 at 5:11 PM UTC
nadala ako sa talang , may hawak ng buwan at bituin
na di hamak walang sinabi ang mga mamahaling bagay gaya ng singsing
nadala ako sa karagatan
punong puno ng bagay na di pa natutklasan
na kung san gusto kong sisirin
mga kayamanan, mga kasaysayan, mga inpormasyong dapat pang alamin
kaya ipagumanhin mo sana
kung ako'y hirap tumingin ng diretsuhan
sayong mga matang puno ng kabubuluhan
dahil takot lang akong mawala
sa mga titig **** kung san san akong puedeng idala
sa mga nakalipas na araw,
alam kong napansin mo
na sa lahat ng mga sinalihan ko
ay lagi lang akong talo
kaya sa ika-28 ng Marso
aking napagtanto
na gusto kong maligaw sa mga titig mo
sinasabi ko sayo,
makamit lang ang iyong oo,
katumbas na ito ng isang milyong pagkapanalo
Mar 4, 2016
Mar 4, 2016 at 5:05 AM UTC
Sa kalangitan ay puno ng tala
Buhay nga ba sila o tila?
Tanong ko habang nakatingala
Sa langit habang nakatulala
Sa unang sulyap wari'y kakaunti
Ngunit kung pagmamasdan ay di mawari
Sa dami na tila kulisap na nangingiliti
Sa mga mata'ng nangangarap at nagmimithi
Hayun! may isang dumaan
Oras na'ng humiling sa kalangitan
Nawa'y tuparin ang kahilingan
Talang nahulog sa kalangitan
Leeg ko'y sumakit na sa kahaharap
Sa langit pagmasdan sila ay kaysarap
Ngunit ang abutin tila ba ay kayhirap
Na maihahalintulad mo sa isang pangarap
Parang ikaw na kayhirap abutin
Nagniningning na parang isang bituin
Pangarap ko'y kaya mo'ng tuparin
Ang bumaba ka riyan at ako ay mahalin
-JGA
Feb 15, 2019
Feb 15, 2019 at 3:19 PM UTC
Malamyos,Mabini Ni-walang Hampas
Hindi Habagat O Amihan Ang Siyang Dumadampi
Bagkos Masuyong Hinahaplos Ng Alimuom
Ang Nagdadalamhating ilog ng kalaliman.
samantala may ibig ipabatid Ang liwanag ng sinag
mula sa bibig ng Mahiwagang bilog na buwan...
at ang wika "ikaw at ang repleksyon ko sa ibabaw mo
Maging Sa Karagatan Na Iyong Pinapakitungohan
Ay Naroroon Ako Sa Tuwinang Nakatakda Ang Aking Pag-agapay.
Sa Kabilang Banda,di Man Dalawin Ng Antok Ang Haring Araw
Mismong Mga Ulap Ng Alapaap Ang Magkukubli Sa Silaw.
Magbibigay Lilim Sa Walang Silong **** Kalagayan.
Umaaraw Umuulan,umaapaw O Lilit Ang Lulan
Nasasamsam Man Ang Ilan Sa Mga Taglay **** Nilalaman,
Kailan man Ang Paraluman **** inaangkin Ay Di Makakamkam !
Nagdaramdam Ang Matabang Kalupaan Kapag Ito Ay Tigang
Sapagkat Kapos Sa Pakikiramay Na Taos.
Hiyang Lamang Sa Kapatagan Ng Paratang At Pakinabang...
Lupang Hinirang Minsan Nang Nalinlang Talang Makinang,
Na Sinagisag Ang Kalasag At Baluti Ng Banyaga..
Sa Ngayon Pahupa Na Ang Tubig Sa Ilog
Sukdol Nga Ba O Sakdal
Kung Dumatal At Kumintal
Ang Alimpuyo't Tagtuyot
Sa Panahon Ng Tagdahon
At Sa Di Kalayoan
Akin Ngang Naulinigan
Ang Payo Ng Dayo Sa Bulwagan
Kung Saan Ang Aking Katayoan
Nagugulumihanan Sa Kanyang Pinamagitan...
Ito Ay Kung Ano Din Po Yung Aking Pinamagatan !!!
Mar 22, 2022
Mar 22, 2022 at 10:42 PM UTC
Ibubulong sa hangin ang hiling na paghilom
Sikip ang mga alaala sa iisang kahapon
Maglalakbay sa hardin kung saan nagtagpo
Nais nang tumalikod ngunit paano
Dadapo na parang isang paru-paro
Sa mga talulot na nasa palad mo
Iidlip sa ugoy ng hanging malamig
Liwanag ng ‘yong ngiti’y baon sa pagpikit
Tinatangay ng agos ang bawat hibla ng alaala
Ngayong gabi ika’y talang tinitingala
Hihimbing kaya ako sa aking pahinga
Kung kabisado pa rin ang hulma ng iyong mukha
Mar 22, 2020
Mar 22, 2020 at 5:00 PM UTC
Isang araw na napakaganda,
Malamig na klima pagmulat ng mga mata,
Pagpatak ng ulan na tila musika,
Mistulang himig na kay tamis sa tenga.
Ano pa ba ang kukumpleto?
Sa umagang matatawag kong "perpekto",
Ano pa ba ang pupuna?
Kung wala namang pagkukulang na nakita.
Isang dilag na may kasuotang itim,
Ang nasagi sa aking paningin,
Kagandahang hindi ko mawari,
Ang sa utak ko nanatili.
Hindi maalis sa aking isipan,
Ang katauhan sa likod ng kasuotan,
Kulay na itim at iyong kagandahan,
Timplang sakto, tapos ang usapan.
Ako'y nagulantang nang nakasalubong ka,
Nabigla sa aking nakita,
Nakalimutan paano magsalita,
Pag-iisip ay di na maitama,
Ang talang matagal ko nang tinitingala,
Ngayon ay kumikinang, di ko na makita,
Talang nais kong maabot,
Pina-igting na damdamin ang naging dulot.
Jan 4, 2018
Jan 4, 2018 at 6:52 PM UTC