ngayon ko lang napansin. sobrang dami ko palang isinulat para sa'yo. ngayon ko lang napansin na lahat sila galing sa mga katabi kong diksyonaryo at tesauro. malay ko ba kung ano ang ibig sabihin ng mga isinulat ko. lumalaki pa lamang ako. ngayon pa lang natututong makipagtalastasan, makipagbalagtasan, makipagsagutan, makipag-away. ngayon pa lang akong natututong maghintay at ngayon pa lang nasusugatan. ngayon ko lang nalaman ang tunay na ibig sabihin ng paniniwala. paniniwala sa pagkahulog, paniniwala sa kung anumang gusto kong paniwalaan. paniniwala na meron ka pang mapapaniwalaan dito sa mundo. kapit ka, subukan mo. ngayon pa lang akong nagtitiwalang muli. ngayon pa lang nagpapatawad. ngayon pa lang nakakapagsabi ng 'mahal kita', nang walang pagdududa at walang pagsisisi. mahal ko talaga sila. ngayon ko pa lang nararamdaman ang tunay na pag-ibig. ngayon ko pa lang nakikita kung paano magmahal ang isang taong nasasaktan. ngayon pa lang ako nakakita ng taong durog at winasak ng panahon — marahil dati puro sa teleserye ko lang ito napapanood. noong pumunta kami sa isang museo, napakaraming uri ng sining na maaari **** makita. may mga head busts, paintings, sculptures, pati mga ginamit ng mga pintador na brushes at pati na rin mga natuyong pintura nila. tinignan ko lahat iyon. umabot ng halos labindalawang oras ang pag-iikot ko. walang kain-kain. kinailangan kong makita lahat. ngunit ngayon ko lang napagtanto na iisa lang naman 'yung gusto ko talagang makita. ('yung spolarium.) ngayon lang ako nakarinig ng mga taong wala talagang kamuang-muang sa mundo. 'yung tipo ng taong nakaupo sa ginto ngunit talagang lumaking tanga. nakakaawa sila. ngayon ko pa lang pinapangaralan 'yung sarili ko. kanina nga lang ako nagsabi sa sarili na hindi na ako kakain ng fast food at processed food. (seryoso. nakakamatay talaga sila.) sa pagkamatay ng nakaraan, noon ko lang nasabi sa sarili ko na gusto ko pa talagang mabuhay. gusto ko pang makakita. gusto ko pang makaramdam.
ngayon pa lang ako natututong magsulat.