"silakbo" poems
margaret
Langit ang nagbigay biyaya nang ambon ay dinilig
Ang aking hiling sa panginoon ay biglang nadinig
Pinadala ang anghel na sa mundo ko’y yayanig
Tinawag ng ng kanyang tinig, at Napatulala sa mga Titig
Maari bang malaman ang yong pakay sa akin
Kung ikaw ba ay pasakit at tuluyan na akong wawasakin?
Laging kong tanong kung ano ba ang dapat kong gawin
Kung ang kahulugan mo ay kabiguan patuloy pa ba kitang iibigin?
Nagtatanong kay Bathala, Paano ko ba mapapaliwanag ang hiwaga
Nitong pagmamahal na kung bakit sa puso kumapit ka ng kusa
Ako’y nagtataka’t di maka paniwala Bakit ito ang yong ginawa
Sa bigay **** biyaya, Ano ba ang kasalanan ko para isinumpa
Gaano ba kita pinapahalagahan? Alam mo ba ang dahilan?
Hiling ko lang ay sanay iyong maunawaan itong nararamdaman
Kaya ang paliwanag ko ay simple nalang
Masikip dito sa loob ko, kaya ang kasya ay ikaw lang
Alaalang bitbit pano ko makakalimutan
Kung Sa puso koy nakaukit ang yong pangalan
Ibinalot ng tatag ng loob para ika’y ipaglalaban
Di kita hahayaang lumuha lagi kang aalagaan.
Nagaabang ng sasakyan para dalhin sa langit, iwan ang mundo
Nakikiusap Pagbigyan sana Hiling makamit, Anghel na sundo
Saan nga ba tayo patungo? Byaheng langit sa impyerno,
Sa isipan kong magulo, Kasinungalingan ka ba o Totoo?
Linalaro sa panaginip ang dakilang pagsuyo
Tuluyang Hinamon Ang matapang na puso
Sayo napalapit at ayaw nang lumayo
Ang silakbo ay di na kaya, kayang isuko
kahit ano dito sa lupain ay handa kong ialay
Pagkat ang langit sa akin ay una mo nang binigay
Ang halaga mo sa akin ay Walang katumbas na materyal
Dahil Di kayang sukatin kung gano kita kamahal
Sep 25, 2018
Sep 25, 2018 at 12:04 AM UTC
Sana kaya mo
Sana kaya **** sabihin sa kanya
Katotohanan sa iyong pagsinta
At huwag mo nang subukan pang ikubli
Huwag **** hayaan sa'yo lang manatili
Sana kaya mo
Sana kaya **** sabihin sa kanya
Dahil pagod na akong makinig sa mga kwentong
paulit-ulit mo na lamang binibigkas na
para bang sirang plaka
Sana kaya mo
Sana kaya **** sabihin sa kanya
Dahil kung sa totoo lamang
Hindi ikaw ang talagang nasasaktan
Pakiusap lang, 'wag ka nang mandamay ng iba
Sana kaya mo
Sana kayanin **** huwag magkwento sa iba
O di kaya'y sa akin pa
Dahil alam ko na alam mo na ang dapat gawin
Tapangan mo (kahit ngayon lang, pakiusap)
Sana kaya mo
Sana dumating na ang tamang panahon na 'di
ka na lamang mananahimik
At sa panahong iyon na ika'y balak na magsabi
Sa akin ay huwag ka nang babalik
Mar 17, 2016
Mar 17, 2016 at 3:10 AM UTC
073016
Krimen ang kasinungalingan,
Baluti ay matatamis na salita
O biruang panlihis sa katotohanan.
Nagtitimbang mga katauhan
Sa payak na mga salitang binibitawan.
Hindi ako makahinga
Bagamat sariwa ang hangin --
Sariwa gaya ng mga alaalang tinubos ng dilim.
Pinili kong maging totoo sa silakbo ng puso,
Sa bawat mensahe'y, kaakibat nito
Ang mga panalanging gamutin yaon ng Ama.
Pag-ibig na nakarehas,
Pag-ibig na hindi nasambit
Bagkus binuhos ko kasabay ng pagluha.
At ngayo'y pag-amin ay hindi liham,
Ako'y tiyak na dadaloy ang kalayaan.
Kung may tanong ka,
Sagot ko ay "oo"
Dahil mahal kita
Dahil minahal kita.
Pinili kong tiisin ang sakit ng distanya,
Pinili kong hindi na balikan ang nayurak nang larawan.
Takot akong sumubok noon
Kaya nga nakikisabay lamang sayo.
Bagkus sa'yong paglisan,
Di waring pag-ibig mo'y tangay na rin hangin.
Parang nawala na lang,
Kaya't sabi mo'y sumuko ka na lamang.
Kailanma'y hindi kita sinukuan
Bagkus pinagdasal kitang tunay.
Pagkat yan ang dinig ko sa Maykapal
Na Siyang unang nagbihis sakin ng pagsinta.
Jul 30, 2016
Jul 30, 2016 at 8:59 PM UTC
Bato sa balat,
Hayaan **** lumapat ang ‘yong kahinaan sa mahinahong baldosa
Payagang lamig ay yumanig sa bawat panig ng iyong katawan
Mula sa kalamlaman ng iyong talampakan hanggang umabot sa–
Pagitan ng iyong mga hita, paakyat sa kalamnan, patungo sa dibdib
Hanggang maramdaman nginig na dala ng iyong pag-iisa.
Ipagpaliban mo muna ang mundo
Ilaw sa paningin,
Hayaan **** angkinin ka ng daang-daang mukhang nasasalamin sa bawat tisa
Tignan ang iyong mga nakikita, ikaw ngayon ay nakakahon sa bato–
At mga multo na iisa lang ang mga mukha’t hinaing
Payagang ika’y ariin ng kanilang mga nanlilisik na titig,
Huminga ng malalim at iyong sabihing
Ginusto mo ang linggatong na ‘to
Mata sa dutsa,
Tumingala hanggang kadahilanan ay magunita
Ang iyong katwiran kung bakit pinili mo ang kapangahasan
Hamakin ang sarili’t magnilay-nilay sa nagbabadyang kasalanan
‘Di hamak naman na mas ikakasaya mo ang pait–
Ng paglalapastangan sa sarili nang ilang makamundong saglit
Pagbigayang mabasa ang sarili
Silakbo sa kawalan,
Ipikit ang mga mata’t pakiramdaman ang daloy ng tubig sa’yong balat
Ipaanod sa agos ang haplos ng pighati’t pagtitimpi
Sa mahigpit na bisig ng isang mapanghusgang mundo
Tikman ang hagod ng malamig na pelus sa iyong mga labi
Sumidhi sana ang pagdanak ng init ng pagnanasa sa bawat bena
Mahalin mo ang iyong pagkatao
Makipagtalik sa sarili,
Ibigin **** maibigan ang pagiging makamundo’t makasalanan
Ibaling ang pansin sa pagpapalabas ng himutok
Muling sabihin na hindi makasarili ang pagnanasa sa sarili’t
Ulit-ulitin ang pagbaluktot ng diwa’t isipan hanggang ito’y tumatak,
Hanggang sa mabulalas mo ang iyong mga suliranin
At matapos ang lahat ng iyon hindi mo maiiwasan–
Pagkamuhi sa sarili.
Jun 9, 2018
Jun 9, 2018 at 1:20 PM UTC
Parang papatak na,
Mula sa aking mga mata,
Matang kay lungkot,
May pinipilit ilimot.
Silakbo nitong puso,
Pusong nagdurugo,
Alam ko naman ang dahilan,
Ngunit hindi alam ba't nasasaktan.
Pinukaw ng sakit,
Kalungkuta'y iginiit,
Alam ko naman kung bakit,
Kaya ganito pala ka pait.
Ang katotohanan,
Sa ating pagmamahalan
Ang tanging nagdulot,
Ng poot na sa puso ko'y nanuot.
Paano ko ba papakawalan?
Kapag wala nang maramdaman,
Huli na ba ang lahat?
Ito ba ay nararapat?
Ito ba ang mapapala ko?
May nadadama pa ba ako?
Ang sagot ay isang "Oo",
Patunay ang mga luha kong dumaloy dahil sa'yo
Aug 26, 2017
Aug 26, 2017 at 11:38 AM UTC
May mukha ba ang pag-ibig?
May boses ba siya?
Yung may arok na isigaw ang nadarama
Yung patas ang silakbo ng damdamin.
May mga paa ba ang pag-ibig?
Na kayang lakbayin maging siglo na ang usapan
Yung walang kapagalan sa kabila ng distansya.
May hangganan ba ang pag-ibig?
May pinipili ba?
Sa gintong kutsara at sa nagdarahop
At maging uhaw sa pagkalinga.
Buo ba ang pag-ibig?
O hindi sapat na umiibig lang?
Dapat bang manlimos ng kapalit?
Ang pag-ibig
Tila nga lumang salita
Tila nga may anino sa bawat madla
Bagkus, ito'y patapong ibinabahagi.
Nasaan nga ba ang halaga?
Kung mismong mga kataga'y
Nawawalan na rin ng sariling katauhan
Kung saan ang mensahe'y gumagapang na
Pag-ibig nga naman.
Nov 20, 2014
Nov 20, 2014 at 10:28 AM UTC
Saglit lang ang ligawang nangyari.
Wala ngang isang buwan nang puso ko ay nadali.
Magkagayunpaman, nakaramdam ako ng sigla kahit na sandali,
Pintig nitong aking puso ay hindi kailanman nagkamali.
Dama ko ang bawat silakbo at mga pighating iyong hinabi,
Nang magkuwento ka kahit pa umabot tayo ng hatinggabi.
Tuwang tuwa ako dahil tiyan ko ay napuno yata ng tutubi,
Para kang mahalimuyak na nektar na sa akin ay kumikiliti.
Pagmamahal ko sa iyo ay tumindi nang tumindi,
Para kang apoy na kapag sinindihan ay lumalaki,
Kagandahan at talino mo ay labis kong ipinagmamalaki,
Katulad mo para sa akin ay karespe-respeto, aking Binibini.
Mahigit isang taon din akong iyong napapangiti,
Pero bakit ngayon ang puso ko ay nagdadalamhati?
Wala bang saysay ang lahat ng aking mga sinabi,
Na higit kailanman ay minahal kita kahit may gatas ka pa sa labi.
Kahit labis akong nagdamdam at nasaktan ay nagagawa ko pa ring ngumiti.
Kahit hindi mo na ako pinapansin, pilit pa rin kitang iniintindi.
Kahit ang layo ng agwat natin sa isa't isa, ikaw pa rin ang aking pinili.
Kahit ramdam kong ang pagmamahal mo sa akin ay umiiksi, tiniis ko ang pighati.
Kaya, ako na ang magtatapos sa pag-ibig nating hindi na puputi.
Ibabaon ko na lamang sa limot ang lahat ng alaalang namutawi,
Kahit madurog pa ang puso at isipan ko sa kakahikbi,
Hindi na maibabalik pa ang tamis ng kahapong tayong dalawa ang humabi.
Aug 24, 2017
Aug 24, 2017 at 4:49 PM UTC
sa dagliang pangangalawang ng buto dala
ng bawat patak ng ulan.
ang pinapaling lakas ng hangin palihis
sa kurtina ng pag-iisa, itong kamay na palupot
ng pagkalugmok, hapung-hapo sa paghabol
sa pag-uumaga ng mga sandali.
napababalikwas sa tuwing banaag
ang hinaharap.
hubad ang bughaw na katawan ng mundo
ang kulay ng karagatan ay pula – dala ng silakbo
ng damdamin;
magtatampisaw sa tubig
hihiga at lulutang
kasabay ng tagistis ng alaalang walang ibang hangad
kundi ang umusad.
Mar 10, 2016
Mar 10, 2016 at 3:41 AM UTC
may saboy ang liyab kapag naidadarang,,
sa simoy at alimuom na di pahaharang,,
anumang sisidlan,,tining ay iindayog kapag umaapaw.
gaano man kalalim hukay,,pagtapak sa lapag mababaw.
""basura man nga sa paningin
meron din namang saloobin
bakit di kaya minsan ay buklatin
marahang hagurin bago simsimin .....""
yaong dapat ay apat,sa unang saknong nakasiwalat
tila bugtong-dugtong,pawang sa sahig ay nag-kalat
wag mabahala sa bawat isang paglamukos na tapon
may gantimpala sa bawat nakakuyumos na hamon !
huling bilang panlima,,,,, lambing ang hiling kaya 'wag iiling!
sa bawat nilalaman ng kuyumpit na papel minsan ay itinuring.
sa aking pagbabalik,ako'y nasasabik at di na nga nagpatumpik-tumpik
siphayo,simbuyo at silakbo!Ang mga ito'y bunga ng higit pa sa isang halik
Nov 14, 2015
Nov 14, 2015 at 1:29 AM UTC
Gustuhin ko mang makipagsapalaran
Sa mga letrang nakalutang sa himpapawid
Ay binabalot ako ng pagtatantya
Kung ito na ba ang tamang oras
Para kunin ang aking panulat
At iguhit ang silakbo ng aking damdamin.
Humihinto ang mga oras sa bawat pag-uusig
At tinitimbang ko pa rin
Ang mga barkong pumapagitna sa akin.
Nais kong kumawala at lumisan na lamang
Ngunit ang aking pagpapaalam
Ay mas magdudulot lamang ng dilim.
Gusto kong maniwala na ang solusyon
Ay sa pagitan ng mga iginuhit na linya
Ngunit ang aking puso'y nagtataglay ng apoy
Na maaaring makasunog sa mga barkong ito.
Hindi ko mapigilan ang nagniningas sa aking kaloob-looban
At ang boses na mas lalo pang lumalakas
Kasabay ng pagtambol ng aking hininga.
Gusto Nitong tupukin ang lahat
At sakupin ang bawat naglalayag
Sa kani-kanilang mga direksyon.
Pumikit ako at tumalon sa karagatan ng aking imahinasyon –
Imahinasyong masasabi kong tunay na engkwentro.
Patuloy kong nilalaban ang mga ugat sa aking mga braso
Na sa bawat pulso ng aking pagkatao'y
Pilit na kumikitil sa aking pagpapasya
Na mas sumisid pa sa mas malalim.
Napahinto ako sa aking pagpupumiglas
Pagkat narinig ko ang tinig na nagsasabing,
"Manatili ka lamang,"
At ako'y kusang sumabay sa ritmo ng Tinig na iyon
At unti-unti kong nasilayan na naglaho na
Ang mga agiw sa aking mga mata
At kusa ko nang nararamdamang
Mas kaya ko nang huminga sa mas malalim pa.
Ito ang aking hantungan,
Ito ang sinasabi kong liwanag.
Ito ang aking kapanatagan,
At sa Kanya ang aking lilim ng kaliwanagan.
Aug 10, 2021
Aug 10, 2021 at 10:58 PM UTC
Hindi ko na kaya
ang nararamdaman
umaapaw, sobra na
sa pag-indak ay nais ilabas
ang pagkahumaling sa
katotohanan na hindi ko na masukat
kung gaano kalalim ako nahulog
sa iyo
May 11, 2015
May 11, 2015 at 12:07 AM UTC
Naninikip ang dibdib,
Hindi makahinga.
Naghihinakit na damdamin,
Pilit na kumakawala.
Sumisigaw.
Nagsusumamo.
Naninibugho.
Nasasaktan.
Humihingi ng kapatawaran,
Sa kasalanang hindi sinadya.
Hinihiling ang pang-unawa,
Sa mga binitiwang salita.
Paumanhin.
Pasensiya.
Ako'y nagsisi na.
Patawad.
May 16, 2016
May 16, 2016 at 1:21 PM UTC
Tila papatak na,
Mula sa'king mga mata,
Matang kay lungkot,
May pinipilit ilimot.
Silakbo nitong puso,
Pusong nagdurugo,
Di alam ang dahilan,
Di alam ba't nasasaktan.
Pinukaw ng sakit,
Kalungkuta'y iginiit,
Di alam kung bakit,
Ganito pala ka pait.
Ang katotohanan,
Ang sagot sa katanungan,
Ang tanging nagdulot,
Ng poot na sa puso ko'y nanuot.
Paano ko ba papakawalan?
Kapag wala nang maramdaman,
Huli na ba ang lahat?
Ito ba ay nararapat?
Ito ba ang mapapala ko?
May nadadama pa ba ako?
Ang sagot ay isang "Oo",
Patunay ang mga luha kong dumaloy muli dahil sa'yo.
May 29, 2017
May 29, 2017 at 1:05 PM UTC
Ang tuyo na lupa sa kapatagan ay naghihikahos
Kahit diligan ito ay hindi mangabubusog
Sa tigang na kaanyuan
Puso'y parang pipi
Patulak ang mga lumalabas na salita
Silakbo ng pag-ibig ay huwag pigilin
Datapwa't bulagin ang mga mata
Si Dessa ay di na makita
Ibinuhat ang korona
Sa hari kung saan nakatungtong
At ang hiling habang buhay na magkapiling
Di palalampasin ang sandaling magkasama
Kahangalan ang sabi ng pari
Halikan ang paa di ang labi
Laging nabibiyak ang kasunduan
Pinermahang papel isampal at ihati
Ang hinihinging kapalaran sa isang panig ibig
Ang dating pakiramdam ay laging bumabalik
Sana'y tanggapin ang handog na na nanggaling sa kaibuturan ng pagsinta
Ngunit hindi maalis ang ligalig
Dec 4, 2018
Dec 4, 2018 at 7:53 PM UTC
ilang hakbang pa ba ang dapat kong lakarin nang may piring sa aking mga mata para lamang makalapit sa iyo
patuloy na nasasabik sa mga araw na lumilipas ngunit hindi pa rin tanaw ang liwanag na magsasabing may pag-asa na
para mayakap at mahagkan ka ng walang kilometrong pumapagitan sa ating dalawa kundi tanging silakbo ng dalawang pusong tumangis ngunit pinagtagpo ng pag-ibig
Nov 12, 2018
Nov 12, 2018 at 11:56 AM UTC
041020
Malalalim ang gabi
At tinatanong ko ang langit
Kung kagaya ba nito ang Iyong mga mata.
Kung sa aking pagtulog ba'y
Ilang umaga pa ang bubungad
At aalayan ko ng pagsinta.
Sa bawat araw na lumilipas,
Ay walang kurap ang aking pagsamba
Sa ngalan ****
Hindi sa anumang papel ko lang nabasa,
Ang kaluwalhatian **** siyang himig
Sa bawat silakbo ng oras
At pintig ng segundong
Lumalamon sa aking pagkatao.
Tangay Mo ang aking pagsusumamo,
Ang bawat pantig
Ng mga sinasambit kong mga salita,
Ang bawat kuwit sa puso kong
Nalulunod sa Iyong presensya.
Ikaw ay nag-iisa —
Walang katulad ang Iyong Ngalan.
Walang ibang pupurihin,
Walang ibang sasambahin,
O Diyos, Ikaw ay sapat.
Nov 24, 2022
Nov 24, 2022 at 2:55 AM UTC
072924
O kayraming pangarap na binuo —
Binuno sa sariling salamangka.
May ibang nagwawaging nakangiti,
Habang ang ila’y nalalagas kamamadali.
Nakamamangha nga sa umpisa
Pagkat ito ang batayan ng karamihan
Sa tinatawag nilang “makapangyarihan.”
Silakbo ng damdami’y aking pinatatahimik
Bagamat sa mga sandaling iyo’y
Gusto ko na lamang mapaos
Sa mga himig na inaanod patungo sa aking lalamunan.
Patuloy ang pagsuntok ko sa buwan
Hanggang sa maging gula-gulanit maging aking kasuotan.
Ngunit sa patımpalak na ito’y
Wala naman pala akong ibang kalaban
Kundi ang sarılı kong anino,
Ang kumunoy ng aking nakaraan.
Madilim —
Madilim ang paligid saanman ako dumako.
May hiwaga pa nga bang taglay ang Liwanag?
Kung ang sinag Nito’y mas maaga pa sa Pasko.
Mahiwaga —
Ganyan nila ituring ang mga alitaptap
Na para bang may isang diwatang
Umaaliw sa kanila,
Naghahayag ng kung anu-anong mensaheng
Wala naman palang kabuluhan
Kaya’t sabay-sabay silang mauubos
Na parang mga paupos na kandaling
Wala nang balak na sindihan pa.
Sino nga ba?
Sino nga ba ang aking susundan?
Napapatid, napapagod, nanlulumo’t nakikiusap
Na ako’y hatulan na lamang ng kamatayan
Nang mabaon na rin sa limot
Ang mga alaalang dumi sa’king katauhan.
Tinatanong ko ang sarili
Kung bakit nga ba paulit-ulit ang daan?
Wala nga bang magtutuwid sa mga lubak nito?
Ito na nga ba ang dulo ng bahaghari?
At sinu-sino nga lang ba ang makahaharap sa Liwanag?
Ako at ang kadiliman
Ako at ang liwanag.
Sino nga ba ang pamato?
Sino nga ba ang tunay na kalaban?
Subalit kung ako ma’y isang anino na lamang,
Ako’y pipisan pa rin sa mga yakap ng Buwan.
At kahit pa ako’y mahuli sa kanilang takbuha’y
Sigurado pa rin akong
May liwanag pa rin sa aking sinusundan.
Ikaw, Anong tantya mo?
Makararating ka rin ba sa dulo?
Ikaw, anong pasya mo?
Tataya ka ba o mananatiling isang anino?
Aug 13, 2024
Aug 13, 2024 at 8:53 AM UTC
Mahal ko'y ubod ng ganda
Dikit na nakakagiliw sinuman makakita
At nang minsan lumapit at nagpakilala
Sinunggaban ako't niyakap niya
Kulang lang kami'y maghalikan
Sa aming mahabang pagtitinginan
Dubdob na kay laki
ng silakbo ng pag-iibig
Ngunit nang makadaan
Sa isang maliit na pamilihan
Nakita ko na may ibang kalampungan
Nanibugho ako nang umuulan
Sa pag uwi ng bahay
Dahan dahan na humimlay
Sa higaang yari sa kawayan
At tirahan na parang sa ihip ng hangin ay matatangay
May saysay pa ba ang pagluha?
Kahit wala man, patunay pa rin na ako'y umiibig na
Totoo man ang nararamdaman
Ano ang aking maipagmamayabang
Talagang daig nga ng mayaman ang mahirap
Sa isip, salita at sa gawa
O sadyang may katumbas na ang bawat bagay
Para ang pagmamahal din ay mabili't maagaw
Iisipin ko na lang na ito'y para rin sa kapakanan niya
Di na lilingon o magkikita
Sana'y balang araw malaman niya
Na ako'y di hamak na isang tao
Kapag umiibig na
Sep 14, 2019
Sep 14, 2019 at 1:56 AM UTC
Ba't tila ang hanap ay ikaw?
N a p a p a - lingon
Wala namang lilingunin
Nang d u m a t i n g
Ayaw namang pakinggan.
Bawat silakbo
hindi naman t u m a t a k b o
May lihim nga bang pagtingin?
Pagkat puso'y T U L I R O
Ulila pala
Paslit, tila wala pa rin palang silbi
Nov 30, 2014
Nov 30, 2014 at 11:31 AM UTC
Di ko alam kung kakayanin,
Pigilin, nag-uumapaw na damdamin,
Punong-puno ng pagsisi,
Kamay, tinuturo ang sarili.
Para bang ang mundo'y gumuguho,
Nababalisa, natutuliro,
Di mapigilan silakbo nitong puso,
Di mapatigil itong pagdurugo.
Mga luha ko'y parang papatak,
Dahil sa lungot at di sa galak,
Bakit naman kasi ako magiging masaya,
Kung ikay aking nasaktan sinta.
May 1, 2017
May 1, 2017 at 12:57 PM UTC
nasa mata ng tumitingin
Meron ang Kagandahan,
tulad baga ng maingay na musika
sa pandinig nilang tulog - mantika,
nangangamoy na ang sulo ng apoy
Halimuyak pa rin meron ang Simoy,
tila ba malabong bahain ng pag-asa
Sila na nasa Seguridad ang panlasa
kagat - labi man ang pagtiim - bagang
habang iniinda ng kalingkingan ang matimbang
na tawag ng inang - kalikasan animoy gantimpalang
maitituring ang abot - kamay na pangarap sa pahalang
na ilog ng kaulapan na may samut - saring pasaring...
dinaramdam ng katauhan ang bawat hangaring
Huwag masaktan ang puso kahit ni- ang mga kalamnan
Ngunit sadyang nangyayari ang hawi ng kabiglaanan,,
Mga balya at salya ng pagsibol ang huwad na kasinongalungan at ang patotot ng katotohanan...
bilang Isang mamamayan ng pagsubaybay doon sa mga tulak ng tugma
sunog-bahay kahahantongan ng maling bitaw sa batong hawak para sa sungka,
Bilang ng mga nilalang kapwa paikot-ikot lamang na tila ba kumpol ng mga balahibong-pusa na tinayoan
Umakyat sa leeg ang dagang dati - rati ay nasa dibdib...
Maibulalas lamang ang silakbo at simbuyo na kay - tigib.
Bilang na pala ang oras at sadyang di namalayan sa LibLib,
Magwawakas na pala ang isa- dalawa tatlong pag - iigib
sa balong malalim na may apat - lima anim na pakikipag - anib
Nalagot ang lubid , nahulog ang sisidlan ng tubig...
at natinik sa paglukso ng pag - ibig yaong pawang mga nakayapak
Ngunit babangon sa tuwing madarapa ang siyang naiwan na balak
Ganyan po ang aral ng Liwanag sa dilim
Gabayan ang hangal sa aninag ng lilim !
ika - P i T o .. ika - Walo
Hipan lang ang siLbato,
bundok man o sa ibayo
Siyaman na ulap ay TanTo,
Lalaya din ang pangsampo
Magtatagumpay ang bunso !!!
DahiL ako ang nagsulat nito
MarahiL nabatid mo na ang pulso
Biyaya ng MaykapaL wag i- abuso
Kung tinamaan Ka man ng bagyo
Kalimutan ang Tampo at Siphayo
Dec 31, 2022
Dec 31, 2022 at 2:35 PM UTC
Itinudla sa puso ang palaso
kung tumatagos at nagdurugo
maaaring ito'y kapalaran na
umaabay sa delubyo
Tunay na paggiliw
ang siyang magdudulot,
magpuspos sa talaarawan
ng saya't sigla
sa likod ng kapighatian
Sa silakbo ng pag-ibig
ang nararamdamang umiinit
Hindi marahan
Masyadong mabagsik
Kung gayon iba na ang ipinapahiwatig
Tawag ng laman ay ang kalibugan
at ito'y di kailanman maihahambing sa puso ng Pebrero
na walang iba na mag-aangkin
Mayroon na ang sinta ay itinatangi
halos ang larawan sambahin
sa araw at gabi nangabusog na sa
dasalin
Mas mabuti pa ang ganda
na pangkaraniwan ang uri
May kapintasan man ginusto pa rin at inibig
Ang nabigo't
nasadlak sa lumo
Nang muli kumabig ay
mas lalong naging matamis ang mga pagngiti
Feb 8, 2019
Feb 8, 2019 at 8:22 AM UTC
Tayo'y muling inabot ng bukang-liwayway,
lumbay at pighati sa hangin natangay.
Ikaw ang tanging balakid ng kalungkutan,
kaharutan ng iba'y huwag pamarisan.
Sa musika ng buhay ay iindak,
sa langit dadalhin habang ika'y kahamagan.
Lahat ng walang kasiguraduhan, sayo magiging tiyak,
ikaw ang nag-iisang liwanag sa dagim na kalangitan.
Nov 6, 2021
Nov 6, 2021 at 10:59 PM UTC
022524
Kalakip ng bawat “oo”
Ang mapapait na “hindi” ng Tadhana.
Kung sa’yong palad ko ikakahon ang sarili’y
Mauubos ako sa sarili kong lakas
Habang sumusuntok ako sa buwan.
Mananatili akong aliping
Nakagapos sa sarılı kong mga pangarap
At marahil ito ang maging mista
Ng tuluyan kong pagkabulag
Pagkat sarili ang aking naging Lupang Hinirang.
Ni hindi masasaklawan ninuman
Ang bawat sumisirit na imahe sa aking balintataw.
At walang sinuman ang makapag-papahele
Sa akin hanggang makaidlip
Pagkat iba ang ritmo ng Pagsintang aking kinapapanabikan.
Kung sarili ang magiging lason
Ng aking pagkalimot sa aking unang sinumpaan…
Ay mas nais ko nang tuldukan
Ang bawat silakbo ng damdaming
Hanggang lupa lamang ang kasarinlan.
Feb 25, 2024
Feb 25, 2024 at 10:23 AM UTC
ang silakbo ng damdamin
tinangay na lang ng hangin
akin na lang tatanggapin
na ika'y 'di para sa'kin
Aug 24, 2019
Aug 24, 2019 at 2:55 PM UTC