Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Clara Mar 2022
Hayan nanaman sila,
Naglalayag muli ang mga mamamahayag,
Lagalag nanaman ang bandera ng pula, berde't asul
Sa gitna ng karagatan ng mga nauupos na katotohanan,
Ang hangin ng pagbabago ay muli nanamang umiihip,
Tulak-tulak ang bangkang ginawa mula sa diyaryo't mga pangarap,

At doon,
Sa islang pinanggalingan ng mga mamamahayag,
Kung saan ang mga tao'y kasali sa isang paligsahan ng mga bangkay,
Nakatayo sa sentro ang isang pulang bahay na nagmamatyag,
Sa kanyang pader nakaukit ang mga alituntunin ng larong maingay,

Mangyari lang daw na patayin ang nagsasayawang mga apoy na nagbibigay ilaw sa pagbabago,
Mangyari lang daw na patigilin ang pagkembot ng mga bewang sa kumpas ng isang ipinagbabawal na musika,
Mangyari lang daw na mangarap ngunit tumingala sa usok ng kanyang establisiyemento,
Mangyari lang daw na maglabas ng buntong hininga ngunit huwag sanang pagkamalang pamumulitika,

Sa nayong malapit sa dalampasigan ng isla,
Kung saan ang buhangin ay nananatili pang morena't hindi pula,
Matatanaw ang isang maliit na eskenita,
Kung saan naglalakad ang mga pudpod na paang naghahanap ng pag-asa,
Ang daang malubak ngunit binuo ng pinagtagpi-tagping mga proweba,
Ay mag tuturo sa daungan ng bangka ng mga sinabing peryodista,

Ngunit pagdating sa nasabing tagong lugar,
May mahabang pilang nag-aantay sa naturang bangka,
Wari'y lahat ng talampakan ng mga tao'y dumudugo ngunit hindi namumula,
Lahat ay may dalang maleta ngunit hindi naglalayas o nawawala,

Sila'y nakapila upang antayin ang bangka,
Hindi para sumama,
Kundi para maging kalasag ng isang malayang pagpapahayag,
Para maging tagapagtanggol ng isang katotohanang nararapat makita ng lahat ng mga nabigador,
Para mapatahimik, hindi lang ang lagim ng laro,
Kundi lahat ng mga bangkay na naiwan niyang nag iingay
The poem was written as an org entry during the ABS CBN shutdown in 2020.

— The End —