Ito ba'y sa tingin ng miyopia na sandangkal ang layo, gusto na kabigin?
Pananaw na malabo, di malirip?
O himig na kaagaw-agaw pandinig
Musika sa katahimikang pandaigdig
na lumilikha ng espasyo sa katotohanang di ibig?
Paraan ng pagdarama sa mga bagay na umiiba?
Pagkaganyak sa karaniwang obra maestra?
Isang sulyap sa ningning ng maririkit na bituin
na mapangrahuyo sa mga mata?
Panggagaway sa sangkatauhan
na walang makapag-aalis
Payak subalit gumaganap nang paulit-ulit?
Ito ba'y tumatawid sa dakong paglubog tungo sa pagsikat ng araw
hilaga hanggang timog?
Gumagabay sa paglikha ng sining
ng mga pantas at pintor
na inspirasyon ang guhit?
Tumatalunton sa kinabukasan,
lumalakbay sa kawalan hanggan
tila mas matayog pa sa pag-asa?
Ito ba ang matamis na kabiguan
na ninais maranasan?
Ginawang bagay na di alam ang kahihinatnan?
O piling mga salita na nasnaw sa bibig,
bulong sa hangin ng makatang nagtitiis?
Kumukurap na liwanag sa karimlan
na kung pagmasdan parang mamatay datapwat di kailanman naglalaho?
Saglit na galak tulad ng mga nasa yaong pagdiriwang
mapagbunyi ngunit di mapagmataas?