"naliligaw" poems
Sino ba ang modernong vincentiano?
Ano ba ang kanyang pagkatao?
Nagtatanong sa sarili ko
Habang pinagmamasdan ang mahinanang kamay
Kung anong magawa ko
Dito ba sa munting palad nakahimlay
Ang lahat ng kakayahan ko?
Anong meron ako, anong meron tayo? kundi kaalaman.
Kaalaman na di galing sa sabi sabi nilang “hugot”
Kundi sa piraso ng mga aral na ating pinulot
Dahil sa disiplina tayo y nililok
Ang kabutihang asal sa diwa ay pumasok
Mula sa Mga **** nating tinuturing na magulang,
Mga mababang tao na ating ginagalang,
Mga taong nakilala mula ng tayo’y musmos pa lang
Ipinamana sa atin ang pananampalataya, pagpapakumbaba, at kabutihan
Ang tanggapin ang katotohanan,
At hangganan ng kakayahan
Ang malaman ang kahinaan, kahit may kasimplehan
Pilit inaabot ang makatulong ng buong kalooban
Ng walang hinihintay na kapalit
Tulad ng modelo nating si San Bisente (st. Vincent)
Na sa pagtulong ay di napagod
Kaya sa mata ng Diyos naging kalugod lugod
Salamat sa Amang nasa itaas
Na nagbibigay ng lakas
Ang lakas na di nauubos
Para sa aming misyon na di pa rito natatapos
Sandata ay ang panalangin
Lakas ng loob at damdamin
Dahil sa Diyos na mahabagin
Walang pagsubok sa buhay ang hindi kakayanin
Ating misyon, ang tumulong sa mga kapus palad at nawawalan
Hindi lang sa taong nawawalan ng materyal na kayamanan
Kundi para sa mga taong naliligaw, nalilito at nagugulumihan
Pagkat ating ramdam ang bawat hirap
Ang bigat na tinitiis ng bawat taong may pinapasan
Handang makiramay at ibigay ang anuman
Para lamang ang paghihirap sa pighati ay maibsan
Pagkat sa bawat taong ating natutulongan
gantimpalang pangkaluluwa ang dapat ipagyaman
Sino ang gumagawa nito?
Sino ba ang modernong vincentiano?
Isa ba ako sa mga ito?
Ang modernong vincentiano ay di lang ako kundi tayo
Ang modernong vincentaino ay nagsasakripisyo at mapagpakumbabang nagseserbisyo
Ang modernong vincentiano ang magpapatuloy ng ating kwento.
Sep 28, 2018
Sep 28, 2018 at 12:26 AM UTC
Nasaan ka? nasaan ka aking kabataan?
tila hangin na naglalaho
sa bilis ng ikot ng panahon
at paglipas ng bawat minuto
masasabi ko bang ako ay natuto?
Nasaan ka, aking kabataan?
lumulubog at lumilitaw
malimit ako ay nalilito, malimit ako ay naliligaw
habang ako ay unti unting nilalamon
ng mga pahina ng kalendaryo
Nabuhay sa panahon ng mga kritiko at relihiyoso
naglalakad sa gitna ng manipis na espasyo ng kamalayan
nagmamasid at nanahimik
nagbibilang ng mga sandaling malabong maulit
huwag masyadong matulin at baka matinik ng malalim
Nasaan ka aking kabataan?
mga kinagisnan ay iyo nang iniwan
niyapos ng modernong mundo
binuksan ang pinto sa pagbabago
sa huli, kilala mo pa ba ako?
Nasaan ka aking kabataan?
ang iyong katahimikan ay nakakabingi
sabi nila ang pagsisisi ay laging nasa huli
Nasaan na, nasaan na?
kabataan ko, gising ka pa ba?
Feb 6, 2014
Feb 6, 2014 at 3:24 AM UTC
Paano ko ba sisimulan ang sulat na ito na iginagawa ko na naman para sa’yo?
Marami na akong naipon na mga sulat, sulat na punong-puno ng mga walang kwentang kasaysayan at letra na hindi ‘ko maigunita sa iyo
Bakit? Ewan ko, hindi ko alam, putangina may pakialam ka ba?
Hindi ko alam kung ibibigay ko sa’yo ang mga sulat na hindi ko natuluyang ibigay sa’yo dahil Una, hindi ko alam kung may pakialam ka pa sa mga salita ko
Ang aking mga salita na punong-puno ng galit, ng damdamin at pagmamahal
Kasi Pangalawa, noon, kahit walang kwenta ang aking mga sinasabi, ito’y tuluyan **** binibigyan ng halaga
Noon, kahit ako’y galit sa iyo at ika’y galit sa akin, nauubos ang iyong salita at hininga sa mga bagay na gusto kong marinig para lang tayo’y magkaayos
Noon, nakuntento tayo sa isa’t-isa kahit tayo’y naliligaw at nabubulag pa sa mundong ito na punong-puno ng kasinungalingan
Noon, ginagawa mo ang lahat para lang tayo ay magkita
Noon, pinupuno ko ang iyong mga araw nang ligaya at mga ngiting hanggang tenga
Noon, hinahayaan mo lang tayo’y maging masaya
Noon, ako’y sa iyo at ika’y akin
Noon, ika’y andito at wala doon
Noon, ako’y mahal mo at ika’y mahal ko
Naghahanap ng mga dahilan kung saan ako nagkulang, o kung saan ako nagkamali
Kung ito ba’y dahil sa aking pananamit o sa aking pananalita
Kung ito ba’y dahil hindi ako kagaya niya o sadyang nawala na lang talaga ang iyong mga nararamdaman bigla
Kaya inuulit ko, saan ako nagkulang? Saan ako nagkamali?
Nagkulang ba ako sa higpit nang yakap at haplos?
Nagkulang ba ang aking mga boses sa pagsigaw sa mundo na mahal kita?
Nagkulang ba ako sa pagsuyo at sa aking pagamin ng mga kasalanan?
Nagkulang ba ako sa pagbuhos ng aking mga damdamin?
Nagkulang ba ako sa paglaban?
Nagkulang ba ako sa bilang ng araw na mawawala ka na?
Nagkulang ba ako sa halik?
Dahil sinta, kung alam ko lang ng mas maaga pa na ika’y hindi magtatagal, sana’y tinagalan ko ang aking mga halik at inagahan ang aking pagbitaw
Pero hindi,
Kaya ang nagbunga ngayo’y isang babae na katulad ko na
Ngayo’y nasasaktan at nalulunod sa sariling mga luha
Natatapilok sa sariling mga paa, dahil sa sariling katangahan
Ngayon, isang tanga na natalo at nakanganga
Ngayon, umaasa na lang ako sa isang idlap ng iyong mga mata
Ngayon, naghihintay na lang ako sa iyong pagpansin o pagtawag sa aking pangalan
Ngayon, nagbabakasakaling may halaga pa rin ako sa’yo
Ngayon, umaasang iniisip mo pa rin ako
Ngayon, nagbabakasakali na masaya ka na.
Masaya ka na sa kanya.
Masaya ka na sa piling ng iba.
Mas masaya ka na kesa aking nagawa.
Ngayon, nangangarap na lang na maging masaya
Ngayon, sinusubukang kalimutan ka
Pangatlo, dahil ngayon,
Mahal pa rin kita,
at wala ka na.
Aug 1, 2016
Aug 1, 2016 at 1:03 PM UTC
Noong isang gabi,
habang hinahanap ang sarili,
natagpuan ang LIKHÂ.
Ako'y natuwa,
dahil nasa entablado sila,
silang mga pinapanood ko lang dati sa internet.
Isa sa mga dahilan kung bakit nagtatanghal
ang tulad kong hangal sa harap ng mga estranghero
at binabahagi ang mga dala-dala kong kwento.
Sila na mga nauna at nagbigay inspirasyon
na lalo pang magsulat at magbasa.
Mga mata'y unti-unti namulat
sa mga bagong imahenasyon,
mga leksyon, direksyon at iba't ibang kaalaman
na galing sa ating henerasyon.
Maraming salamat sa gabing inyong nilikha
para sa mga katulad kong naliligaw
at hindi alam ang patutunguhan.
Nagtagpuan kita.
Aking sarili nahanap kita.
Habang nakikinig sa iba't ibang berso
ay sumasayaw ang mga letra sa utak ko.
Habang lumilipad sa ere ang mga ritmo,
nakita ko ang sarili kong mga tula
na parang mga talang nahulog sa langit
papunta sa sa aking mga kamay
at dali-dali kong itinala sa aking puso
dahil kailangan kong ibahagi
ang sining na aking nabuo.
Hindi pa patay ang mga salita,
gamit ang lapis na hawak
mo sabayan mo akong lumikha mga katha.
Mapa kathang-isip o kathang-puso man ito
ay buhay sila at naghihintay sayo.
Hindi bulag ang mga tula,
kaya ka nitong titigan ka sa mata
hanggang sa magiba ang paligid mo't mawala ka nalang bigla. Hindi bingi ang mga obra, naririnig ka nito,
handang dumamay at unawain ang lahat ng pinagdadaanan mo.
Kaya maraming salamat sa gabing inyong binuo't nilikha.
Halika na, halik ka na, halika't sasamahan kita
sa patuloy na paglikha ng kinabukasan
para sa bayan, kultura, sining at sa iyong sarili,
ipagpatuloy ang nasimulan.
Ipagpatuloy ang sinimulan.
Noong isang gabi, habang hinahanap ang sarili,
natutunan ko kung pano ang magLIKHÂ @theartidope style.
Nov 22, 2017
Nov 22, 2017 at 10:05 PM UTC
Mahilig akong manood ng pelikula
Sisiyasatin ko ang bawat balangkas
Panonoorin mula sa simula
Papunta sa kasukdulan ng kwento
Hanggang sa katapusan ng kwento
Isa sa paborito kong kategorya nito
Ay ang pag-ibig
Napakasayang manood ng pelikulang pag-iibigan ang tema
Dahil kahit minsan ay katulad din ito ng nararanasan natin
Magsisimula sa pagpapakilala
Sa “ako nga pala si..”
“At ako naman si..”
Sabay ngiti na tila titigil ang mundo
Bibilis ang pintig ng puso
At mapupuno ang tiyan
na tila nakalunok ng sangkatutak paruparo
At nanirahan sa ilalim ng mga kalamnan mo
Napakatamis ng mga simula
Ang mga panahong ang mga mata
Ang nagsisilbing daluyan
Ng enerhiya na nagpapasabay ng tibok
ng puso niyong dalawa
Ang mga panahong ang mga kamay
Ang nagsisilbing hawakan sa pinakamalayong paglalakbay
Kikiligin ka sa simula
Magpapatuloy sa kasukdulan
Magpapatuloy
Sa “Bakit hindi mo agad sinabi?”
Sa “Bakit ka nagsinungaling saakin?”
Sa “Ano bang nagawa ko sa’yo”
Sa “Saan ba ako nagkamali?”
Matututunan mo na ang pag-ibig pala ay nagbabago
Ang dating matamis ay naging mapait
At tila isang kape na dating kumukulo sa init
Ay nanlamig bigla
Sa di inaasahang panahon
At sa katapusan ay makikita mo ang dulo
Ang pagpapaalam
Ang mga salitang “Hanggang dito na lamang tayo”
Na kahit na ipinangako niyo sa isa’t isa ang walang hanggan
Ay naabot niyo pa rin ang dulo
At kahit na masakit ay tatanggapin mo
Dahil ang katotohanan ay
Ang pag-ibig ay nagwawakas
Mahilig ako sa mga kwento
Dahil dito umiikot ang mga pelikulang sinusubaybayan ko
Ang simula, kasukdulan at pagtatapos
Ang paborito kong istorya
Ay ang pag-ibig
Pag-ibig
Na nagsimula sa pagpapakilala
Sa pagtanggap ng katotohanan
na hindi ko kakayanin mag-isa
Sa pagsambit na ikaw lamang
ang kayang magligtas
sa kaluluwa kong ligaw
Hindi man puno ng tamis
Pero puno nmn ng tunay na pagsinta
Ng totoong nagmamahal
Ang mga mata niyang magbabantay saakin
Sa tuwing ako’y nag-iisa’t nasa panganib
Mga labi, na hindi mo man nakikita ang ngiti
pero ramdam ang pagmamahal sa tamis ng salitang sinasambit
Mga kamay, na hindi nagsisilbing hawakan, pero gabay
At sa tuwing naliligaw na ako’y andyan ka pra itama ang aking landas
Pag-ibig
Na ang kasukdulan ay
Naganap sa krus
Kung saan ipinakita ang tunay na kilos ng pagmamahal;
Sakripisyo
Kahit na hindi ako nararapat sa pag-ibig mo’y
Ibinigay mo ang lahat
Para lamang maibalik ang ako, na minsan nang naglibot papalayo
Sa kasabikan na mahanap ang dulo
Kasama ang mundo
pero nagkamali ako
Ang mundo ay iiwan kang lagalak
Sa kalsada
Humahanap ng titirhan
Humihingi ng makakain
At nanlilimos ng ng salapi
Pero ikaw ang pumulot saakin
Sa pagkaalipin ko sa mapanlinlang mundo
Iniangat mo ako sa kahirapan ko
Kahit na tila kapeng nanlamig ako
Ay hindi mo isinantabi
Pinaranas mo ang tunay na pag-ibig
Na hindi kayang ibigay ng kahit sino
At tulad ng mga pelkulang paborito ko
Hilig kong sinusubaybayan ang kwento
Ang paborito kong kwento ay ang pag-iibigan nating dalawa, Panginoon.
At magtatapos ito sa…
Mali.
Hindi pa rito nagtatapos ang kwento
Apr 22, 2018
Apr 22, 2018 at 1:18 PM UTC
Nakita ko ang sarili kong naglalakad sa pasilyo ng kawalan at makaraa'y sinisid ang karagatan ng katanungan, nasaan ako? hinanap ko ang kasagutan, mapa o daan sa bawat ingay na binibigkas ng mga tao sa paligid ko. At kahit nasanay na'y natigilan ako, pero kasi hindi pwede 'to.
Nabuo ko na naman ang pangalan mo.
pasensya na pero sa tuwing ako'y nawawala sa landas o nararamdaman kong lumalayo ako binibigkas ko ito sa pag asang ibabalik ako nito sa kaharian na gawa sa mga ngiti at tawa mo na mag-isa kong binuo o simpleng papunta lang sa tabi mo.
Naliligaw ako, hindi ko alam kung saan pupunta o kung may paroroonan man lang ba, pero patuloy akong maglalaboy at tatakbo sa realidad na gusto na kita, tatakbo sa nararamdaman pero lilingon paminsan minsan dahil umaasa ako, kahit walang kasiguraduhan, hinahanap mo rin ako dala ang isang lampara. Umaasa ako na ikaw nga ang mapa, ibubulong ko sa hangin ang mga salita kasabay ng isang malalim na buntunghininga.
"Asan ka na?"
Jun 3, 2016
Jun 3, 2016 at 2:04 AM UTC
Isang tula para sa pusong
Walang ginawa kung hindi lumaban
Ni hindi alam kung anong pupuntahan –
Naliligaw, nagwawari
Nagdedepende sa mga salitang “hindi maaari”
Hindi maaaring sumuko
Hindi maaaring malumpo
Hindi maaaring tumakbo palayo
Sa mundong umuubos sayo
Natatakot sumugal muli
Natatakot mahulog sa patibong ng pag-ibig
Dahil minsan nang nasaktan
Minsan nang inabuso
Pumapalagay na lamang sa mga panandaliang aliw
Nagpapanggap na siya’y mabubuo ulit
Kahit saglit..
Kahit saglit..
Isa lang ang gusto kong sabihin sa’yo –
sa pusong hindi alam kung saan patungo
Huwag **** parusahan ang sarili mo
Dahil balang araw ikaw ang aani nito
Hinuhubog ka ng panahon
Sa pagdating ng tadhanang
Nakalaan sa iyong pag-ahon
Huwag kang matakot sumugal
Dahil doon mo malalaman kung
Ano ang para sa iyo, mahal.
Mar 10, 2019
Mar 10, 2019 at 5:09 PM UTC
Kaluluwa **** pagod na pagod na sa karereklamo sa mga mali **** desisyon. Utak ay gusto nang magsara at ikaw ay talikuran ng tuluyan.
Tanging pinanghahawakan lang naman ay ang pasya ng puso. Magulo sa kanilang paningin ngunit sigaw ng iyong damdamin ay kasiyahan.
Bawat tibok na lamang ay naliligaw sa kinaloob-looban ng iyong pananaw. Marahil hindi na importante sa ilan. Walang didinig sa iyong pagsinta sa kaibahan.
Gandang taglay na hindi kita ng lahat ay iyong hinahanap hanap. Sa paligid na iyong pagtuklas ay napakasalat. Ang ginto ay hindi pangkaraniwan.
Jan 2, 2019
Jan 2, 2019 at 4:00 AM UTC
Madami na akong nabasang libro
Ngunit ikaw parin ang hinahanap kong kwento na nais balik balikan
Na hindi magsasawang basahin muli
Mga pahinang ikaw lamang nagbigay sa mga labi ko ng ngiti.
Bawat kabanata nitong libro bawat pagbasa ko ng mga pahina, pinapangiti mo ako muli,
Na para bang andiyan ka lang sa aking tabi.
Pinapa ulan mo ang aking mga mata tuwing....
binabasa ko ang kahapon.
doon ko lang natuklasan na kaya ko palang magmahal ng tapat sa mundong ibabaw na puro kalokohan lang ang inaatupag ko.
Hindi ka ba masaya? Na binabalik balikan ko ang hindi makatotohanang kwento,
Na hanggang pahina at kabanata nalamang sila magiging totoo.
Masakit, pero kailangan natin tanggapin, ako, ako lang pala, ika'y lumisan na
Napunta ka na sa ibang pahina
Ako, ako andito pa
Iniwan mo sa alaala nating dalawa
Pwede ba magsabi ng totoo?
Kahit na sobrang gulo,
sasabihin ko sayo
Ikaw ang nag-iisang tahanan ng naliligaw kong pagkatao.
Etong mga pahina... nagiwan ng bakas sa puso kong bukas
Na inalay ko sayo gamit pa ang aking mga kamay na kitang kita ang bakas,
Bakas ng kahapon na sinaktan ako
Sinugatan ako ng taong minahal ko
Na pinalitan lamang ng saksak sa puso.
Itong mga pahina't kabanata
Na nagpapakita
Na mahal parin kita
Subalit nasa ibang libro ka na.
Alam kong tapos na
Wala nang tyansa
Kaya't ibabalik nalamang kita
Sa aking istante
Na madaling hanapin
Kapag nais ko muling basahin
Ang kahapon na sinulat natin.
Mga pahinang babalik balikan,
Mga kabanatang hindi makakalimutan,
Librong tayong dalawa na ako nalamang
Ang gagawa ng paraan para protektahan
Mar 20, 2020
Mar 20, 2020 at 12:50 AM UTC
Oras na naman ng uwian
Nariyan na naman si kalungkutan
Bigla bigla na lang mararamdaman
Ni hindi alam kung ano ang dahilan
Para kang naghihintay sa hindi naman darating
Naghahanap ng isang bagay sa lugar na madilim
Naliligaw pero wala namang pupuntahan
Napapagod pero wala namang pinagkakaabalahan
Tila kailangan ng makakausap
Gising ka pa ba?
Maaari ba kitang istorbohin?
Wag na lang pala
Hihintayin ko na lang ito mawala
Apr 18, 2017
Apr 18, 2017 at 1:13 AM UTC
may isang natutulog sa kalye
walang sala, walang detalye
walang makain, walang tirahan
ngunit ikinulong tila'y makasalanan
"mahirap maging mahirap"
said ng mga matang nagpapaki-usap
nang gayo'y makahanap
ng pagkain sa pamilya'y maiharap
at ang isa'y pinaiimbestigahan
dahil umano sa ilegal na pamamaraan
ng pagtulong sa kanyang nasasakupan
kailan ba ito naging kasalanan?
o, Pilipinas, ika'y binabantaan
patagong tinatangay ang iyong kayamanan
mga anak mo'y pinahihirapan
sa kalagitnaan ng krisis, ika'y pinagsasamantalahan
o, Pilipinas, naliligaw ang iyong landas
ika'y inaapi, inaabuso nang marahas
waring pinaglalaruan ang batas
ng isang nag-aanyong taong hudas
halika't iyong ipaglaban
ang bansang ating sinilangan
basagin na ang iyong katahimikan
at h'wag hayaang manaig ang kasakiman
pakinggan, dam'hin, at tignan
h'wag ka munang lumiban
sapagkat kailangan ang iyong katapangan
sa umuusbong na digmaan
Apr 9, 2020
Apr 9, 2020 at 9:10 AM UTC
sa pangatlong araw ng pagsikat,
sa isang lamesang puno ng kalat
dumating na'ng isang hudyat
sa isang makathang pagsusulat
kasabay ng pagdaan ng panahon
ang pag-alala sa maling nagawa ng kahapon
sa aking paglisan, tumahak ng ibang direksyon
batas ng tadhana, tayo ay hinamon
waring nabighani sa kaniyang aparisyon
sa kaniya'y sumama, pinakinggan ang tugon
ngunit lingid sa aking pag-iisip, siya'y hamak na ilusyon
ako'y niligaw, tinangay ang aking aguhon
sa panahong ako'y naliligaw
sa desisyong tinahak, isang mapurol at maginaw
bakas sa aking munting balintataw
ang hangaring gustong bumitaw
ngunit dumating ang aking kinatatakutan
ako'y naligaw, sa isang mapurol na bilangguan
ang aparisyong pinaglalaruan ang aking isipan
pilit na tinutulak sa aking magiging hantungan
hindi ko ninais na ika'y iwanan
nais kong ilahad ang aking pinagdaanan
ngunit hindi ito sapat sa nagawang kasalanan
lipos ang pagsisisi, na ika'y binitawan
hahamakin ang lahat, ako'y uuwi sa ating tagpuan
walang nang aparisyong hahatol sa ating pagmamahalan
ngunit nariyan ka pa ba? o ako'y tuluyan nang kinalimutan?
gayunpaman, ako'y naririto, naghihintay, na muli kang mahahagkan
Jan 3, 2022
Jan 3, 2022 at 10:29 AM UTC
panahong kay init at samot-saring pangyayari
ilalabas ang kwaderno't magsusulat ng hirayang bahaghari
iba't ibang mukha, ngingiti't tatawa kunwari
sa galaw, pananalita, at sa pagsulat ng kamay
pagkaguho, pagkawasak, at araw-araw na pagsasablay
sa mga bagay-bagay na 'di maiakbay
salungat sa sinyales na aking hinihintay
biglaang pagkalito, gan'to na ba ang takbo ng mundo?
kamay na animo'y tinanggal
paang singbikat ng bakal
hininga'y laging nasasakal
makakawala pa ba sa kasulukuyang estado?
nais nang kumalas, sa hindi nakikitang rehas
walang depinisyon, wala ring direksyon
hikbing palihim, kalungkutan sa takipsilim
naliligaw, nababaliw, sa indak na hindi inaral ngunit nakabisa pa rin
Jul 11, 2021
Jul 11, 2021 at 4:28 PM UTC
Ako ay isang nawawalang tupa
Sana mahanap ako ng aking pastol
Naglalakad akong may hikbing di humuhupa
Kadalasa'y ang kasuotan ay kulay asul
Ako ay isang naliligaw na tupa
Lumakbay na nang di mabilang na burol
May sugat na tila isinumpa
Di kayang pagalingin ng mga doktor
Ako'y isang di mapanatag na tupa
Bagamat nag-aral ng mabuti upang di maging mapurol
Humahakbang sa pagitan ng langit at lupa
Naghahanap ng ilaw upang kumislap ang aking parol
Ako ang simbolo ng karamihan dito sa lupa
Mga tupang kapanataga'y hanap bago sumakay sa ataol
Lito dahil kay raming mapagpanggap na kapwa
Nawa'y bago kami lumipad sa araw, mahanap kami ng tunay na pastol...
Written: April 4, 2015 @ 8:00 PM
Mysterious Aries
Oct 23, 2015
Oct 23, 2015 at 8:07 AM UTC
Bahagyang pumanaw na ang uhaw
Sa mga bagay na nakakatunaw
Sa mga bagay na tuluyang umaagaw
Sa mga panahong tila naliligaw
Dumating na yata ang hangganan
At humarap na ng tuluyan
Sa laban na laging iniiwasan
Ng waring musmos na isipan
Ngunit magtutungo ng mag isa
Sa lugar na aking hinuhulma
Sa bawat hakbang hindi lumilinga
At sa harap ang tuon ng mga mata
Sana'y huli na nga
Sawa nang mag pa ika-ika
Pagod nang tumingala
At paulit-ulit na magsalita
Dec 23, 2022
Dec 23, 2022 at 7:19 AM UTC
062721
Doon sa parteng may tubig sa aming bakuran
Ay natagpuan ko ang hiwaga ng bawat nilalang
Na araw-araw na sumasalubong sa'kin
Buhat sa paggayak sa umaga’t hapon.
Silang mga nakabihis ng puti
Ay sabay-sabay na sisigaw ng aking ngalan
At bagamat hindi ko rin wari
Ang lenggwahe na kanilang taglay,
Ay para bang kampante akong
Sila’y akayin at alalayang maitawid
Sa bawat araw nang may galak sa puso.
Tila ba sa bawat araw
Na itiunuro sa akin ni Tatay noon,
Ay natututo na rin akong
Makiramdam at makialam.
Ito yung tipong kaya ko na rin palang
Arugain ang hindi akin
Ngunit ang bawat binhi
Ay ngayo’y itinuturing ko ng kayamanan.
T'wing nakatirik ang araw
Ay agaran kong kukumbinsihin ang aking sariling
Gumayak na't lisanin ang aking higaan
At kamustahin ang mga ito.
Tangan ko ang kahoy na gawad ni Tatay sa akin,
At balewala ang putikang aking sasadyain.
Bilin nya nga sa aki’y wag ko raw hahayaang
Lubugan na ako ng araw
Bago ko pa yakapin ang responsibilidad
Na iniatang nya sa akin.
Sa yaman ng kalikasan
Ay wala na akong magiging dahilan pa
Upang kalimutan ang aking pagkatawag
At sila’y pabayaan
Sa matatalim na ngipin ng ibang mga nilalang.
Silang sa pagsapit ng dilim
Ay nakabantay lamang at handang sunggabin
Ang bawat naliligaw ng landas.
Sa tubig, sa batis at ilog
Ay akin naman silang aalalayan
Ang galak ko habang sila'y hinahayaang
Busugin ang kanilang mga sarili
Sa berdeng kalupaa’y walang katumbas.
Pagkat dito ko sila nasisilayan
At napagtatantong totoo nga ang sabi sa akin ni Tatay.
Ni hindi ko na kailangang maglakbay
Patungo sa kung saan mang siyudad
Matamasa lamang ang tunay na kaligayahan
Pagkat sa akin ay sapat na
Ang sundin ko ang bilin ni Tatay.
Malayo pa ang umagang
Kami’y maghahawak kamay.
Ang yapos niya’t pagkalinga sa akin
Ay araw-araw ko ring hinahanap-hanap.
At naniniwala akong
Darating ang umagang iyon.
Maghihintay lamang ako
Habang ang kanyang pamana’y
Lubos kong aarugain ng pag-ibig at pag-aalalay.
Jun 30, 2021
Jun 30, 2021 at 11:23 AM UTC
Pagkadilat ng aking mga mata kaninang umaga ay naisipan kong libutin ang lugar kung saan naroon ang mga bagay na ako mismo ang lumikha.
Linibot ang alapaap ang kislap ng bulalakaw, ang lupa at tubig at langit at bawat kariktan sa madadaanan.
At higit sa lahat ng kariktan ay nakita kita.
Nakita ko ikaw na napakaganda na tila walang kahit anumang makagagawa ng kahit anong bagay na makakasira sa iyong ganda.
Nakita ko ikaw na aking minsa’y nilikha at ngayon ay wala akong masabi kundi ang kotang “it was great”
Kaya’t kumuha ako ng papel at pluma gumuhit.
Sumulat ako gamit ang bibig.
Umawit gamit ang kamay.
Ginuhit kita
Feb 20, 2017
Feb 20, 2017 at 10:57 AM UTC
Hindi ko na kilala ang mga sugat na ‘to.
Kung saan ba 'to nanggaling o
paano ba 'to nangyari
Nandito na tayo sa parte ng magulong mundo
na hindi na alam ng mandirigma kung
nasa hilaga ba o nasa timog ang binabaybay.
Kung sino ba ang tunay na kakampi sa hindi
Saan ba gagapang palayo?
Saan itatago ang natitirang pagkatao?
Hindi ko na marinig ang bawat katinig
at patinig ng bawat salita dahil sa ingay.
Kanino ba nanggagaling ang hinaing
Saan nagsimula ang pasaring?
Paano nga ba tayo nakarating dito?
Alam mo, dahil sa’yo.
Gusto kong ipako lahat ang sisi sayo.
Ikaw ‘to. Kasalanan mo. Sinabi ko naman sayo.
Ganyan ka. Mali ka. ‘Di mo maintindihan.
Ikaw; Ikaw lang ang mali.
Alam ko ang bawat kanto
nitong pinasok nating pangako.
Kabisado ko ang bawat pintong nakasarado
Mga pinakatatagong sikreto
Hindi tulad mo.
Hanggang ngayon naliligaw pa din
Kaya tama ako.
Mali ka, tama ako.
Tama ako?
Tama na.
Pero ito ‘yung parte ng laban
na hindi na tayo pwedeng sumuko.
Hindi pwedeng tumakbo
palayo at takasan ang katotohanang
nilakbay natin 'to ng magkasama,
narating natin ‘to sa sarili nating mga paa.
Dahil magkabuhol na
ang mga sintas ng pagkatao natin
at imposibleng ipangalan lang
sa isa ang kasalanan.
Hindi na natin kailangang magpanggap pa
dahil tanggap na
Nadapa tayo. Hindi lang ikaw. Hindi lang ako.
Tayo. Nagkamali tayo.
‘Yun lang ang tamang hinaing
para maitama natin ‘to.
Jan 16, 2020
Jan 16, 2020 at 1:04 AM UTC
sige, bilangin natin ang bawat sandali,
bawat minuto na tayo ay magkausap
bilangin ang bawat araw at linggo
na tayo ay nagiging mas malapit sa bawat isa
bilangin ang mga buwan, pati na rin ang mga taon
bilangin hanggang sa tayo ay mapagod
hindi lang sa pagbibilang, kundi sa pati na rin sa pagkukunwari
pagkukunwari na tayo ay tayo kasabay ng huwad na pagmamahal
bilangin natin ang mga kasinungalingan kasabay ng paglalim ng naliligaw na damdamin
May 1, 2017
May 1, 2017 at 9:30 PM UTC
hindi ko alam saan magsisimula
saan pupulutin ang mga naiwang piraso
ng pagkatao ko
naliligaw, nalilito,
parang lalagyang walang laman
lumulutang at walang patutunguhan
sasakyang walang destinasyon
ibong naiwan ng mga kasama nito
nasaan na nga ba ako?
ba't naliligaw pa rin sa mundong 'to?
kakahanap ko sa sarili ko,
bakit di ko pa rin matumbok kung nasaan ako
Dec 4, 2022
Dec 4, 2022 at 10:18 PM UTC
Pero paano kapag si teacher naman ang nangailangan ng tulong?
Paano kapag si teacher naman ang nahirapan?
Paano kapag hindi na rin maintindihan ni teacher ang mga pangyayari?
Paano kapag si teacher mismo napagod na?
Paano kapag ubos na ang pasensya ni teacher?
Sinong iintindi sa kanya?
Mauunawaan ba siya ng mga musmos na nangangapa pa lang sa buhay?
Paano kung si teacher mismo naliligaw?
Kaya bang sagipin ni teacher ang sarili niya?
Kakayanin niya ba?
Kaya niya pa ba talaga?
Kaya niya ba talaga?
May 8, 2018
May 8, 2018 at 10:29 PM UTC
Isang mababaw na bokabularyo,
Mga simpleng kahulugan,
Bawat araw, umiikot sa isang siklo,
Ano nga ba ang hangganan.
Alin nga ba ang totoong pagkatao,
Ano nga ba ang mga hinaing at gusto,
Ano ba ang mga inspirasyon,
Ano ba ang aking layon.
Malalim na bangin,
Binabalot ng dilim,
Ako ba ay naliligaw,
O paglisan ay ayaw.
Habang tumatagal,
Nawawalan ng saysay,
Nawawalan ng pananaw,
Nawawalan ng kahulugan.
Tingin ko ako'y mababaw,
Mula sa malayong tingin,
Baka nga totoong mababaw,
Subalit sa sarili'y nagsisinungaling.
Aug 9, 2021
Aug 9, 2021 at 8:28 AM UTC