"nakatikim" poems
Pagpasensyahan mo na ko,
hindi ako sanay sa mga yakap at lambing
bago kita makilala, nakakahiya mang aminin
ang pagdampi ng mga labi at ang init ng mga yapos
ay alam ko lamang sa salita, sa bawat paglipat ko sa panibagong pahina ng mga aklat kong minamahal.
Mas masarap pala sa totoong buhay.
Dahil konkreto ka,
ang iyong mga mata ay hindi lamang habi ng aking kaisipan
at ang iyong mga salita ay hindi akin.
Totoo ka.
Masarap pala sa pakiramdam ang paglapat ng dalawang katawan,
dahil kahit kailan hindi ako naging komportable sa paglubog ng kama sa aking likudan
alam ko din na ayoko ng bigat ng ibang braso sa aking baywang
pero noong unang gabi na nakapatong ang ating mga ulo sa iisang unan
at ako’y tila bihag sa braso **** kulungan
Napatanong ako sa aking sarili “Ganito ba ang tahanan?”
Pero mahirap din kapag nakatikim ka ng ginhawa,
nakalimutan ko na tayo nga pala’y dalawa
at ito ay hindi lamang para sa akin.
Ang kalayaang kong pumili ay taglay mo din
Hindi mo nga pala utang ang mga sagot sa mga tanong na bumabagabag sa akin
at malaya ka.
Malaya kang tanggalin ang pagkabuhol ng ating mga daliri
Dahil hindi iisa ang ating mga kamay
at hindi din tayo iisa ng kaisipan.
Posible nga pala na magkaiba ang bilis ng daloy ng dugo at ritimo ng bawat tibok
Kaya naiintindihan ko at pagpasensyahan mo ako.
Masyado lang akong uhaw sa pagmamahal.
Sa tagal na panahon na pinagkait ko sa sarili ko,
sa pamamagitan mo, kaya ko nang tumingin sa salamin
at hindi makaramdam ng galit na sa tuwing umaga
meron pa ding hininga,
meron pa ding pagtaas at pagbaba ng dibdib.
Masarap palang huminga at ayoko lang ng tikim.
Oct 11, 2016
Oct 11, 2016 at 3:07 AM UTC
Ilang dekada na
Lumaban ka raw para sa amin
Hindi ko man lamang naabutan
Patungo raw iyon sa demokrasya.
Tingnan mo kami ngayon
Ang daang matuwid ay putikan
Ganito pala ang lasa ng imoralidad
Na kayo-kayo rin ang nagtimpla.
Marami nang nakatikim
Ng pait at kakunatan ng inyong hain
Ilan pa ba ang papalasapin?
Kaawa-awang mga dila
Mapapaso't kikirot
Dulot ng sarili ninyong mantika.
Katulad ng ibang baboy,
Ilalabas ka sa hawla
Nakalilihi ba doon?
Kaya nanlumo kayo sa taba
Tabang walang kainaman
Hindi magamit panggisa ng kamalian.
Sandamakmak pala kayo
Nagsanib-puwersa sa looban
Pinakakain nang tama, pinagsisilbihan
Bagkus tambay sa kurapsyon
Sa kulungang may posisyon.
Bakal ang tali nyo
Kaya't sumuko na't wag pumiglas
Pagkat sa putikan ang ruta
Yang putikang kayo rin ang may gawa.
Jul 12, 2014
Jul 12, 2014 at 5:56 AM UTC
nang dumating ako sa kalyeng puno ng alaala
pinagmasdan ang kalsadang bagong gawa
bakas pa rito ang pagdaan ng mga pison na pilit na pinapantay ang baku-bakong landas ng aking kinabukasan
'di pa gaanong tuyo ang itim na aspaltong kalalagay lang
at sinusubukang takpan ang sementong 'di man lang nakatikim ng liwanag tulad ng aking puso
ang aking pusong sa bawat tibok ay binubuhusan ng malagkit na aspalto ng pagkalimot
at ang sementong balot na balot ng matigas at malutong na aspalto'y paulit-ulit na dinadaanan na tila walang pakialam sa kung gaano ba kasakit masagasaan nang paulit-ulit, paulit-ulit, paulit-ulit
hanggang sa magkawatak-watak ang aspaltong kalasag ng semento mula sa liwanag
at kung ito'y mangyari ay susubukan muling ayusin
at bubuhusan ng mainit na aspalto upang takpan ang mga sugat at butas na sumisilip sa liwanag
ngunit tulad ng pagdidilig sa patay na halaman o sa pagpilit na malimot ang minahal
ay imposible at walang katuturan
dahil ang nagagawa lamang ay baku-bakong kalsadang puno ng alaala
at kung pagmamasdan ang kalyeng bagong gawa
ay bakas ang paghihirap at pagpilit na ikubli ang itinatagong nakaraan
Dec 10, 2015
Dec 10, 2015 at 7:38 AM UTC
"O aking minamahal sinta,
Tara, kanta na tayo't magsimba.",
Kay sarap balikan ang mga araw na 'to,
Hanggang sa sarhan mo'ko ng pinto.
Laging kasama sa samahan
niyong umaawit,
Sa lugar kung saan nakakahingi
ng tulong sa langit,
Ang puso ko'y gusto sayo lumapit,
Sapagkat iyong ganda'y kaakit-akit.
Kaya ako'y nangarap...
"Sa pagtatapos ng aking paglalakbay,
Sana magwakas sa iyong mga kamay,
Sa kahit anong mangyayaring pagsubok,
Ikaw ang ninanais na maging palayok".
Umamin, nagbukas ng puso sa 'yong harap,
Habang ang mata ko'y 'di kumukurap,
Iba sa aking mga inaasa't iniisip,
Ang pangarap ay hanggang panaginip.
Lahat ng pawis, oras ng paghahanda,
Mapupunta lang pala sa wala,
Kaya't pag nakikita ako ng iba,
Nagkukunwari nalang na masaya.
Di naisip bituin ay masisira sa isang sulyap,
Dumating pa si Hudas sa aking harap,
Nakatikim ng halik ng isang taong mapanibughuin,
At laking galit pagkat siya ay isang taladkarin.
"O aking minamahal sinta,
Sensya na't dinaan sa makata,
Gawain ng isang taong nalulumbay,
Makakagawa pa ng akdang-buhay
Kaya sa mahabang panahon hindi magpaparamdam,
Para makuha ng Hudas ang kanyang inaasam,
Kahit ang puso ko'y nasisira't lumiliit,
Ako'y maghihintay kahit masakit.
Apr 3, 2020
Apr 3, 2020 at 10:20 AM UTC