Paalam bayan kong sinilangan,
sintang katagalugan, lupain na sinakop
ng mga puting dayuhan; inalipin at binusabos
ng higit sa tatlong-daan na taon.
Kung hindi sana ako nakagapos
ay nasa larangan ako ngayon,
nakikipaglaban para sa iyong kalayaan;
subalit ako ay binihag ng mga taksil na kalahi,
kayumanggi ang kulay ng kanilang balat
subalit ugaling Kastila sila.
Alam ko na ito na ang aking wakas
dadalhin nila ako at si Procopio sa dako na di namin alam;
tanging diyos lang ang nakababatid sa aming sasapitin.
Sa punglo kaya o sa talim ng tabak kaming magkapatid ay masasawi?
Nalulumbay ako hindi dahil sa ako'y mauutas
kundi sa pag-aakala na masasawi ako sa kamay ng aking kalahi.
Kung dayuhan man lang sana ang sa akin ay papaslang mas matatanggap ko ito nang maluwag sa dibdib.
Paalam mahal kong Oryang,
Lakambini ng Katipunan,
ina ng aking anak at kabiyak ng aking dibdib.
Naiiyak ako sapagkat malungkot ang naging wakas ng ating pagsinta.
Kung magtagumpay ang himagsikan
at makamtan na ang layang inaasam
wag sana makalimutan ang mga nabuwal sa parang ng digma.
Kainin nawa ng lupa ang mga taksil sa bayan,
lunurin ng baha ang mga nakipagtulungan sa kaaway,
tamaan ng kidlat ang mga tampalasan na umibig sa dayuhan na mapang-alipin. Sumpain sila ng langit.
Nakapiring ang aking mga mata subalit nararamdaman ko na malapit na kami sa dako kong saan babasahin sa amin ni Komandante Lazaro Makapagal ang hatol ng konseho ng digma.
Payapa ang aking kalooban, walang pangamba.
Alam ko na ginawa ko ang nararapat, kailanman hindi ako nagtaksil gaya ng kanilang ipinaparatang.
Mabuhay ang Pilipinas, Mabuhay ang Rebolusyon.