Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
astroaquanaut Oct 2015
pumasok sa kompartamentong bilang sa lahat
ngunit ipagsiksikan ang sarili, sumuot, at ipilit
dahil ang maiiwan sa españa ay hindi makakarating
makipaglaban, mang-agaw, ang akin ay akin

trenta minutong paghihintay
sa ilalim ng init, tiyaga ang kapiling sa umaga
bakit nga ba ‘di pa makikipag-balyahan?
asal-hayup upang mapuntahan ka lamang

sa pagdating sa istasyon ng sta. mesa
pawis ay naghahalo, amoy ay ‘di mawari
napagitnaan ng dal’**** dalagang nagchi-chismisan
‘di sinasadyang makinig, ako’y ‘di sang-ayon kaya iiling

sa hawakan ay higpitan lalo ang kapit
sasakyan natin ay paparating na sa pandacan
tumitig sa bintana at muli, bigla kang naisip
ngunit sila’y ‘di maibigay ang inaasam na pagtahimik

bakit nga ba ako nagtitiyaga?
sa masikip, magulo, at maingay na paraan
paalis na tayo sa istasyon ng paco
ika’y singtulad ng tren na ito

hindi makahinga sa dami ng taong nilalaman
kailan ba mapapadali ang ruta sa araw-araw?
magrereklamo, magsasawa, sasabihing “ayoko na”
titigil sa istasyon ng san andres

mananatili hanggang makaabot sa vito cruz
pasulong ang andar ngunit ang gana’y wala na
pagod at nagsasawa, hindi magawang iwan
ngayon ka pa ba susuko, eh ang lapit mo na?

nawala ang bigat ng pasahero pagdating sa buendia
nawala na rin panandalian ang sikip na iniinda
ngunit ano namang silbi ng ginhawa,
kung paalis ka na rin at nalalapit na sa paru-roonan

pagod ka na pero tiyagain mo nalang
ikaw at ang sitwasyon ay nariyan na nga
nag-inarte ka pa kung kailan nasa pasay road na
hindi ka pa ba nasanay sa araw-araw?

tumigil ang tren sa istasyong pinakahihintay
pawis, pagod, suot ang damit na gusut-gusot
heto na, sa dami ng nangyari ay narito na
sa edsa magallanes, salubungin mo siya
JOJO C PINCA Nov 2017
Paunawa sa babasa:

Hiniling ng isa kong kaibigan na relihiyoso na gawan ko daw s'ya ng tula tungkol sa ikalimang wika ni Kristo noong nagdaang Mahal na Araw kaya kahit Atheist ako ay ginawa ko ang Free Verse (Malayang Taludturan) na ito.



“Nauuhaw ako”

Malalim ang baon ng mga pako sa kanyang mga kamay at paa. Mahigpit din ang pagkakatali ng lubid sa kanyang mga braso. Napapalibutan siya ng mga kaaway, nagsusugal at nag-iinuman ang mga sundalong Romano habang nililibak siya ng mga Pariseo. Tiyak na wala s’yang kawala. Naghahalo ang dugo at pawis magkasabay itong umaagos palabas mula sa kanyang katawan; hindi na rin n’ya maalala kung ilan ng sampal, suntok, sipa at palo ang kanyang natanggap. Sa gitna ng kanyang paghihirap binigkas ni Hesus ang kanyang ikalimang wika:

“Nauuhaw ako”

Kagabi lang bago s’ya dakpin ng mga tampalasan ay nagmakaawa s’ya sa hardin ng Getsemane at taimtim na hiniling sa kanyang Ama na kung maaari sana ay huwag na n’yang danasin ang paghihirap na ito. Subalit hindi s’ya dininig nito.

“Nauuhaw ako”

Siya ba ang kailangan na magdusa, obligado ba s’ya na bayaran ang kasalanan ng iba? Bakit s’ya ang inutusan ng kanyang Ama para akuin ang sala ng sangkatauhan? Masyadong mabigat ang pasanin na ito para sa isang hamak na karpintero na gaya n’ya.

“Nauuhaw ako”

Ito ba ang kapalit ng pagiging masunurin at mabuting anak ang masadlak sa laksang dusa at malagim na paghihirap? Nasasabik na s’yang umupo sa tabi ng kanyang ama; hinahanaphanap n’ya na ang papuring awit ng mga Anghel sa langit.

“Nauuhaw ako”

Nilikha ba ang sanlibutan at ang mga tao upang sa bandang huli ay maging mapaghimagsik sila at walang galang sa kanilang lumalang? Bakit punong-puno ng kalupitan at karahasan ang mundo?

“Nauuhaw ako”

Hindi sapat ang tubig o ano mang inumin para mawala ang kanyang uhaw na nagmumula sa puso; ang pag-ibig ng sangkatauhan ang kanyang inaasam.
astroaquanaut Oct 2015
dahan-dahan **** itaas
ang kamiseta kong iyong
nilamog, nilasog, nilukot-lukot
kurutin mo ang kaluluwa kong
tunay na alay sa iyo

unahin mo ang aking labi
bumulong sa pagitan ng mga halik
dila'y umiindak sa sariling ritmo
mahal kita, akin ka, mahal, halika
paibabang mga halik, hihinto sa leeg

isa-isang taluntunin ang mga bituin
sinag sa aking balat, iyong intindihin
idampi ang mga daliri sa aking dibdib
himurin ito, kilitiin, at ipadama
ang sansinukob na sa atin lamang

lapnos ng iyong mga halik ay hahanap-hanapin
animo bakas ng iyong papalayong yapak
kabog ng puso'y umuugong sa silid
hihigpitan ang kapit sa iyong buhok at
susunggaban ang iyong labing sabik na sabik

naghahalo tayo na parang makulay na pintura
kaanyuang magkasalungat ay ating pinag-iisa
inihahain ang sarili, punong-puno ng tiwala
sirain mo ako sa pinakamagandang paraan
isalin mo ang iyo, huwag mabahala

— The End —