Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay May 2019
Ipanligo ang luha
Gawin basahan ang damit na
pamunas sa sugat na di gumagaling
Hulug bituin ba na matutupad ang mga hiling o bagay na tinatapon ng langit

Ano ang susundin
Naduhagi sa buhay
Nabubuwal sa kapalarang sinapit
Kagustuhan ng loob o ang ikakaunlad ng Maharlikang angkan
Sa basbas ng langit
Iniusal ang dasal

Sapat na ang saya nang masilayan si dessa
Walang dusa't unos na nanaig
Anyong Diyosa, diwata ang kawangis
Kinang ng perlas
Kagandahang nang -aakit

Marupok na ang silya
Habang ang damit ay tagpi-tagpi
Naluoy na ang labi
Mata'y nangamuti
Inilalarawan  na ang mukha sa salamin ng bukas

Natatangi man ito ang sa isip
Ang kabiguan ay tinitiis
Pa isa-isa man ang balahibo idinidikit
na para pumagaspas sa hangin
Makakalipad nang mataas
Bubulusok nang mabilis
kingjay Jan 2019
At dagli na hinalikan
Ang namamalirong mga labi niya'y sabik sa unang karanasan
Ang sagot ay ang ginoong unang nagpatibok sa kanya ang unang hinalikan
Ngunit huli na ang lahat
Magpapakasal na sa ibang lakan

Sapagkat ang pamilya'y pinagkasunduan
Simula pa ng pagkabata, naipakilala na ang nakatadhanang nobyo
na mag-aangkin ng kanyang puso
Hambog na binata'y sa kanya ang sasal ng kasayahan sa mundo

Gaya ng karamihan ay nanligaw din ang pasikatero
bago nakuha ang minimithi
Sadyang mailap ang pagmamahalan ng mababang uri
Ngayon iba na sa kanya ang nagmamay-ari

Nang nagkaisang dibdib na'y nawalan ng pag-asa
Kahit masilip sa tuwi-tuwina
at maibulong ang pintuho sa reyna
Bukang-liwayway sa akalang nag-uumaga
Takipsilim palang naduhagi sa bawat araw at sa susunod pa

Ang hinihingi'y ay ang pag-amin
Sa kanya na ang desisyon
Mag-iiba sana ang kapalaran
sapagkat matimyas ang kanyang pag-irog
Kayang iwanan ang karangyaan kapalit ng pag-ibig
kingjay Sep 2019
Kapag nayapos mo na't
Init ang nararamdaman
Pagmamahal iyan na lubos
At mapagbunyi
-hiyas kang hinalibas sa karukhaan ng aking mundo

Kahit naduhagi sa kapalaran
Anong pagdiriwang kapag ika' y nasisilayan
Kung maibabalik man ang ikalawang takipsilim
Hindi na hahayaan na mawalay ka pa sa akin

Sa balintataw ng buwan
Hubad na pagsuyong walang
Poot at panibughong kinikimkim
Kung may luha sa mata ko
Yun ay ang pagpawi sa pagkauhaw ng pag-ibig

Kung namiminto na ang wakas ng panulaan
Maipaliwanag sana nang pagkalinaw
Na hangad kong sambitin
na iniibig kang walang kahulilip

O dessa ikaw ang nasa
Winasak mo ang mundo ko't
gumawa ng bago
Kung saan ang araw katabi ng buwan
At ang bawat paglubog ng araw ay may tanglaw sa kaitaasan

— The End —