Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
derek May 2016
Napapagod na akong tumingin sa Facebook ko.
Sa dingding ng mga masasayang larawan ng mga kaibigan, katrabaho
Sa dingding ng mga opinyon na nagdudulot ng masalimuot na pagtatalo
Sa dingding ng mga tagumpay na nakamit mo sa pagsusumikap mo
Sa dingding ng mga narating **** lugar na sobra na ang layo
Sa dingding ng mga video ng pagbigkas mo ng tula sa harap ng maraming tao
Sa dingding ng mga sandaling iginapos mo para ipamukha sa akin na ang buhay ko ay pagkabaho.

Salamat sa mga larawan ng masasayang sandali kasama ng iyong kabiyak
ng inyong matamis na pagmamahalan, na sa sobrang tuwa gusto mo nang umiyak
Nang matuloy kayo sa simbahan, oo na, marami na ang nagagalak
Eto na ang puso ko, wag ka nang mahiya, tuhugin mo na ng itak.

Salamat sa mga opinyon mo tungkol sa paborito **** kandidato
Wala ka na atang ibang ginawa kung hindi halughugin ang Internet para sa bawat artikulo
Para isulat sa dingding mo kadikit ng mga opinyon **** walang humihingi, kahit na sino
Para kang teacher ko na may dalang nutri-bun na isinasaksak pilit sa akin kahit sukang-suka na ako.

Salamat sa mga salita ng pasasalamat na binibigkas mo
kung gaano kadaming biyaya ang ipinagkaloob ng Bathala sa iyo
Sa bawat tagumpay na nakamtan mo sa napili **** trabaho
Naitatanim ko tuloy sa aking isip, kung bakit ang layo mo gayong sabay lang tayo?

Pasensya na, malamang sa inyo ay may natatamaan ako
Wala akong planong durugin ang kahit na anong ugnayan ko sa inyo
Gusto ko lang banlawan, langgasin ang nalalasong utak at puso ko
na pinapatay ng Facebook sa tuwing titignan ko ang mga dingding ninyo.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na sa paninindigan ako ay wala
Na hindi ko kaya maglahad ng opinyon kasi walang papansin, walang maniniwala
Dahil maraming beses na akong naging tapat noong ako ay nasa highschool pa
Wala akong naging kaibigan. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na hindi na ako makakarating kahit saan pa.
Kasi pinili kong manatili, kahit mainit, kumpara sa ibang bansa
Dahil nanuot sa aking dila na hindi ko kayang makipag-usap sa kahit na sinong banyaga
Kasi palpak ang Ingles ko. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Kung gaanong ipinararamdam sa akin na mamamatay akong mag-isa
Na hindi ako magkakaroon ng pagkakataong lumigaya
Dahil sa pinalagpas kong sandali, ay hindi na mauulit pa
Dahil wala akong kwentang lalaki. Narinig mo? Wala akong kwenta.

Sobrang baba na ng pagtingin ko sa sarili ko.
Ang tanikalang gamit sana para makipagugnayan sa mga kakilala ay tila naging isang angkla na humihila sa mga paa ko
pailalim sa karagatang puno ng mga pusong natalo
Nabigo sa pag-ibig, sa buhay, at sa kahit na ano.

Kaya lalayo na ako sa mga dingding ninyo.
Hindi na ako papayag na manatiling tumatanggap na lang ng kahit na anong ipapaskil mo.
Tatakas ako sa mga rehas na nilikha ng mga masasaya ninyong minuto
Magtatayo ako ng sarili kong dingding. Bubuuin ko ang aking pagkatao mula sa pagkakapira-piraso.
Stum Casia Aug 2015
Bilang na ang aking maliligayang araw.
dalawa na lang. Kung isasama yung pangakong panlilibre ng lomi
ng mga kasamahan sa pabrika sa unang restday matapos ang endo-
tatlo. At ganito pala ang feeling ng may taning.
Para kang nasa nilulumot na aquarium na walang oxygen
at goldfish kang kasama ng dalawang golden arowana.
Hindi ka makahinga.
Sa a kinse, matuloy man o hindi ang balitang super-bagyo
Tapos na ang limang buwang kontrata.

Matatapos na rin ba ang hindi naumpisahang pagsinta?
Tulad ng paghahanap ng mga skater sa kanilang skate park,
matatagpuan ko rin ba ang lakas loob at habambuhay na hindi na?

Kaya naman kaninang tanghalian, wala akong kwentong maihain sa iyo.
Parang habambuhay ko ngang uubusin yung inorder kong BBQ
kanin at RC.
Paano ko ba sasabihing baka isa na ito sa huling dalawang tanghalian na sabay tayong kakain?
Paano ko ba sasabihin na sa maraming pagkakataon na sabay tayong kumakain,
nagtitipid ako at hindi naman talaga ako nagugutom.
Gusto lang kita makasama kasi parang gusto na kita.
Pero tulad ng inililihim kong pagtatapos ng aking kontrata

Hindi mo alam.

Hindi mo alam na ikaw ang dahilan kung bakit masarap ang simoy ng hangin sa loob ng pabrika
kahit wala naman talagang bintana at inuubong industrial fan lang ang meron tayo.
Hindi mo alam kung anong kapanatagang nararamdaman ko
tuwing sinasabihan mo akong mag-iingat ako
tuwing uwian kahit ang totoo, hindi natin kakilala ang kaligtasan
at kapanatagan sa pabrikang walang fire exit
at benefits.

Yun talaga yun, hindi mo alam.
Pero alam mo naman sigurong salot talaga ang kontraktwalisasyon?

At maramot talaga sa mga lovestory nating mga below-minimum-wage-earners
at contractual workers ang sistema ng paggawa sa Pilipinas.
Sa mga susunod na bukas, ikaw naman ang mag-e-endo.
Baka mapunta ka sa Savemore na tadtad din ng kontraktwal.
At masnatch ang numero mo at hindi na kita matatawagan.
At ako, baka sa hirap humanap ng trabaho maisangla ko ang aking telepono.
At isang monumentong singlaki ng Mall of Asia ang itatayo sa pagitan nating dalawa.

Kasalanan ito ni Ernesto Hererra.
Brielle Dec 2023
Ang buhay ay parang isang nobela,
May mga karakter na papasok sa kwento mo,
Meron silang layunin na gagampanan
Pero hindi magtatagal, sila'y lilisan rin.

Unang kabanata, nandyan na ba sila?
Anong klaseng karakter kaya ang isinulat ng manunulat?
Maisasama ko kaya sila sa kwento kong maulap?

Pangalawang kabanata, meron pa pala.
Anong klaseng aral kaya ang hatid nila?
Hanggang dulo na ba sila?

Pangatlong kabanata, ay dinagdagan pa pala niya.
Hindi ka ba nauubusan ng iisipin, aking manunulat?
Kailan ka kaya mapapagod?

Pang-apat na kabanata, may bago ng pahina.
Anong usapan kaya ang magbibigay kulay sa pahinang ito?
Ikaw at ako, siguro.

Pang-limang kabanata, dagdagan mo pa.
Anong suliranin naman kaya ang maisusulat mo manunulat?
Sana, wag mo akong pahirapan.

Pang-anim na kabanata, kamusta ka na kaya?
Maitutuloy mo pa kaya ang pahina?
Tinatamad ka na bang magsulat?
O naubusan ka na ng tinta?

Pang-pitong kabanata, ang saya.
Salamat manunulat sa pahinang ito,
Patuloy mo pa kaya akong bibigyan ng biyaya? Para matuloy ang ligaya?

Pang-walong kabanata, kay saya naman sa isang nobela
Ang manunulat na ang bahala,
Bahalang mag plano kung anong mangyayari sa kabanata.

Pang-siyam na kabanata, nasa gitna na ba?
Nasa simula pa ba tayo, manunulat?
Kailangan ka kaya mapapagod sa pag-uulat?

Pang-sampung kabanata, bakit naman ganon manunulat?
Ang dami mo namang binigay na problema,
Simple lang naman ang hiniling ko,
Na wag mo akong pahirapan.

Ikalabing-isang kabanata, may tutulong kaya?
"Sino kaya ang tutulong sakin?" Napaisip ang karakter
Manunulat, bibigyan mo pa ba siya ng ligaya?

Ikalabing-dalawang kabanata, saan pa ba patungo ang nobelang ito?
Lahat ng karakter ay lumilisan na,
At nag-iisa na ang pangunahing karakter
Maawa ka naman, aking manunulat.

Ikalabing-tatlong kabanata, may katapusan pa ba ang nobelang ito?
Napapagod na ako, aking manunulat
Bigyan mo naman ako ng pahinga.

Tama na, manunulat.
Nagsusulat pa ba tayo dito ng nobela?
Bakit lahat sila'y lumisan na?
Akala ko ba, hanggang dulo na sila?

Teka, nasa loob ba ako ng nobela?
O sinasalamin ko lang ang sarili ko sa isang nobelang nabasa ko
Tama nga ako, ang buhay ay parang isang nobela,
May sarili itong simula, gitna at wakas
Na akala natin ito'y patuloy na mag-uulat

Naalala ko nga pala,
Ako nga pala ang sarili kong manunulat
Ako ang mag-uulat sa buhay kong maulap
Naalala ko, tayo nga pala ang gumagawa sa sarili nating kahulugan.

Hindi mo naman makikita ang kahulugan mo,
Kung hindi mo bubuksan ang isip mo
At kung hindi mo dadamdamin ang puso mo.

Oh sige na aking manunulat,
Ituloy mo na ang iyong pag ulat
Sa karakter na nais **** bigyan ng kahulugan,
Sa karakter na nais **** maulat.
Sa iyong sariling nobela.

— The End —