Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Jul 2019
Ang hele sa duyan
Awit ng magulang
na nakapagpagaan sa hangin
sa tuwing nauulinigan

Ang mga punongkahoy doon sa palayan
Na nagwawagayway sa mga dumadaan
May matimyas na kuwento
noong sila pa'y mga munting halaman

Paru paro  na sa hardin
na dumadapo sa bulaklak
sila rin ay may pinagmulan
-galing sa alamat

Ang magandang tanawin
Baryo pa dati kung pangalanan
Magandang buhay ang binabati
Ng damo't kawayan

Ang paggising ng araw
mula sa Silangan
Nagbibigay pag-asa
ang matingkad niyang liwanag

At noong dati
Nang minsa'y nagmahal
mahiyain sa kaibigan
ayaw sabihin sa kaklase

Hanggang ngayon
bibig ay parang itinahi
Bakit nahalina sa pag-ibig
Kung malaya lang ang umibig
Di na sana pinili
kingjay Aug 2019
Ilang ulan pa sa langit
Ang magwiwisik sa tumana
At para tumubo ang mga ipinunla
na harana
Sa isip aawitin upang dudungawin ng sinta

Mahal na prinsesa
Nakakawili kahit ang aparisyon
Umaantala sa paglakad
Dahilan para lumingon
Kahit matisod, sapat na ang lugod

Anong saya ang mabuhay na malaya
Ngunit kung papipiliin
Kalayaan o ang prinsesa
Magmistulan man na alipin
Walang kaparis pa rin ang ligaya

Ang nakalugay na buhok
Tila malambot kung salatin
Ang ngiting nagpapaindayog sa ulap at bituin
Ang kalawakan ay makipot
Kung ikumpara sa ibinungang panghuhumaling

Sa malabnaw na mata
Ay mananalamin
Kawangki ng perlas ng Pilipinas
Sadyang matimyas ang pagkayumi
Kalikasan na lihim
kingjay Jan 2020
Sa kanyang himig ako'y nahahalina
Magkasintunog ng mga ibong malaya
Umiindayog sa puso ko't pagsinta
Misteryosong dilag, sino s'ya talaga?

Sa tuwing napapanood 'y anong ganda
Mata'y matimyas na tala sa umaga
Tanglaw sa daigdig na puno ng hiwaga
Liwanag sa bukang liwayway 't hiraya

Manipis ang labing kakulay 'y makopa
Malamyos ang tunog ng bawat salita
Halik ng anghel ang dapyo ng hininga
Halimuyak ay buhay, di nawawala

Kahit panlalaki ang gayak at porma
Na kanyang ginampanan sa prima donna
Munting lawiswis na lupaypay 't mahina
Nang lumaki'y diwata sa encantadia

Ang isip ko ay kinabig 't kinawawa
Ginapos nang mahigpit ng kanyang drama
Madalas ay namumugto ang mga mata
Kapag nasisilayan s'yang lumuluha

Huwag sana pabugso bugso't pabigla
Ang tibo niyang pangungusap at banta
Sapagkat nababagha't natutulala
Damdami'y pinamumugaran ng kaba

Sa kumpas ng mga kamay ay humahanga
Isang paraluman na ang kiyas 'y siga
Hudlum sa kanto na mahal ang pamilya
Pinakamatapang na lahing Claveria

Sa likod ng pagganap ano nga ba s'ya?
Sapantaha ko ay magalang na bata
Binibini at dalagang Filipina
May puring Perlas ng Silangan ng Asya

Lingid sa kamalayan nang napahanga
Sa kanyang angking galing bilang artista
Dagdag pa ang sayaw n'yang mala-prinsesa
Sa makabagong tinikling, siya'y reyna

Araw 'y nakahilig sa katanyagan n'ya
Harap 'y pangarap na sinasalubong pa
Hiyas s'ya sa mundo na walang kapara,
Kumikinang at nagbibigay pag-asa
kingjay Jan 2019
At dagli na hinalikan
Ang namamalirong mga labi niya'y sabik sa unang karanasan
Ang sagot ay ang ginoong unang nagpatibok sa kanya ang unang hinalikan
Ngunit huli na ang lahat
Magpapakasal na sa ibang lakan

Sapagkat ang pamilya'y pinagkasunduan
Simula pa ng pagkabata, naipakilala na ang nakatadhanang nobyo
na mag-aangkin ng kanyang puso
Hambog na binata'y sa kanya ang sasal ng kasayahan sa mundo

Gaya ng karamihan ay nanligaw din ang pasikatero
bago nakuha ang minimithi
Sadyang mailap ang pagmamahalan ng mababang uri
Ngayon iba na sa kanya ang nagmamay-ari

Nang nagkaisang dibdib na'y nawalan ng pag-asa
Kahit masilip sa tuwi-tuwina
at maibulong ang pintuho sa reyna
Bukang-liwayway sa akalang nag-uumaga
Takipsilim palang naduhagi sa bawat araw at sa susunod pa

Ang hinihingi'y ay ang pag-amin
Sa kanya na ang desisyon
Mag-iiba sana ang kapalaran
sapagkat matimyas ang kanyang pag-irog
Kayang iwanan ang karangyaan kapalit ng pag-ibig
kingjay Dec 2019
Kay sarap ng buhay
Sa matimyas na bukang-liwayway
May gintong kumikinang
Kasabay ng liwanag ng araw

Kay gaan bumangon
Aligaga sa sandali
Na makita ang natatanging
Mata niya't mga labi

Ang lunggati sa mga alapaap
Panganorin ay maabot
Nang sunggaban ang mga bituin
Para sa tulad niya - siya ang hiling

Bago pa ang dapit-hapon
Ang takipsilim na inaabangan
May pinapangarap na sa kinabukasan
At panaginip na mapapanaginipan

Sa pagpikit ng mata
Ay nakahilata sa paraiso
Itinuturing katotohanan
Ang panaginip
Ang tanghaling hiraya ay pangyayaring hihintin

Hinga ng anghel
Ang dapyo ng hangin
Luha ng kaligayahan
Sa pagpupunyagi sa karalitaan

Walang tumitagatig
Sa gitna ng kawalan
Noong ako'y umiibig
Ang ngiti ay walang-hanggan

— The End —