Nakatawid na ang gabi sa umaga,
Umuusad ang magdamag ng digma.
Tahimik ang silahis na nakikiramdam
Sa paghulagpos ng salimbayan
Ng mga kulay na nagluwal ng dilim.
Hudyat ang kindat ng kislap ng talim,
Pagtitilad-tilarin sa pakikipagtalad
Naglalagablab naming mga balak.
Talampaka'y mangangahas sumampa,
Sa binakuran **** pagsasamantala.
Kabisado ng mga bisig kahit pa nakapikit,
Imbay ng sandata naming karit.
Matipid sa kilos, mabilis ang hagip
Dinambong sa aming libong ektaryang langit,
Babawiin, handa sa anumang kapalit,
Karapatan, aming muli’t muling igigiit.