Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Joyce Nov 2010
Dumaan ako sa Nagtahan
at doo'y nanahan
aking diwang gising
at minulat,
pilit binulag
ng isang dakot
na Asin.
Rumampa sa Laong Laan,
pilit inabangan
ang pagtila,
tila Luha
ang tanging pakinabang.
Tumawid sa Lacson,
nadapa --
bumangon.
Sumakay ng traysikel
sa Ocampo,
pumara sa Crisostomo;
nangapitbahay sa Maria Clara
nagpalamig sa Ibarra
hanggang Simoun,
Quintos, Dapitan.
Hindi ka matagpuan.
Tila silyang marupok
na walang pakinabang;
Tila laway na muntik
masayang
ang paglalakad ng pusong
minsan nasagasaan
noong binagtas ang kahabaan ng Dimasalang.

Umuwi sa Sampaloc,
kumuha ng gamit.
Palihim na naglakad
papuntang Blumentritt.
Pinagpawisan sa pagsakay
sa Recto.
Anong ginagawa ko rito
sa Quiapo?
Isang makipot na sangandaan
kailangang mairaos daanan.
Isang hakbang palayo
sa maputik na Ocampo;
minsan nang bumagyo dito.
Meron pa bang tayo?

— The End —