Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
RL Canoy May 2019
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso, 
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan, 
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian. 

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako. 

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos, 
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos, 
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa, 
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal, 
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
梅香 Jul 2018
ilang buwan na ang lumipas,
ngunit damdamin ko sayo'y di pa kumukupas.
ikaw pa rin pala talaga
ang gusto ng puso kong tanga.

kahit ano pang sukat ng sakit
na sa buhay ko ay sasapit,
ito ay aking titiisin;
kahit hindi mo pa mapansin.

alam kong hindi ko na ito mababago,
kaya ang damdamin ko nalang ay aking itatago;
kung sa iyo parin ay nahuhumaling,
tungkol diyan ay hindi na ako magsisinungaling.

kahit na ako'y iyong pinaasa
at sayo'y walang natamasa,
ㅡ kagustuhan ko sa iyo
ay kailanma'y hindi magbabago.
hindi ko madidiktahan ang puso. ikaw pa rin talaga.
Palubog na ang araw, mangungusap na naman ang gabi
Hahanapin ang unan at ang ngiti'y isasantabi
Ang bulaklak ay malalanta, ang saya'y magiging pighati
Paano mararating ang panibago kung palaging nakatali sa "dati"

Dati na ang buhay ay walang kabuluhan
Napakaraming nagawang kasalanan na hindi namalayan at nalalaman
Kasalanan na dulot ay kasamaan, kayabangan, kasinungalingan at pagsuway sa magulang na hindi magawang pagsisihan

Palaging kinukutya at sinasabing walang panibago, kung ano ka, sino ka, magsisiwala't ng buo **** pagkatao
Itinanim na ng mundo ang kasinungalingang ito, na hindi ma mababago pa ang "ikaw" na iyong binuo

Sinundan ka ng anino ng nakaraan
Pilit pinapa-alala ang sugat na dati pang iniiyakan
Tila patuloy pa ring nakagapos sa kadiliman
Paulit-ulit na lang na sugatan at luhaan

Hanggang sa nakakulong na sa rehas ng pag-iisa
Iniwan, sinaktan, hinahanap ang tunay na pag-ibig at pag-asa
'Saan ko matatagpuan? Kailan magtatapos ang sigwa?
Madilim...pero magwawakas na

Dahil nang nakilala kita ng lubusan, ang aking dati mga kasalanan ay buong puso kong pinagsisihan
Ang puso at kalooban ay gumaan kung saan ang dating ako na makasalanan ay hindi na babalik kailanman
Ang dating buhay na puno ng kasalanan ay napalitan ng kalinisan, kapayapaan at kaligtasan

Nagpapasalamat ako sa pag gabay mo na kung minsan sa bawat problema na aking naranasan hinding-hindi mo ako iniwan
Nagpapasalamat ako sa pag gabay mo na kung minsan sa aking buhay ay nawalan ng gana, ganang mabuhay pa ngunit nandiyan ka na nagsabi sa'kin na "Bumangon ka sa iyong pagkadapa."

Ikaw ang nagbigay sa'kin ng napakalaking PAG-ASA
Pag-asa na mas malaki pa kesa sa mga naranasan kong pagsubok at problema
Ikaw ang gabay sa oras ng problema na kasing laki ng barko, ngunit nandiyan ang solusyon mo sagot sa problema na kasing laki ng karagatan na natatanggap ko

Ginabayan mo ako at binago ang taong katulad ko na dati hindi nakikinig sa mga salita mo at ayaw basahin ang mga sulat mo
Ngunit noong binago mo ako, ako ay patuloy na nagpagamit sa'yo
Binuksan mo ang aking isip at puso at isinabuhay ang mga kabutihan na ibinibigay mo sa isang katulad ko
Patuloy na maging instrumento, sa pagbabahagi ng mga salita mo

Kaya kapatid kung ramdam mo na buhat mo ang mundo at dala-dala ang bigat na meron dito
Pangako, kaya niyang buhatin yan para sa'yo

Magtiwala ka sa kanya
Siya ang mag silbing lakas at pag-asa
Siya ang magiging dahilan sa iyong muling pagbangon pag-ahon sa nadamo **** pagkadapa
At tila akala mo imposible ka nang mabuo pa

'Wag kang matakot dahil heto Siya
Handa siyang pulutin ang bawat piraso ng puso **** basag at handang buohin ang puso **** wasak mula sa pagkabagsak

Kung nararamdaman mo na nasasaktan ka sa dinadanas mo dito sa mundo
'Wag kang mangamba dahil yang puso **** puno ng sakit, pasakit at hinanakit ay handa niyang hilumin at akuin para sa'yo

Dahil mas masakit pa ang naramdaman niya kesa sa dinanas mo
Mas masakit pa nang suotin niya ang koronang tinik na walang halong pag-sisisi,
Na buhatin ang krus ng kalbaryo sa ilalim ng tindi ng init at pagpako sa krus, para sa'yo lahat ginawa niya maging pag-ako ng kasalanan na ginagawa mo

Lahat ginawa niya tiniis lahat ng sakit ng walang hinihinging kapalit
Kaya kapatid, lahat ng problema at pagsubok na mayroon dito sa mundo asahan mo di siya mawawala sa tabi mo

Kaya kung hindi ka man tinanggap ng mundo dahil sa iyong nakaraan,
May AMA ka na naghihintay sa'yo at hindi ka babalewalain lang

Kaya AMA sa pag gabay mo sa isang katulad ko
Natagpuan ko ang pagmamahal na walang dulo
Maraming salamat Sa'yo.
Bryant Arinos Sep 2017
Nagsimulang mangarap ang karamihan
Ngunit bigo ang iilan
marami ang naghangad ng pagpapala
ngunit ang iba ay halos walang napala

ang sabi "Ilabas mo ang nararamdaman mo!"
pero ang pagkakaintdi nila "Sige lang tago mo!"
natakpan ng pagkatakot ang tainga ng bawat Pilipino
binulag ng maling galaw ang lahat ng papanaw ng tao.

Ika ni Gat Jose Rizal, "mahalin ang sariling wika"
ngunit panay ibang lenguwahe ang gusto ng iba.
Simpleng paalala, nais ng karamihan ang pagkakaisa
pero sa sariling pagtangkilik ng atin, ayaw rin ng iba.

"Lipstick na pula", "Damit na may hati sa gitna"
"kantang di maintindihan ng bata", at mas masakit sa pandinig
ang tanong na ngayon ng mga bata, "Ano po ang ABAKADA?"
at ang nakakainis, ang pinagtanungan hilig rin ang wikang banyaga.

Pader ng pagiging malaya? Oo, may kalayaan ang bawat isa kung ano ang pipiliin nila, pero tandaan na sa bawat kilos at galaw,
mayroon itong kapalit pagdating ng araw.

Pader ng pagiging malaya? Oo, may nais ang lahat, may pangarap ang lahat pero isaisip di lamang sariling kagustuhan,
Maaaring makuha ang tagumpay pero maaari ring mayroong ibang taong madamay.

Pilipino ka, panindigan mo ang nais ng lahat ng kapwa mo.
di mo piniling maging Pilipino, pero ito ang biyayang binigay sayo
kung ang isda nahuhuli sa bungaga
ang bawat tao nahuhuli naman sa bawat salita.

Pader ng pagiging malaya, ilista mo rito lahat ng gusto mo, lahat ng ninanais mo, at lahat ng pangarap mo.
Pader ng pagiging malaya, di man ito ang huhusga ng kung anong pagkatao mo pero makakatulong to.

Pader ng pagiging malaya, sabihin mo lahat ng nilalaman ng puso mo
Pader ng pagiging malaya, ilantad mo dito ang ginagawa mo
Pangako bilang pilipino mababago dito ang pananaw mo.
at Pangako bilang Pilipino, ingatan mo rin lahat ng malalaman mo.

Pader ng pagiging malaya.

FreedomWall ika-nga.
Hayaan **** itong Pader ng pagiging malaya ang maging sandigan mo at gabay patungong pagkakaisa.
ESP Nov 2014
'Di ako titigil sa'yo
Pero 'di ibig sabihin
ipagpupumilit ko
Mahal kita

Kaibigan lang ang turing mo
Eh ano?
Hindi ako titigil sa'yo
Mahal kita

Maraming pwedeng mangyari
Nag-aantay lang ako
Hanggang sa mabago ang
mahal kita

Sabi mo walang mababago
'Yun din ang sinabi ko
Pero maraming nagbago
Ikinalungkot ko

Mahal kita, sabi ko
Tinanggap mo ng buong buo
Pero nalulungkot ka na gan'un
Ako rin, nalulungkot

Ipagpapatuloy ko 'to
Sabi ko naman sa'yo
Masaya ako sa desisyon ko
Mahal kita
042816

Puputok ang bulkan
Poot, pangamba at pag-aalinlangan.

Bubuhos ang tubig sa talon
Saya, sabik at takot.

Guguho ang lupa
Paniniguro, pagkapit at pananampalataya.

Iihip ang hangin
Bagsik, pagsubok at paghihingalo.

Sisikat ang araw
Pag-usbong, paniniwala at katanungan.

Hahawi ang ulap
Kinabukasan, katarungan at katiwasayan.

Iba't ibang anyo
Pabagu-bago, pero yun sila
*Hindi na natin mababago pa.
Louie Clamor Mar 2016
Nang makilala kita tila nagbago,
Nagbago ang mundo ng pagkabigo.
Isang rosas na puno ng ganda
Ang halimuyak ng bulaklak
Nang lapitan ka'y, dibdib kumaba

Mahal ba kita?

Isang tanong na bumagabag sakin isipan
Isang tanong na hudyat ng hindi kasiguraduhan
Gayunpaman, ika'y ikinilala
Tumagal ang panahon
Ako'y sigurado na.

Mahal na kita.

Isang pangungusap
na kumakausap at nakikiusap
at humihingi ng isa pang pangungusap
Na tila isang salita lamang
ang kailangan palitan.

Mahal din kita.

Nakakatuwa na sa isang salita
ay mababago na ang tunay
at kung ano ang pakay
Ika'y lumapit, yumakap
Nagsalita ang iyong bibig,

"Mahal sana kita."

Tanggap ko at maghihintay ako
Tawagin mo man akong martir
Pero mahal, hanggang sa huling dako
Wag sana mahuli at mahuli ng ibang tao
Hanggang sa aking huling paghinga

Mahal parin kita.
Jamjam Feb 2018
Ito nga pala ay para, o tungkol, tungkol sa
babaeng aking ninanais, nakita kita sa hindi inaasahang oras at pagkakataon.
Kung alam mo lang, ang pagtalon nang aking puso sa tuwing nag sasalubong ang ating mga diwa

Hindi ko lubos maisip na hahantong sa ganito. Lumalim ng lumalim ang inaakalang simpleng pagtingin ko para sayo.

Oo ikaw!

Ikaw, ikaw nga pala yung babaeng aking ninanais.
Ikaw, ikaw nga pala yung babaeng nag bibigay kabog sa aking dibdib.
Ikaw, ikaw yung babaeng pinapangarap kong makamit.
Ikaw, ikaw yung babaeng simple lang pero anlakas ng dating.

At ako, ako nga pala yung taong sumusulyap sayo ng palihim.
Ako, ako nga pala yung taong hindi magkanda ugaga sa tuwing ikaw ay paparating o dadaan sa aking harapan.
Ako, ako nga pala yung taong handang gawin ang lahat mapasaya ka lang.

Kung alam mo lang kung gaano kita hinahangad tuwing nakikita kita.
Pero bakit nga ba ganoon? Hindi ko magawang umamin? Siguro'y dahil sa pautal utal na pananalita ang dahilan o sadyang wala akong lakas ng loob na sabihin sayo ang aking nararamdaman.

Ako'y simpleng tao lang,
Hindi makisig gaya nang ninanais ng nakararami, pero pangako lahat gagawin ko mapasaya ka lang.
Mukang hindi ako yung tipo ng lalake na maaari **** gustuhin

Ako yung taong tahimik lang sa isang tabi
Ako yung tipo ng tao na hindi pang angas sa tropa, pero pangako, araw araw ipagmamayabang kita.

Subalit bakit ganito ang tadhana, ika'y nakakulong sa isang sitwasyon.
Sitwasyon na akin ding hinihiling, siguro nga ay hindi ko ginusto na magkagusto sayo kase alam kong masasaktan lang ako.

Sana ako na lang. Inisip ko na sana ako na lang sya na sayo'y nagpapaligaya
Sana ako na lang sya, na mahal mo ng sobra
Sana ako yung taong lagi **** kausap,
Sana ako yung nagbibigay ng ngiti sa tuwing malungkot ka.

Ikaw yung babaeng nagbibigay ngiti at kalungkutan sa akin. Dahil sa tuwing naiisip kita, pumapasok den sa isip ko na ikaw at ako ay malabong maging tayo.

Dapat bang tanggapin na lang ang katotohanang hindi na mababago? na hindi talaga pwede maging tayo?
Hanggang dito na lang ba talaga ako? na nangagarap na maging tayo?
Siguro ngay maihahalimtulad ka sa ulap sa langit
Kase abot tanaw ka nga, ngunit mahirap ka naman makamit.

Siguro nga'y masakit masampal ng babae no?, pero mas masakit parin siguro na masampal ng katotohanang hindi talaga pwede na maging tayo. Sakit diba?

Namaos ang puso ko kasisigaw sa pangalan mo.
Namaos ang puso ko kalilimos ng barya ng pag ibig mo.
Napagod ako kasisigaw. Pero walang magbabago, lilipas paren ang gabi na walang nangyayare.

Kase kahit na ano pang gawin ko, ikaw at ako ay malabong maging tayo.
Ano bang dapat kong gawin? Para magkaroon ng ikaw at ako na bubuo sa salitang tayo.

May mga bagay talaga sa mundo na kahit hindi mo man makuha, makita mo lang masaya ka na..
Pusang Tahimik Jan 2023
Sa pagtatapos ng isang kabanata
Malungkot na isasara ang huling pahina
Mag-iisip sa sandaling pagpapahinga
At magbubukas ng panibagong pahina

Hindi na mababago pa ang mga mali
Sa mga nagdaang pahinang naitahi
Ngunit sa bawat aral na sukli
Isusulat ang bagay na nagwagi

Minimithi'y maisulat ko nawa
Sa panibaong aklat na ginagawa
Sa aklat na mayroong pahina
Tatlong daan at animnapu't lima

Ngunit hindi ako ang nagtatakda ng aking daliri
May mga bagay na di alinsunod sa aking wari
Ngunit pakiusap hangga't maari
Ang iyong layunin nasa Langit ang maghari
-JGA
wizmorrison Oct 2018
Ngayon ikaw ay masaya
Dahil sa muli **** naipunyagi
ang madalas mo ng ginagawa.
Kailangan ko pa bang i-klaro
para sa'yo? Sige, sige para 'di ka
na malito.

Nais **** ika'y matuto, ngunit tamad ka.
Kaya naman ang mga pagkukulang mo'y sa **** mo
ipinasa.
Ngayo'y ikaw ang nagmumukhang malaking tanga.

Maari naman sigurong gawin mo 'yong bagay na
makakapagsalba sa'yo.
Pero utak-ipis ka kaya ikaw ay nagpabibo.

Akala mo sa ginawa **** yan
mababago mo ang ihip ng hangin at ika'y magiging pasado?
Sorry ka nalang dahil magigipit ka pa lalo.

Ang ating mga ****'y hindi perpekto.
Kagaya **** may kahinaan na likas na sa tao.
Kung may pagkukulang man siya dapat mo itong punan,
Dahil sa paaralan, istudyante at ****'y nagtutulungan.

Ngunit 'di nga maipagkakailang 'di mo 'yon alam.
Tiwalang tiwala ka sa sarili **** kakayahan.

Sana nga magtagumpay ka,
Mag-ingat ka, halatadong wala ka ng natitirang baraha.
Dahil ang huling alas na babagsak sa harap ng mukha mo'y nasa kamay na ng KARMA.
Ito na guys ang aking TULA NG KARMA. HAHA Enjoy reading.
Raiza Mae Togado Jun 2016
Sa aking pinakaunang alaala ako’y

                 nalulunod

                        sumasabay sa pwersa ng agos

       tumatama sa mga hitang walang nakakaramdam sa pangyayari sa ilalim

     tanging nakikita ko lamang ay ang bughaw na katubigan

             at mga bulang pilit kumakawala sa aking bibig.

Tanggap ko na naman

       kung yaon na lamang ang itatagal ng aking munting buhay

                     handa na ako sa aking kasasapitan,

                 nang may mga malaking kamay na inahon akong walang hirap

             patungo sa liwanag na inakalang hindi ko na ulit masisilayan.



Labing siyam na taon na ang lumipas

       biglang tumimo sa utak ang pangyayaring nagpalapit sa kamatayan

                  paano na lang

                           kung yaon ba’y natuloy

                       mababago ba ang buhay nang mga taong

                             nakasalamuha ng mga sumunod na mga panahon?

               Sapagkat isa lamang akong basura

                   na parang muling binalik

                     nang mawaring may pag-asa pa

                        upang muling gamitin

                               at muling maging patapon

                    sa mga matang mapanlait

                              dito sa mapanlinlang

                                   na mundong

                                   patuloy

                                   na umiikot

                                         para

                                                  ipamukha





                                                                       sa akin





                                                               na isa akong







                                                      pinaka





                                          walang







                   kwentang







                                                tao.
Originally posted on my tumblr account - http://undezairable.tumblr.com/
inggo Sep 2015
Ang traffic na ito ay hatid sa inyo
Ng mga walang kwentang T-M-O
Mga driver na barako
Mga motorsiklong biglang sisingit sa tabi mo

Oh kala mo nakalusot ka
Ikaw na hindi sumusunod sa batas ng kalsada
Tumatawid kahit berde pa ang ilaw
Gusto mo pa ata na maagang pumanaw

Kayong mga nagbebenta sa tabi ng bangketa
Naiintindihan namin na gusto nyo lamang kumita
Pero sana maintindihan nyo din na nakakasagabal talaga
Ang mga pwesto nyo halos sakop na ang daanan at eskinita

Ganito na lang ba?
May mababago pa kaya?
Subukan nating umpisahan
Sarali natin ay bigyan ng kaayusan
Pusang Tahimik May 2020
Mabilis na bumabaha ang pagpatak ng bawat sandali
Bagamat bumubuhos ang takot at panghihina sa sugatang katawan
Pilit kong iniangat ang aking kanang kamay
Hawak ang kapirasong tangkay ng kahoy
Itinutok ko iyon sa bagay na nasa aking harapan
Magkahalo at magulo ang emosyong nagtatalo sa aking isip
Hindi ko maunawaan kung ito ay galit, takot, pagsisisi, panghihinayang o pagkasuklam.
Ngunit isa lamang ang nabuong hinahangad ko
Ang dalhin sa aking kamatayan ang bagay na ito!

Ngunit bumasag sa akin ang masakit na realidad
Ako'y mahinang nilalang at walang silbi!
At kahit punuin ko ang mundo ng aking luha
Hindi mababago ang katotohanang iyon!

Napakasakit at nainit na mahapding tumatagos sa aking puso
Ang katotohanang may kasabay na pangungutya at panlalait!
"Hanggang sa huli talunan pa rin ako...
Hanggang sa sarili kong panaginip napakahina ko pa rin"

Kasabay ng pag patak ng sandaling nawawala ang kamalayan
Bumukas ang itim na pintong lumitaw sa kawalan
Isang kabayong itim na may sakay na may dalang karit ang lumabas
Ako'y sinusundo na pala ni kamatayan

Ang liwanag sa aking paningin ay unti-unti nang napapaparam
At ang mga ala-alay bumabalik na tila namamaalam
Ang tanging hinihiling ay sana'y maka balik pa sa mundong ito.
Kung papalaring magising sa aking mundo bago ako pumarito.

Kwentong Panaginip - Umpisa ng Huli(Intro)

JGA
Story. Kwentong katha.
wildepick Oct 2018
parang ref sa bahay n'yo
parang lego ng kapatid mo
parang pustiso ng lola mo sa baso

permanente

hindi pwede galawin sa lugar
baka bulyawan ni nanay
o magtantrums si junie boy
at atakihin pa ang lola mo

mga bagay na permanente
hindi pwede galawin

parang tattoo ng tito **** adik
parang tsokolate sa puting damit
parang kilay ng teacher **** masungit

permanente
hindi pwede galawin

parang ikaw sa puso ko
parang imahe mo sa utak ko
parang... parang...
parang bawat permanente sa mundo na hindi mo na mababago
parang ako para sayo
at ikaw na hindi para sa akin

permanente
Krysel Anson Sep 2018
Salitang Ingles na ginagamit para sa mamamayang nagbibigay-ingat
at nagbabantay sa mga tumatawid na mga manlalakbay
sa pagitan ng mga mundo.

Habang niyayanig ng mga kontradiksyon, panatiliin
ang sarili, tapusin ang mga paglalakbay ng walang patid,
Hindi dahil walang patlang, kung hindi dahil kabahagi ng pagsuong
maski dilim, patlang, at kawalan.

Patuloy na tumuklas at buuin ang sariling praktika,
hanggang tuluyang matutunan
kung paano tahimik itong pakawalan ng walang pag-iimbot o pagtanggi
sa Lawa na nagbabaga sa pagal ng mga kaluluwang
hindi na makalapag at makapagugat sa ilalim ng lupa,
ngunit hindi rin makauwi sa pinangakong lupa, langit at tubig
na ngayon ay isang lotto ticket, SDO, at mga gawa-gawang karapatan.
Ayon din sa matatanda, hindi ito mababago, at nabubuhay tayo para makidigma at patuloy na tumaya.#
English translation to follow.

— The End —