Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
dannyjoe May 2019
Pagbasa at Pagsulat

Bata pa lamang ay lubos ng namulat.
Ako’y walang ibang kakayahan bukod sa pagbasa at pagsulat,
Ang aking marka sa agham at sipnayan ay maalat pa sa dagat,
Ang guhit ko naman ay tila panggatong na kalat.

Di ko naman ninais na ito lang ang kayang gawin.
Madami din akong kakayahan na nais maangkin,
Ngunit sa ibang bagay ay hindi naman nakikitaan ng galing.
Sa sarili nagtataka na rin, bakit ba pagbasa at pagsulat lang ang kayang gawin?

Naisip ko na maging mang-aawit, tinig ko naman ay pilit minsan ay pipit.
Naisip ko na maging pulitiko, ngunit ayokong mabansagang mangungupit.
Naisip kong maging ****. kaya kong magturo ngunit, ako ay masungit.
Naisip kong maging arkitekto ngunit, guhit ko naman ay walang kasing pangit.

Sa kakulangan ko ng kakayahan sa madaming bagay, ay sa sarili ay nagtataka na.
Siguro ako ay may isang malaking sumpa.
Sumpa na sa akin ay nagbibigay ng makalangit na biyaya.
Sapagkat sa pagbasa at pagsulat lamang ako lubos na lumiligaya.
JOJO C PINCA Nov 2017
“I am not a teacher, but an awakener.”
― Robert Frost

May mga walang alam na nagpapanggap na may alam. Mga nagmamarunong na akala mo ay mga pantas pero ang totoo ay masahol pa sa tunay na mga mangmang. May mga nagsusulat pero hindi marunong magmulat, kahit bulatlatin mo ang kanilang mga aklat na hindi magluluwat wala kang mapupulot, wala itong alamat kundi puro lamat. Ganito sila ‘pag iyong sinalat walang k’wentang bumanat.

Ang mga panaginip ng isang paslit ay laging naghahanap ng katuparan tulad ito sa isang malawak na paliparan na ang mga tapakan ay tila walang hangganan. Ang banggaan ng mga saranggola guryon man o boka-boka ay sumasagisag sa sigla ng kamusmusan. Walang bobo, walang tanga at walang mahina ang totoo para-paraan lang para matuto ‘yan ang hindi alam ng mga ungas na nagtuturo.

Natatandaan ko madalas na pinapatayo ako sa harap ng pisara kasi maingay daw ako at malikot. Madalas din akong mapalo kasi mahina ang ulo ko pagdating sa Matematika. Bakit ano’ng kadakilaan ba ang meron sa pananahimik at kelan pa naging pang-aliw sa puso at kaluluwa ang mga numero? Walang lumiligaya sa pagmememorya at hindi nakaka-ulol ang pagiging malikot at maligaya.

**** ka ba talaga? Parang hindi naman, mas mukha kang tinderang tuliro na abala lagi sa pagbebenta ng yema, kendi at kung ano-anong sitsiriya. **** pangalawang magulang? Kaya pala mas mabagsik kapa sa tatay kong maton at mas masungit kapa sa nanay ko. Nagtuturo ka ba’ng talaga? Hindi naman, mas mahaba pa nga ang oras mo sa pakikipaghuntahan.

Ang **** ay hindi lamang dapat na nagtuturo s’ya ay tagapagmulat din. Isang John Keating (teacher sa pelikulang Dead Poet Society) ang kailangan ng mga bata sa mundo. Nagmumulat hindi nagmamalupit, hindi kailangan na manghagupit at walang dapat na ipilit. Ang eskwelahan ay hindi pugad ng mga pipit. Matalino, magaling at matalas mag-isip ayos lang yan. Subalit punong-puno na ang mundo ng mga matatalinong walang pakinabang.

Ang umibig at maging tunay na kapakipakinabang sa mundo at sa kapwa tao, ito ang dakilang aral na dapat na ipangaral. Walang silbi ang mga pagpapagal sa loob ng paaralan kung ang natutuhan mo lang ay kung paano kumita ng limpak-limpak na salapi. Kung ang alam mo lang sabihin ay Yes Sir at Yes Ma’am walang silbi ang iyong pinag-aralan. Nakakalat na sa lupa ang mga pipi na hindi marunong magsalita at magpahayag nang kanilang tunay na saloobin. **** na nagtuturo maliban sa hintuturo at nguso sana gamitin mo rin ang iyong puso.
Sarah Eustaquio Feb 2017
Hay, ulap.
Hindi ko maintindihan kung bakit karamihan sa atin ay mahilig sa ulap. Tititigan. Kukuhanan ng larawan. Tititigang muli.
Ngunit saan nga ba tayo humuhugot ng lakas? Lakas na pagmasdan ang bawat sandali. Ang bawat sandaling nagsasabi na hindi mo ‘to kayang abutin.
Abot tanaw ngunit kahit kailan hindi mo siya magagawang hawakan. Abot tanaw ngunit kahit kailan hindi mo siya magagawang lapitan. Abot tanaw ngunit wala kang ibang magagawa kundi ito’y tititgan. Abot tanaw ngunit kahit kailan sa pagitan ninyong dalawa, walang mabubuong pagmamahalan.
Masyado mo siyang minahal, kaya ngayon ika’y nasasaktan. Inuna mo kasi ‘yung puso mo kaysa sa iyong isipan. Ano? Wala kang magawa ngayon dahil taga-tanaw lang ang tanging papel mo sa buhay niya. Walang kang magawa ngayon dahil kahit anong pagmamahal ang ibigay mo, hindi niya mapapansin dahil napakalayo ng agwat niyong dalawa.
Natutuwa ka lang sa tuwing lumiligaya siya at wala kang ibang magawa kundi ang malungkot sa tuwing lumuluha siya.
Hindi ko maintindihan kung bakit karamihan sa atin ay mahilig sa ulap. Hindi ko maintindihan kung bakit kung ano o sino pa yung bagay na hindi natin kayang abutin, ayun pa yung ginugusto natin.
Hay, ulap.

— The End —