Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Feb 2019
Ang iniwan,
niloko ng liyag
kimkim ang galit sa kaibuturan
ay di madaling mapa-ibig

Ang masaya na pakisamahan
nakalulugod na kaibigan
ay di makapagsalita
sa harap ng hirang

Sa hindi natuto pang umibig
ay parang sanggol na
madaling umiyak,
kailangan akayin

Pagkat ito'y hindi maipipilit
tulad ng pag-awit ng mga pipit

Dalawampung araw na singkad
sa yaong buwan ay ang kaarawan
na di sa taong bisiesto

Kapag may dugong malabnaw at malinaw
ay karakaraka lumigwak sa bukang sugat

Oras na ipagdiwang
ng mga buo at biyak
Dalawang kasarian ay kapupunan sa bawat isa
kingjay Dec 2018
Yakapin ang suliranin ng muling pakikibaka
Bigat at layog ng bundok ay tiisin
Sa tuktok ay maghiyaw nang pagka-alwan
Sagot sa problema ay ang pangingibabaw sa bawat kapansanan

Buhawing humihigop ng munsing na pananalig
Madalian na hinihingi ang kapasiyahan
Sa pinto ng paglalayag
Isang pagsubok ang malakas na sigwa

Sa paglisan ng araw sa kalangitan
Sakripisyong di-maihahalintulad
Saksi ang mga bakaw
Tila pag-aasawa na nasa linya

Ang pagsasarili nito noong lumayo sa tahanan
Isinuko ang lahat nang bumukod
Sa pinangakuang liyag nakagapos
Bumago ang ihip ng Amihang hinahapo

Meron kasal-kasalan
Gantimpala ba ang matatanggap?
Nauuri sa hunghang na ehemplo
Sakim sa bagay na kinakaaliwan?
kingjay Dec 2018
Ang panggagaway ay sinukat na plano
Nadinig ang umanas na demonyo
Marahil di itinadhana
Patawarin sana ang kaluluwa na binahiran ng tintang itim

Nanawagan sa iba't-ibang uri ng engkanto
Sila'y maging alipin
Lumagablab ang raya
Naupod parang sigaro ang katinuan
Walang sumansala sa hangad

Lumapit na  ang liyag
Tulala habang bumalisbis ang luha
Dinukot ang puso niya't nilunok
Mamamatay kung hindi maaangkin

Ang nag-udyok ay ang nilalaman ng diwa
para tumahi ng isang hiraya
Sapagkat di maipahayag nang harap harapan
kaya ang hinanakit ang naghari sa gitna ng pagsinta

Pinalipad gaya ng saranggola
Ang guryon ay mahigpit na tinalian
Sa kalaunan, napugto ang sinulid
Nakalaya sa pagkabigkis
kingjay Jan 2019
Ilang paglalarawan pa sa takipsilim para ikintal na nakayuko nang namimighati
Bigyan sana nang malawak na karunungan
para makapagpasya sa huling hapon at hapunan

Paano isalaysay ang naganap
kung ang sinta ay laging hanap
Bihira kumain-nangangayayat
Nauutal sa una at panapos na  pantig ng pangalan ng liyag

Sa hindi inaasahan ang kamay niya'y hiningi
ng binata na kakilala't nanligaw
Ipinangalandakan ang kasikatan
Lahat ng kayamanan ng Antigo ay kuyom ng kamay

Hindi tubo sa lugar-isang dayo
Magaling sa panunuyo, sanay makipagsalamuha sa kapwa-tao
Batbat ng salapi ang anino
Mabulaklak ang dila at minsan ay palabiro

Ilang buwan pa ang inalis sa kalendaryo
at nangyari nang biglaan
Unang pagkakataon na nasilayan na nakabelo
Saan ba tutungo?

— The End —