Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Erikyle Aguilar Oct 2018
Si tatay,
siya yung tipong gagawin ang lahat,
kahit buong buhay niya ibibigay,
pupunta kahit saan, kahit kailan,
masuportahan lang ang buong pamilya.

Siya rin yung kahit na may mali ka,
pilit pa ring iintindihin ka,
grabe ‘yan kung magalit,
pero pagdating sayo, may pusong mamon.

Ang haligi ng tahanan, ang tagapagbantay,
hahanapin ka pag napapahiwalay,
walang sinumang pababayaan,
hangga’t kaya, ipaglalaban,

Kahit sobrang daming problema,
kinikimkim nalang, hndi pinapaalam,
kasi ayaw niya kayong mapahamak pa.

Kaya ‘tay, kahit marami kang ginagawa,
pinararamdam mo pa ring andiyan ka,
pero ‘tay, kamusta ka na?


Si nanay,
siya ang ilaw ng tahanan, totoo nga naman,
iingatan ka, pakakainin ka, ipagluluto ka,
minamahal ka,
hindi ka niya iiwanan, kahit gusto **** makapg-isa.

Siya yung sa simula palang,
naghihirap na, nasasaktan na, nagtitiis na,
lahat ng ginagawa niya mula sa simula ay para sa’yo,
siya yung kahit madaling araw na, gigising pa rin,
makita ka lang na natutulog nang mahimbing, sapat na,
at kahit walang tulog, pagsisilbihan ka pa rin.

Kahit galit, mahal ka niyan,
“makuha ka sa tingin”, lagi niyang sinasabi,
magbibilang pa siya, kasi mahaba ang pasensya niya sa’yo,
“isa, dalawa, dalawa’t kalahati, magtatatlo na”.

Kahit madalas siyang galit, mas umaapaw pa rin ang pagmamahal niya,
hahanapin ka hanggang makauwi ka, hindi pa ‘yan makakatulog nang wala ka,
makakailang tawag pa sa’yo,
kahit puro “asan ka na?” ang naririnig mo,
mamimiss mo, at hahanap-hanapin mo pag hindi tumawag.

Kahit may pasok, kahit may sakit, kahit pagos,
hindi siya magiging tamad, nagpapahinga lang,
kaya mahal ko ang nanay ko,
kasi siya ‘yong laging nasasandalan ko.

Walang kontrata ang pagmamahal ng mga magulang,
dahil kahit matanda na tayo, tatay pa rin si tatay, at nanay pa rin si nanay.


Si kuya,
siya yung kapatid na hindi mo maintindihan kung paano magmahal,
siya yung kapatid na grabe mangasar, mangulit, at magpahiya,
ganyan naman talaga 'yang si kuya,
ganyan niya pinapakita ang pagmamahal niya sa'yo.

Hindi man siya magsabi ng "I love you",
ipakikita naman niya ito sa pamamagitan ng
pagmamalasakit niya sa kaniyang mga kapatid,
ipapaubaya ang kahit ano,
kahit na mas kailangan niya pa.

Hanga ako kay kuya,
dahil hindi madali maging isang panganay,
lahat ng galit o sermon, sakaniya napupunta,
kahit madalas ang kapatid niya ang may kasalanan.

Walang papantay kay kuya,
kaya kuya.
andito lang ako kung hindi mo na kaya.


Si ate,
bibigyan ka ng atensyon kahit may ginagawa siyang iba,
madalas na nagbibigay ng payo,
mapagsasabihan mo ng mga lihim,
parang isang talaarawan.

Siya ang kanang kamay ni nanay,
kasama sa pamimili sa palengke, kasama sa kusina,
kasama sa pagluluto at pagkakain, kasama sa pagpupuyat.

Aasarin ka niyan, pero mahal ka niyan,
sasabihan ka niyang, "Uy, binata ka na".
o kaya, "Uy, dalaga ka na",
Maiiyak ka sa tuwa sa pang-aasar niya.

Siya ang unang yayakap sa'yo sa kalungkutan mo,
malambing, parang anghel ang boses, mainit ang yakap,
lahat ng init na kailangan mo sa malamig na gabi
ay mabibigay niya.

Parang mga bituin sa langit,
kaya si ate, mahal ko 'yan,
mahal na mahal ko 'yan.


Bunso,
siya yung pinakamakulit sa lahat,
kahit anumang suway mo,
sige, tuloy pa rin sa pagkakalat.

Siya yung nagpapasaya sa bahay,
ang kaniyang paglalaro
o presensya palang ay sapat na.

Siya yung nagmamakaawa,
makamit lang ang gusto niya.

Kahit na pagod na kayo,
tuloy pa rin ang pangungulit,
tuloy pa rin ang kaniyang pagpapatawa,
hanggang sa sumakit ang panga mo sa katatawa.

Ading,
salamat dahil andiyan ka,
salamat sa pangangamusta,
mahal ka naming lahat.
a collab work of Chester Cueto, Jose De Leon, Danver Marquez, Erikyle Aguilar, and Ericka Kalong
Leonoah Apr 2020
Alas sais y medya na ng umaga nang makauwi si Natividad mula sa bahay ng kanyang amo. Pagkababa n’ya ng maliit na bag na laman ang kanyang cellphone at wallet na merong labin-limang libo at iilang barya ay marahan siyang naglakad tungo sa kwartong tinutulugan ng kanyang tatlong anak. Hinawi niya ang berdeng kurtina at sumilip sa kanyang mga anghel.
Babae ang panganay ni Natividad, o di kaya’y Vida. Labindalawang taong gulang na ito at nasa Grade 7 na. Isa sa mga malas na naabutan ng pahirap na K-12 program. Ang gitna naman ay sampung taong gulang na lalaki at mayroong down syndrome. Special child ang tawag nila sa batang tulad nito, pero “abnormal” o “abno” naman ang ipinalayaw ng mga lasinggero sa kanila. Ang bunso naman niya, si bunsoy, ay kakatapak lamang ng Grade 1. Pitong taong gulang na ito at ito ang katangkaran sa mga babae sa klase nito. Sabi ng kapwa niya magulang ay late na raw ang edad nito para sa baiting, pero kapag mahirap ka, mas maigi na ang huli kaysa wala.
Nang makitang nahihimbing pa ang mga ito ay tahimik s’yang tumalikod at naglakad papuntang kusina. Ipagluluto niya ang mga anak ng sopas at adobong manok. May mga natira pa namang sangkap na iilang gulay, gatas, at macaroni na galing pa sa bahay ni Kapitan noong nangatulong siya sa paghahanda para sa piyesta. Bumili rin siya ng kalahating kilo na pakpak ng manok, kalahating kilo pa ulit ng atay ng manok, at limang kilo ng bigas.
Inuna niya ang pagsasaing. Umabot pa ng tatlong gatang ang natitirang bigas nila sa pulang timba ng biskwit kaya ‘yun na lang ang ginamit niya. Pagkatapos ay agad niya rin itong pinalitan ng bagong biling bigas.
De-uling pa ang kalan ni Vida kaya inabot siya ng limang minuto bago nakapagpaapoy. Siniguro niyang malakas ang apoy para madaling masaing. Kakaunti na lang kasi ang oras na natitira.
Habang hinihintay na maluto ang kanin ay dumiretso na sa paghahanda ng mga sangkap si Vida. Siniguro niyang tahimik ang bawat kilos para maiwasang magising ang mga anak. Mas mapapatagal lamang kasi kung sasabay pa ang mga ito sa kanyang pagluluto.
Habang hinahati at pinaparami ang manok ay patingin-tingin s’ya sa labas. Inaabangan ang inaasahan niyang mga bisita.
Mukang magtatagal pa sila ah. Ano na kayang balita? Dito lamang naikot ang isip ni Vida sa tuwing nakikitang medyo normal pa sa labas.
May mga potpot na nagbebenta na pan de sal at monay, mga nanay na labas-masok ng kani-kanilang mga bahay dahil tulad niya ay naghahanda rin ng pagkain, at mga lalaking kauuwi lamang sa trabaho o siguro kaya’y galing sa inuman.
Tulog pa ata ang karamihan ng mga bata. Mabuti naman, walang maingay. Hindi magigising ang tatlo.
Binalikan niya ang sinaing at tiningnan kung pupwede na bang hanguin.
Okay na ito. Dapat ako magmadali talaga.
Dali-dali niyang isinalang ang kaserolang may laman na pinira-pirasong manok.
Habang hinihintay na maluto ang manok ay paunti-unti rin siyang naglilinis. Tahimik pa rin ang bawat kilos. Lampas kalahating oras na siyang nakakauwi at ano mang oras ay baka magising ang mga anak niya o di kaya’y dumating ang mga hinihintay n’ya.
Winalis niya ang buong bahay. Maliit lang naman iyon kaya mabilis lamang siyang natapos. Pagkatapos ay marahan siyang naglakad papasok sa maliit nilang tulugan, kinuha ang lumang backpack ng kanyang panganay at sinilid doon ang ilang damit. Tatlong blouse, dalawang mahabang pambaba at isang short. Dinamihan niya ang panloob dahil alanganin na kakaunti lamang ang dala.
Pagkatapos niyang mag-empake ay itinago niya muna backpack sa ilalim ng lababo. Hinango niya na rin ang manok at agad na pinalitan ng palayok na pamana pa sa kanya. Dahil hinanda niya na kanina sa labas ang lahat ng kakailanganin ay dahan dahan niyang sinara ang pinto para hindi marinig mula sa loob ang ingay ng paggigisa.
Bawat kilos niya ay mabilis, halata **** naghahabol ng oras. Kailangang makatapos agad siya para may makain ang tatlo sa paggising nila.
Nang makatapos sa sopas ay agad niya itong ipinasok at ipinatong sa lamesa. Sinigurong nakalapat ang takip para mainit-init pa sakaling tanghaliin ng gising ang mga anak.
Dali-daling hinugasan ang ginamit na kaserola sa paglalaga at agad ulit itong isinalang sa apoy. Atay ng manok ang binili niya para siguradong mas mabilis maluluto. Magandang ipang-ulam ang adobo dahil ma-sarsa, pwede ring ulit-ulitin ang pag-iinit hanggang maubos.
Habang hinihintay na lumambot na ang mga patatas, nakarinig siya ng mga yabag mula sa likuran.
Nandito na sila. Hindi pa tapos ‘tong adobo.
“Vida.” Narinig niyang tawag sa kanya ng pamilyar na boses ng lalaki. Malapit niyang kaibigan si Tobias. Tata Tobi kung tawagin ng mga anak niya. Madalas niya ditong ihabilin ang tatlo kapag kailangan niyang mag-overnight sa bahay ng amo.
“Tobi. Andito na pala kayo,” nginitian niya pa ang dalawang kasama nitong nasa likuran. Tahimik lang ang mga itong nagmamasid sa kanya.
“Hindi pa tapos ang adobo ko eh. Ilalahok ko pa lang ang atay. Pwedeng upo muna kayo doon sa loob? Saglit na lang naman ‘to.”
Mukhang nag-aalangan pa ang dalawa pero tahimik itong kinausap ni Tobi. Maya-maya ay parang pumayag na rin ito at tahimik na naglakad papasok. Narinig niya pang sinabihan ni Tobi ang mga ito na dahan-dahan lamang dahil natutulog ang mga anak niya. Napangiti na lamang siya rito.
Pagkalahok ng atay at tinakpan niya ang kaserola. Tahimik siyang naglakad papasok habang nararamdaman ang pagmamasid sa kanya. Tumungo siya sa lababo at kinuha ang backpack.
Lumapit siya sa mga panauhin at tahimik na dinaluhan ang mga ito tapos ay sabay-sabay nilang pinanood ang usok galing sa adobong atay.
“M-ma’am.” Rinig niyang tawag sa kanya ng kasama ni Tobias. Corazon ang nakaburdang apelyido sa plantsadong uniporme. Mukhang bata pa ito at baguhan.
“Naku, ser. ‘Wag na po ganoon ang itawag niyo sa akin. Alam niyo naman na kung sino ako.” Maraan niyang sabi dito, nahihiya.
“Vida. Pwede ka namang tumanggi.” Si Tobias talaga.
“Tobi naman. Parang hindi ka pamilyar. Tabingi ang tatsulok, Tobias. Alam mo iyan.” Iniiwasan niyang salubungin ang mga mata ni Tobias. Nararamdaman niya kasi ang paninitig nito. Tumatagos. Damang-dama niya sa bawat himaymay ng katawan niya at baka saglit lamang na pagtingin dito ay umiyak na siya.
Kanina niya pa nilulunok ang umaalsang hagulhol dail ayaw niyang magising ang mga anak.
“Vida…” marahang tawag sa kanya ng isa pang kasama ni Tobi. Mukhang mas matanda ito sa Corazon pero halatang mas matanda pa rin ang kaibigan niya.
“Ano ba talaga ang nangyari?”
“Ser…Abit,” mabagal niyang basa sa apelyido nito.
“Ngayon lang po ako nanindigan para sa sarili ko.” garalgal ang boses niya. Nararamdaman niya na ang umaahon na luha.
“Isang beses ko lang po naramdaman na tao ako, ser. At ngayon po iyon. Nakakapangsisi na sa ganitong paraan ko lang nabawi ang pagkatao ko, pero ang mahalaga po ay ang mga anak ko. Mahalaga po sila sa’kin, ser.” mahina lamang ang pagkakasabi niya, sapat na para magkarinigan silang apat.
“Kung mahalaga sila, bakit mo ginawa ‘yon? Vida, bakit ka pumatay?”
Sasagot n asana siya ng marinig niyang kumaluskos ang banig mula sa kuwarto. Lumabas doon ang panganay niyang pupungas-pungas pa. dagli niya itong pinalapit at pinaupo sa kinauupuan niya. Lumuhod siya sa harap nito para magpantay sila.
“Anak. Good morning. Kamusta ang tulog mo?”
“Good morning din, nay. Sino po sila? ‘Ta Tobi?”
“Kaibigan sila ni ‘Ta Tobias, be. Hinihintay nila ako kasi may pupuntahan kami eh.” marahan niyang paliwanag, tinatantya ang bawat salita dahil bagong gising lamang ang anak.
“Saan, nay? May handaan po uli sina ser?” tukoy nito sa mga dati niyang amo.
“Basta ‘nak. Kunin mo muna yung bag ko doon sa lamesa, dali. Kunin ko yung ulam natin mamaya. Masarap yun, be.”
Agad naman itong sumunod habang kinukuha niya na rin ang bagong luto na adobo. Pagkapatong sa lamesa ng ulam ay nilapitan niya ulit ang anak na tinitingnan-tingnan ang tahimik na mga  kasama ni Tobias.
“Be…” tawag niya rito.
Pagkalingon nito sa kanya ay hinawakan niya ang mga kamay nito. Nagsisikip na ang lalamunan niya. Nag-iinit na rin ang mga mata niya at nahihirapan na sa pagbuga ng hangin.
“Be, wala na sina ser. Wala na sila, hindi na nila tayo magugulo.” ngiti niya rito. Namilog naman ang mga mata nito. Halata **** natuwa sa narinig.
“Tahimik na tayo, nay? Hindi na nila kakalampagin ang pinto natin sa gabi?”
“Hindi na siguro, anak. Makakatulog na kayo ng dire-diretso, pangako.” Sinapo niya ang mukha nito tapos ay matunog na hinalikan sa pisngi at noo. ‘Eto na ang matagal niyang pinapangarap na buhay para sa mga anak. Tahimik. Simple. Walang gulo.
“Kaso, ‘nak, kailangan kong sumama sa kanila.” Turo niya kayna Tobias. Nanonood lamang ito sa kanila. Hawak na rin ni Tobi ang backpack niya.
“May ginawa kasi si nanay, be. Para diretso na ang tulog natin at para di na tayo guluhin nina ser. Pramis ko naman sa’yo be, magsasama ulit tayo. Pangako. Bilangin mo ang tulog na hindi tayo magkakasama. Tapos pagbalik ko, hihigitan ko pa ‘yon ng maraming maraming tulog na magkakasama na tayo.”
“Nay…” nagtataka na ang itsura ng anak niya. Namumula na kasi ang mukha niya panigurado. Kakapigil na humagulhol dahil ayaw niyang magising ang dalawa pang anak.
“Anak parang ano lang ito…abroad. Diba may kaklase kang nasa abroad ang nanay? Doon din ako, be.”
Bigla ay nagtubig ang mga mata ng panganay niya. Malalaking butil ng tubig. Hindi niya alam kung naniniwala pa ba ito sa mga sinasabi niya, o kung naiintindihan na nito ang mga nangyayari.
“Itong bag ko, andiyan yung wallet at telepono ko. Diba matagal mo nang gusto magkaroon ng ganon, be? Iyo na ‘yan, basta dapat iingatan mo ha. Yung pera be, kay Tata Tobias mo ihahabilin. Habang nagtatrabaho ako, kay ‘Ta Tobi muna kayo.”
“Nay, hindi ka naman magtatrabaho eh.” Lumabi ang anak niya tapos ay tuluyan nang nalaglag ang luha.
Tinawanan niya naman ito. “Sira, magtatrabaho ako. Basta intayin mo ‘ko be ha? Kayo nina bunsoy ko, ha?” Hindi niya napigilang lambing-lambingin ito na parang batang munti. Kailangan ay sulitin niya ang pagkakataon.
Paulit-ulit niya itong dinampian ng maliliit na halik sa mukha, wala na siyang pakealam kung malasahan niya ang alat ng luha nito. Kailangan ay masulit niya ang natitirang oras.
“Nay, sama po ako. Sama kami ni bunsoy. Tahimik lang kami lagi, pramis, nay. Parang kapag andito si ser, hindi naman kami gugulo doon.” Tuluyan na ngang umalpas ang hikbi niya. Naalala niyang muli ang rason kung ba’t n’ya ito ginagawa. Para sa tahimik na buhay ng mga anak.
“Sus, maniwala sa’yo, be. Basta hintayin mo si nay. ‘Lika ***** tayo doon sa kwarto, magbabye ako kayna bunsoy.” Yakag niya rito. Sumama naman ito sa kanya habang nakayakap sa baywang niya. Humihikbi-hikbi pa rin ito habang naagos ang luha.
Tahimik niyang nilapitan ang dalawa. Kinumutan niyang muli ang mga ito at kinintalan ng masusuyong halik sa mga noo. Bata pa ang mga anak niya. Marami pa silang magagawa. Malayo pa ang mararating nila. Hindi tulad ng mga magulang nila, ‘yun ang sisiguraduhin niya. Hindi ito mapapatulad sa kanila ng mister niya.
“Be, dito ka na lang ha. Alis na si nanay. Alagaan mo sina bunsoy, be, ha. Pati sarili mo. Ang iskul mo anak, kahit hindi ka manguna, ayos lang kay nanay. Hindi naman ako magagalit. Basta gagalingan mo hangga’t kaya mo ha. Mahal kita, be. Kayong tatlo. Mahal na mahal namin kayo.” Mahigpit niya itong niyakap habang paiyak na binubulong ang mga habilin. Wala na ring tigil ang pag-iyak niya kaya agad na siyang tumayo. Baka magising pa ang dalawa.
Nakita niya namang nakaabang sa pinto si Tobi bitbit ang bag niya. Kinuha niya rito ang bag at sinabihang ito na ang bahala sa mga anak. Baog si Tobias at iniwan na ng asawa. Sumama raw sa ibang lalaking mas mayaman pa rito. Kagawad si Tobias sa lugar nila kaya sigurado siyang hindi magugutom ang mga anak niya rito. May tiwala siyang mamahalin ni Tobias na parang sarili nitong mga anak ang tatlo dahil matagal niya na itong nasaksihan.
Pagsakay sa sasakyan kasama ang dalawang pulis na kasama ni Tobias ay saka lamang siya pinosasan ng lalaking may burdang Corazon.
“Kilala namang sindikato yung napatay mo, ma’am. Kulang lamang kami sa ebidensya dahil malakas ang kapit sa taas. Kung sana…sana ay hindi ka nag-iwan ng sulat.”
“Nabuhay ang mga anak kong may duwag na ina, ser. Ayokong lumaki pa sila sa puder ng isang taong walang paninindigan. Pinatay niya na ang asawa ko. Dapat ay sapat na ‘yon na bayad sa utang namin, diba?” kung kanina ay halo humagulhol siya sa harap ng mga anak, ngayon ay walang emosyong mahahamig sa boses niya. Nakatingin lamang siya sa labas at tinititigan ang mga napapatingin sa dumadaang sasakyan ng pulis.
Kung sana ay hindi tinulungan ng mga nakatataas ang amo niya. Kung sana ay nakakalap ng sapat na mga ebidensya ang mga pulis na ngayon ay kasama niya. Kung sana ay may naipambayad sila sa inutang ng asawa niya para pambayad sa panganganak niya.
Kung hindi siguro siya mahirap, baka wala siya rito.
unedited
Reign Feb 2016
Kay dami nang hindi mo katulad ang sinarahan ko ng pinto
Hindi labag sa aking kalooban na mag papasok kung sino-sino
Para mag kalat, mang gulo, at bantayan ang mahalagang bagay sa akin
Dahil alam ko na ikaw ang tahanan ko
At nakalaan to para sayo

Ikaw ang banyo na binabalik balikan ko na parang balisawsaw ako

Ang kusina na nagsilbing lugar, para iluto ko ang putahe na mas matamis pa sa mga ngiti mo

Ang silid kainan, kung saan lahat ng gusto mo ay inihain, dulot ng pagmamahal ko

Ang sala, kung saan ang tinig ng halakhak at tawanan ay maingat na tinatabunan ang pintig ng puso,

Ang aparador, kung saan nakatago lahat ng liham na dapat basahin mo

At ang kwarto, kung saan bumubuhos ang luha, na naging takbuhan ko tuwing nalulungkot ako,

Sabay mahigpit na yakap sa unan nang hindi ako bitawan nito

Ikaw ang susi para mabuo ang tahanan ko,
Isang katok lang ang tunog na gusto kong marinig galing sayo
Kung pwede lang tanggalin ang pinto na nakaharang dito
Ito'y gagawin ko

Isang sulyap lang kahit may harang na matataas na bakuran na nakapaligid sakin ay masaya na ako
Ipaalam mo lang na hinahanap ako ng mga mata mo dahil para sayo ito

Gusto ko nang ipaalam sayo,
Ang mga lihim, na wala nang espasyo para ipaglagyan pa
Gusto ko nang ipaalam sayo,
Na ikaw ang gusto ko, sya lang ang kailangan ko
Gusto ko nang ipaalam sayo,
Na tunay kang mahal nito

At sana'y alam mo ang lihim ko,
Na gusto kong ako ang maging tahanan ng puso mo
first ever tagalog poem
Elizabeth Oct 2015
Kahapon, noong gabi
Noong tulog ang mga ibon
Noong umiiyak ang mga tala
Dama ko ang iyong hiwaga

Ako ay iyong minasahe
Tila binugbog na sibuyas
Mga kamatis na nagdurugo
Palihim mo akong niluto

Dahan dahan ang haplos
Mula apoy hanggang upos
Dala ko ang mga pasa
Ultimo mga halik na basa

Mura lang ang aking binayad
Dumukot sa butas na bulsa
Dinig ko hanggang kusina
Ang tawag ng aking sikmura
Titigilan na kita
Jose Remillan Dec 2015
Kahapon, hinintay kong
Lumatag ang liwanag sa
Parang. Parang kahapon
Lang, ganitong oras din

Hinintay natin ang huling
Patak ng hamog ng Disyembre.
Habang ang marami ay abala
Sa kusina ng Pasko, tayo ay

Nasa Pebrero kasama si
Balintino. Tunay ngang iba ang
Kalendaryo ng ating mundo.
Ngunit ang himbing ay hikbi,

Kagaya

Kahapon, hinintay ko ang
Paglatag ng dilim sa parang.
Parang antok na hindi dumating
Dahil walang dahilan ang bukas

Na darating.
December 13, 2015
Pasacao, CamSur, Philippines
112715 #4:47PM

May linyang pahalang at patayo,
Ni hindi magpapatisod sa pising sinusuyo.
Sila’y liliko sa bawat espayo,
Bagkus Ako’y sa’yong puso ang tungo.

Mag-aabang sa bawat palapag,
Sana sa beranda’y, ikaw ang siyang umaga.
Sana sa kusina’y maihain ang tama –
Tamang timpla ng walang tagas na pagsinta.

Isasantabi Ko ang mga butil na balakid,
Hahaluin ang konkretong sabaw ay sirit ng pag-ibig.
Papalitadahan natin ang kisameng may bituin,
At doon tayo niningas ng panimulang may layunin.

Irog, ang puso Ko’y nasa hulog at hinog,
Kasingputi ng pinturang
pantapal sa putikan **** suot.
Nang minsang nilukot ang puso **** papel,
Ni hindi ito nayuraka’t nalumot sa lente Kong nasa lebel.

Hayaan **** iguhit Ko ang bukas,
Nang pundasyo’y uugat sa bato’t di patutumba.
Hubad at bitak-bitak ang luwad **** pagkatao,
Kaya’t di hahayaang kontratahin ng iba.
At sa akin sana’y magpaubaya ng “Oo”
Nang maging ako na ang butihin **** Arkitekto.
(Feat. Architecture, Courtship, Godly Relationship)
Eugene Feb 2018
"KALIMUTAN MO NA ANG NAKARAAN MO! LALO  MO LAMANG SINASAKTAN ANG SARILI MO-- ANG PUSO MO!" sigaw nang sigaw ang utak sa mga katagang iyon sa kaniyang puso.


"May pag-asa pa! Umaasa pa rin ako. Aasa pa rin ako kahit matagal. ****-usap, bigyan mo ako ng pagkakataon. Nararamdaman kong darating sila," litong-lito naman ang puso at pilit na nagmamakaawa sa utak na bigyan pa siya ng pagkakataon.


"Hindi ka ba nakakaintindi? Iniwanan ka na nila. Hindi ka na nila mahal. Wala ka ng puwang sa mga puso nila. Hanggang kailan ka dapat umasa ha?" galit na galit na ang utak sa puso nang mga sandaling iyon. Nag-aalab na at kaunti na lamang ay magiging makasalanan na siya.


"AKALA MO LANG IYON! HINDI IKAW ANG NAKAKARAMDAM KUNG HINDI AKO! AKO ANG MAS NAHIHIRAPAN!"


"AKALA MO LANG IYON! AKO RIN NAHIHIRAPAN NA AT DUMUDUGO NA ANG UTAK KO SA IYO! HINDI KA  BA TITIGIL?"


"HINDI!"



"P'WES! Gagawin ko na ang nararapat upang manahimik ka!"


At hindi na napigilan ng utak ang kaniyang paninibugho. Inutusan niya ang mga paa na magtungko sa kusina. Ipinakuha niya sa kamay ang isang kulay puting bote na may nakasulat na muriatic acid. Kusang bumukas ang bunganga at ipinainom ng kamay ang lahat ng laman sa bote hanggang sa dumaloy na ito sa buong katawan.



Habol-habol ang paghinga, pinilit pa ring lumaban ng puso upang mabuhay ngunit, huli na. Huli na dahil nangisay na ang katawan, naging kulay ube na rin ito at tuluyang namaalam pareho ang utak at ang puso nang mga oras na iyon.
Anton Nov 2020
Pintuan palang malalaman mo na,
Na ito ang bahay ng mahirap na pamilya,
May nakasulat pa sa itaas na "Welcome to Miano Family" at " God bless our home".
Mga katagang matagal ng iniukit ng panahon,

Pag pasok mo ay sasalubong agad sayo,
Ang mga mga kagamitan na bigay,
Mga gamit na pinagsawaan na ng kapit bahay,
Mga Tv, relos, at orasan na di na umaandar,

Sa iyong unang hakbang iyong maaapakan,
Ang mga lumang tarpaulin na ginawang floormat,
Upang takpan ang madumi at maputik na  sahig,

Lingon ka sa kanan,
At makikita mo ang gawa kong hagdanan,
Hagdan na mayroon lang tatlong apakan,
Ngunit di kelangan mabahala,
Pagkat gawa ko iyan, kaya dapat magtiwala,

Sa iyong pag akyat makikita agad,
Ang kahon na sa laki ay sagad,
Sariling gawang kahon para sa speaker at amplifier,
Di sapag mamayabang pero kalahating araw ko lang tinapos iyan,
Partida nga at wala pang kompletong kagamitan,

Mapapansin **** ganun din ang set up sa taas,
May mga tarpaulin nanaman paloob at palabas,
May mga pira pirasong damit na tinahi para magsilbing kurtina at pantakip,
Pantakip mula sa mga butas na ding ding,

Pag lipat sa kabilang kwarto at makikita mo,
Ang sahig  na gawa nanaman sa kawayan,
Na ginawa upang maging daanan ng hangin  sa mainit na panahon,

Walang masyadong kagamitan,
Pero masasabi mo talagang magulo,
Magulo at parang wala nang paglalagyan,
Ng mga damit at mga unan na pa kalat kalat,

Konting pagmamasid pa at iyong mapapansin,
Ang basag naming salamin,
Mga LED lights na di nagagamit pag sapit nh dilim,
Mga wires na napakagulo at gutay gutay,
Batterya ng motor na gamit  ng ilaw pag gabi,

Pag napagod kana sa taas,
Bumaba ka ulit at makikita mo sa gilid ng hagdan,
Ang Mga gawa sa kahoy na upuan,
Tingin saglit sa taas at masdan,
Pinag tagpi tagping yero na bubungan,

Mga bubong na maaliwalas kapag tag.araw,
Pag tag ulan naman ay nagmumukhang talon sa buhos ng tubig,
  
Sa kusina naman tayo ay magpunta,
Bubungad agad ang mga basag na baso,
At mga plato't kutsarang di kumpleto,
Naubos narin cguro ng tatay kong lasinggero,

Sa hugasan makikita mo naman,
Ang gawa sa kahoy na hugasan,
Mg lalagyan ng plato at basong may sabitan,

Isang hakbang pa at welcome to our lutuan,
Lutuan na gaw asa lupa nq ipinatong sa yero  kahoy at kawayan,
Mga maiitim na  na kawa at kaldero na laman,
At syempre mga kahoy rin na panggatong na nakalagay naman s abandang ilalim ng lutuan,

Tuwing kakain kailangan mag kanya²,
Pagkat pag nag sabay ay tiyak na di kasya,
Pagkat plato't kutsara'y kulang na,
Pero ganun paman kami ay masaya.

Simpleng bahay, simpleng buhay, simpleng pamumuhay 😊
Vincent Liberato Feb 2019
Mangangata ako sa madaling
araw ng panggagalaiti, nang mga panahong mas malalim pa sa dagat, ang panghahaplos sa
kaluluwa na kinulang sa pagpapahinga at sa wakas: makakapagpahinga.

Ako, ang sisidlan ng kalatas na nagpaagos
sa rumaragasang ilog pagkatapos ipasok sa isang bote, sa pag-asang makararating sa iyo ito.

Ayaw ko nang bumalik ang kalatas na 'to, baka sa susunod na bumalik sa akin ito, ay naglalaman na ng bulgarang pagtugon ng pagkalas.

Ayaw ko na.

Manghihipo na lang ako sa gabi sa pamamagitan ng paggunita
sa mga alaala para sundan ang anino
na unti-unting nawawala sa kusina, sa kuwarto, sa kama, at sa hapag-kainan.

Sandali, may idadagdag pa pala ako, hindi ko kakayaning tanggapin ang pagtanggap na namamalikmata lamang ako,
habang naglalaho ang pangalan mo
sa kuwaderno ko.

Mawawala na lamang ang pagkamarahas
ng prosa o tula ko. Isasantabi muna kita sa mga susunod na tula o prosa, painda-indayog ang paksa, pero binabalik-balikan ka sa masusing pagsusuri ng konteksto.

Magiging humpak na lamang ang dating matunog na ikaw at ang dating laksa-laksang paglalarawan sa bawat pag-ikot at paggalaw mo, na maingat na sinusundan ng mga mata ko.

Sa kabila ng pagpipigil sa pagkatapos ng isang nakakainsultong nakakapagod na araw ay magsisilakbo muli ang damdamin, at 'di magpapaawat ang pintig na parang bumabalik ang mga mata sa unang pag-angat ng mga titig.

Mahal, mangangata na lamang ako hanggang umaga,
habang nginangata ako ng panggagalaiti
sa pagsapit ng umaga.

— The End —