Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Morrey Feb 2014
Nasaan ka? nasaan ka aking kabataan?
tila hangin na naglalaho
sa bilis ng ikot ng panahon
at paglipas ng bawat minuto
masasabi ko bang ako ay natuto?

Nasaan ka, aking kabataan?
lumulubog at lumilitaw
malimit ako ay nalilito, malimit ako ay naliligaw
habang ako ay unti unting nilalamon
ng mga pahina ng kalendaryo

Nabuhay sa panahon ng mga kritiko at relihiyoso
naglalakad sa gitna ng manipis na espasyo ng kamalayan
nagmamasid at nanahimik
nagbibilang ng mga sandaling malabong maulit
huwag masyadong matulin at baka matinik ng malalim

Nasaan ka aking kabataan?
mga kinagisnan ay iyo nang iniwan
niyapos ng modernong mundo
binuksan ang pinto sa pagbabago
sa huli, kilala mo pa ba ako?

Nasaan ka aking kabataan?
ang iyong katahimikan ay nakakabingi
sabi nila ang pagsisisi ay laging nasa huli
Nasaan na, nasaan na?
kabataan ko, gising ka pa ba?
Morrey02.06.14
Filipino/Tagalog
(Isang metamorposis ng damdamin)
FSP+

Sa simula’y isa lang akong munting uod,
Gumagapang sa mga sanga ng opinyon,
Hinuhusgahan sa bawat hakbang,
“Bakit ka ba ganyan? Mali ka na naman.”

Kapag nag-iwan ako ng komento,
Sinusuklian ng tanong—
“Wala ka bang alam?”
Parang lahat ay kritiko, wala ni isang kaibigan.

Kapag ibinuka ko ang pakpak ng damdamin,
“Wrong grammar,” anila,
Na para bang damdamin ay dapat tama ang baybay.
Hindi raw sapat ang puso kung mali ang anyo ng salita.

At nang sinubukan kong manahimik,
Inakusahan akong bato—
Walang puso, walang pakialam.
Samantalang ako’y nagpapahinga lang sa sarili kong lungga.

Unti-unti, ang kalituhan ay naging balot,
Isang kokon na pumulupot sa aking katauhan.
Doon ako natutong umiyak nang walang ingay,
At umasa sa paglipad kahit di pa sigurado kung kaya.

Ngunit heto ako ngayon—isang paruparong alanganin,
May pakpak nga ba talaga o panaginip lang din?
Dahil kahit sa paglipad, may tanong pa rin:
“Masyado kang mataas… o baka naman nagpapansin?”

Ano ba talaga?
Sa bawat yugto ng aking pagbabago,
May tanong na kasabay,
Kaya’t sa gitna ng aking metamorphosis—
Ako’y nalilito pa rin…
Wrong grammar

— The End —