"kalsadang" poems
Paano kaya?
Mahal ko ang pilipinas. Sobra.
Mahal ko ang bansang aking kinalakhan.
Mahal ko ang aking pinanggalingan. Kung saan ako nag aral, san tumira, saan nagsisimba. Kung saan naliligo, umiihi, tumatae, Mahal ko!
Pero paano ko kaya matatanggap ang nangyayari sa aking bansa?
Paano ko kaya tatanggapin ang mga basura sa daan.
Ang mga binebentang damit na sinuot muna nila.
Ang mga piniritong fish ball na kahapon pa ang mantika.
Paano kaya?
Sa jeep, na para na kayong sardinas na pinagkasya sa isang lata.
Sa lrt, natumaas man ang bayad. Dama mo parin ang mga pagong na kumikilos at mga amoy na gugustuhin mo na lang amuyin.
Sa paaralan, titiisin ang sira sirang mga silid aralan para sa pangarap na mahirap abutin.
Paano kaya?
Sa pilipiling lugar, na kapag nakakita ng umiilaw na iphone ay parang hokage na mabilis na mang aagaw.
Sa ilalim ng tulay, kapag napadaan kay makikita ang pamilyang walang makain na nakahiga sa kamang matigas at ngunit hindi mabigat dalhin kung saan saan.
Paano kaya?
Ang mga kalsadang pinipilit tapusin kahit mas una pang tinapos ang perang inilaan ng sang katauhan.
Paano kaya?
Ang mga taong halos mamatay sa pagod na tila butas ang bulsa at hindi malagyan ng laman.
Paano kaya?
Sinubukan kong alamin kung saan ito nagsimula. Kung sino ang gumawa? Kung kailan? Kung paano? Kung bakit nandito?
Hanggang napatunayan ko, na kahit ganito ang tinuturi kong bansa.
Alam kong katangi tangi parin ito.
Hindi man kami tulad ng iniisip nyong bansa.
Ang bansang ito ang pinaka mapagmahal ra lahat.
Kayang makipag kaibigan sa kahit sinong tao. Kayang umintindi ng kapwa. marunong makisama. Mapagbigay.
Higit sa lahat sa kabila ng mga nangyayari sa amin, kahit wala nang kakainin, kahit nag aaway na kayo, kahit madami ng problema at kahit may taning na ang buhay.
MASAYA pa rin. Ang mga ngiti, galak, at tuwang ito ang hindi nila matutumbasan ng iba.
Jul 6, 2016
Jul 6, 2016 at 1:39 AM UTC
#071816 #3:55PM
Kung pipitas ka ng tatlong rosas,
Kung susulat ka ng tula,
Kung harana ay siyang pagsuyo,
Oo.
Kung makapaghihintay ka
Sa tila kalsadang pinintahan ng pula,
Habang ako'y may paanyaya,
Oo.
Oo ang sagot sa mga tanong na naantala,
Oo ang sagot sa pusong hindi pa nagkukusa.
At oo ang pamagat sa tulang tila walang panimula.
Oo, pagkat mahal kita.
Jul 19, 2016
Jul 19, 2016 at 5:01 AM UTC
nang dumating ako sa kalyeng puno ng alaala
pinagmasdan ang kalsadang bagong gawa
bakas pa rito ang pagdaan ng mga pison na pilit na pinapantay ang baku-bakong landas ng aking kinabukasan
'di pa gaanong tuyo ang itim na aspaltong kalalagay lang
at sinusubukang takpan ang sementong 'di man lang nakatikim ng liwanag tulad ng aking puso
ang aking pusong sa bawat tibok ay binubuhusan ng malagkit na aspalto ng pagkalimot
at ang sementong balot na balot ng matigas at malutong na aspalto'y paulit-ulit na dinadaanan na tila walang pakialam sa kung gaano ba kasakit masagasaan nang paulit-ulit, paulit-ulit, paulit-ulit
hanggang sa magkawatak-watak ang aspaltong kalasag ng semento mula sa liwanag
at kung ito'y mangyari ay susubukan muling ayusin
at bubuhusan ng mainit na aspalto upang takpan ang mga sugat at butas na sumisilip sa liwanag
ngunit tulad ng pagdidilig sa patay na halaman o sa pagpilit na malimot ang minahal
ay imposible at walang katuturan
dahil ang nagagawa lamang ay baku-bakong kalsadang puno ng alaala
at kung pagmamasdan ang kalyeng bagong gawa
ay bakas ang paghihirap at pagpilit na ikubli ang itinatagong nakaraan
Dec 10, 2015
Dec 10, 2015 at 7:38 AM UTC
ala-singko ng umaga. nakakabingi ang katahimikan ng pagsikat ng araw. walang tigil ang pagtakbo ng oras at tulad ng araw, nagsimula nanaman ang pangkaraniwang siklo ng buhay. patungo sa sintang paaralan na ang bawat yapak ay parang timbang ng daigdig na nakalubog sa aking mga balikat. hindi kayang buhatin kahit pa ng buong mundo sapagkat ako'y nag-iisa sa paglalakbay patungong españa.
sa bawat sulok ng maynila at mga kwento sa mga kalsadang ito, may mga paalala ng mga biyaheng hindi pa nararating at mga pangarap na patuloy hinahanap. sa kanto ng españa't lacson, sa kabila ng paghahanap at pag-asa, hindi natagpuan ang isa't isa. sa magkabilang sulok ng noval at dapitan, ang iyong mga imahe ay tila mga alaala na nakaukit sa pinakaloob ng aking isipan, kumakatok nang palaging handang buksan ang pintuan. bawat hakbang ko ay may kabigha-bighani **** presensya, subalit ang hinahanap kong pagtatagpo ay patuloy na umiwas sa akin, nag-iwan ng hinagpis at naglakbay nang walang direksyon.
"manong para po" ang aking bulong sa jeepney drayber na parang tinik na dumadaloy sa aking lalamunan, humihila at humihila sa mga alaala na tila mga bagyong dumaraan sa aking isipan. bawat sinag ng araw, bawat hagupit ng hampas ng hangin, ay parang himagsik ng damdamin na hindi ko maitago.
sa bawat kanto paikot ng españa, naroon ang mga multo ng ating nakaraan. mga anino ng mga alaala na hindi ko matakasan at sa bawat pagtatanong mo kung may pag-asa pa ba, ang bawat sagot ko ay tila mga punyal na tumatagos sa aking kalooban, nagsasabing wala nang dahilan para muling mangarap.ayaw ko nang lumakad sa landas ng nakaraan, na puno ng mga bakas na minsan tayo'y nagtahup na patuloy na bumabalik at sumisira sa isipan.
at sa wakas, narito na ako sa dulo ng aking paglalakbay, ngunit ang landas na tinahak ay tila isang malawak na dagat, hindi alintana kung gaano karaming bagyo at baha ang dinaanan. at kung tatanungin mo ako kung pu-puwede pa ba, ang hihilingin ko sa iyo ay mga barya papalayo sa'yo. ayaw ko nang malunod sa unang daan na puno ng kahapon at mga alaalang tila multong ayaw umahon.
at sa bawat paghakbang ko patungo sa hinaharap, ang iyong alaala ay parang banta na nagbubulag-bulagan sa akin tuwing naglalakbay ako. nakakapangilabot. mahal pa rin kita. mahal pa rin pala kita.
hindi na kasingpait ng dati.
pero mahal, masakit pa.
Feb 9, 2024
Feb 9, 2024 at 12:31 PM UTC
Ayoko na lamang bilangin ang mga oras
Na nasisinagan pa tayo ng araw,
Maghahabulan at magtatampisaw na parang mga basang sisiw
Sa hubad na kalsadang naunang pagalitan ng langit.
Naaalala ko pa noong elementarya'y
Sabay tayong papasok sa eskwela
Matapos humigop ng mainit na sopas ni Nanay.
At minsan nga'y nakalilimutan nyang hanguin ito nang maaga
Kaya matapos nating kumain ay sabay rin tayong magtatawanan
At maglalaro ng "tag-tagan" patungo sa kanto sa sakayan.
Hindi ba't pumupunta pa nga tayo sa may bandang iskwater,
Makapaglaro lang ng pitsaw sa dati nating mga kaklase?
Nagagalit kasi si Nanay kapag sa bahay natin sila niyayaya
At magkakalat ang putik sa ating sahig
Kasi pati si Bantay ay nakisali sa paghuhukay.
Ilang beses din tayong naligo sa dagat
Kahit na ang sabi ni Tatay ay manginas muna tayo
Habang siya ay nasa laot pa.
Pero uuwi tayong mga basa at walang pang-ulam na pasalubong
Kaya muli tayong mapagagalitan
Kasi ang titigas daw ng mga ulo natin.
Hindi ba nahuli ako sa eskwela noon na nangongopya sa'yo?
Tapos sinabi mo sa titser na ikaw ang nangongopya at 'di ako?
Hindi ko kasi makalimutan yun
Kasi pag-uwi natin sa bahay, ako pa yung nagtampo sayo
Nung ikaw yung unang pumili sa doughnut na dala ni Tatay.
At nung gabing iyon, hindi ako tumabi sa'yong matulog
Ang sabi ko pa ay ayaw na kitang makita muli
Kasi naghalo-halo na yung nasa utak ko.
Pero alam mo ba, na sa mga oras na yun
Hindi ko talaga inaasahang seseryosohin mo yun.
Kaya noong maggising na lamang ako'y
Nagulat akong wala sila Nanay at Tatay
At si Aling Rosing pa ang nagsabi sa'kin
Kung ano ang mga nangyari
At kung saan ako pupunta.
Sinabi ko na ngang ayoko na magbilang ng mga oras,
Pero heto pa rin ako...
At taon-taon akong nangungulila at nagsisisi.
Siguro nga kung hindi ako natulog agad
Ay baka may naggawa pa ako.
Siguro nga kung hindi ko sinabi ang mga iyon,
Ay hindi mo ring magagawang umalis.
At siguro nga kung hindi ako nagtampo'y
Wala naman talaga tayong pag-aawayan.
Hindi ka rin hahanapin nila Nanay sa gitna ng gabi
At hindi sila masasagasaan ng tren para iligtas ka lang.
Siguro nga, pero huli na ang lahat eh
Wala na kayong lahat at iniwan n'yo na 'kong mag-isa.
Sana sa huli kong pagbisita'y mawala na rin ang lahat ng bigat,
Mawala na ang pagkamuhi ko sa sarili ko,
Kasi pagod na ako...
Pagod na pagod na ako.
Oct 8, 2021
Oct 8, 2021 at 11:11 PM UTC
ang buhay
ay parang pagtawid
sa kalsada
tingin sa kanan
tingin sa kabila
nag aantay na maging
berde ang ilaw
na nasa kabila
mabilisang pagtawid
sa kalsadang abala
sumasabay sa mga taong
hindi kilala
wag kang tumawid
pag ang umilaw ay pula
mas mabuting mag-antay
kesa masagasaan ka
Jul 19, 2019
Jul 19, 2019 at 10:19 AM UTC