Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Feb 2019
Ang iniwan,
niloko ng liyag
kimkim ang galit sa kaibuturan
ay di madaling mapa-ibig

Ang masaya na pakisamahan
nakalulugod na kaibigan
ay di makapagsalita
sa harap ng hirang

Sa hindi natuto pang umibig
ay parang sanggol na
madaling umiyak,
kailangan akayin

Pagkat ito'y hindi maipipilit
tulad ng pag-awit ng mga pipit

Dalawampung araw na singkad
sa yaong buwan ay ang kaarawan
na di sa taong bisiesto

Kapag may dugong malabnaw at malinaw
ay karakaraka lumigwak sa bukang sugat

Oras na ipagdiwang
ng mga buo at biyak
Dalawang kasarian ay kapupunan sa bawat isa
Sylvina Brave Feb 2018
Katulad ko, ang tao’y sadyang mapaglinlang kung minsan
Hindi lubos maisip na kayang gawin ng sino man
Sa mga nagtitiwala sa iyong karunungan
At ito’y maging sanhi ng sugat sa munting tahanan.

Ang mga nakapaligid ay apektado rin naman
Ngunit hindi kailanman na mas binibigyang-pansin
Ang mga mapanglait at mapanghusgang katauhan
Kaysa hinagpis ng mga nagmamahal na magulang.

Ako di’y nasasaktan sa kanilang pagdaramdam
Salitang binitiwan ng mga taong malapit man
Ang lakas ng loob ay unti-unting napapawi rin
‘Tsaka mag-isang nagkukubli sa loob ng tirahan.

Hirap mang unawain aking naging karanasan
Hirap ding tamuhin na ika’y kanilang tanggihan
Bunga ng kasalanan ay buong-pusong tanggapin
Akin ring susuurin kung ano man ang nailaan.

Natitirang lakas at tapang ay aking gagamitin
Tuloy pa rin ang laban sa likod ng kabiguan
Hanggang masalimuot na pangyayari’y maliwanagan
Namnamin pati ang nalalabi pang kasiyahan.

Taos-puso kong panalangin sa iyo, Panginoon
Na ipagkaloob ang hinihinging kapatawaran,
Ipinagdadasal ko ang minimithing kapayapaan
At ipagdiwang ang dalisay na bagong kabuhayan.
#reflection #failure #remorse #isolation #pain #pray #forgiveness #peace
JOJO C PINCA Nov 2017
Ang makamtan ang maliliit subalit makabuluhang layunin sa loob ng maiksing panahon. Sa maiksing panahon lang, ‘hwag mo’ng sakupin ang lima hanggang sampung taon na paparating pa lang. Ituon mo sa ngayon at sa mga darating na araw o buwan ang pagkamit sa iyong mga layunin. Hindi totoo ang long term plan, tangina baka nga hindi mo na ito ‘datnan kaya hindi mo ito dapat na saklawan. Ang tagumpay ay hindi sinusukat sa haba ng paghahanda para ito makamit, ang totoong tagumpay ay dapat na lasapin sa bawat sandali, minuto, oras at araw ng buhay mo. Oo, ganun lang dapat, kasi maiksi lang ang buhay baka sa sobrang abala mo para paghandaan ito ay makalimutan mo ang maging maligaya.

Ito ang pinaka malaking trahedya ang kalimutan ang kasalukuyan para lang paghandaan nang todo-todo ang bukas na iyong hinihintay. Ok lang na mangarap, na magsumikap at pangarapin ang magandang bukas subalit hindi mo dapat na ipagpalit kung ano man ang kaligayahan na meron ka ngayon para lang dito. Enjoy your life today while preparing for the future ika nga. Kung bata ka maglaro ka, sige lang makipaghabulan ka sa mga tutubi o di kaya ay  magtampisaw sa ulan. Kung binata ka sige lang manligaw ka at makipagkaibigan mag-invest ka sa pakikisama at matutong makipagkapwa tao. Kung nagtratrabaho kana gawin mo nang may pagibig ang ano mang giangawa mo, ‘wag lang nang dahil sa pera.

Maging bubuyog ka na laging handang sumimsim ng bango ng mga bulaklak. Gayahin mo ang ibon na laging umaawit at lumilipad. Umawit ka at tumula kahit walang tagahanga. Ipagdiwang mo ang bawat ngayon. Ang maiksi subalit makabuluhan na panahon ito ang mga ginintuang sandali na hindi mo dapat na ipagpalit, hawakan mo ito nang hindi mawaglit.
JOJO C PINCA Nov 2017
“The purpose of life is to live it, to taste experience to the utmost, to reach out eagerly and without fear for newer and richer experience.”
― Eleanor Roosevelt

May mga gabi na puno ng lumbay kung saan mapapait at puno ng lungkot ang mga ala-alang hatid nito. Madalas na hindi ka nito pinapatulog. May mga umaga naman na nagpapagunita sa mga dalita at mabibigat na salita. Minsan kahit sa init ng katanghalian ay nararamdaman mo ang matinding lamig – ang panlalamig na dulot ng takot, takot na harapin ang kawalang katiyakan ng bukas na darating.

Malaya kaba’ng talaga o baka naman nakatago lang ang iyong mga tanikala? Bumabangon sa umaga’t naghahanda para pumasok sa opisina na isa ring selda. Kumakain pero walang nalalasahan, tumatawa nga pero ang totoo ay nalulungkot, nabubuhay pero talo pa ang isang bangkay pagkat walang kabuhay-buhay. Nakikipagtalik ang katawan na hindi marunong tumangkilik.

Paano nga ba ang mabuhay nang wasto at hustong-husto? Yung puno ng pag-ibig at walang ligalig na sadyang matatag katulad sa isang kamalig. Nadidinig mo pa ba ang huni ng kuliglig sa ‘twing sasapit ang hapon? Ang buhay ng tao ay sadyang maligalig. Ang panaghoy ng mga walang kayang lumaban sa dagok ng malupit na kapalaran ay laging naririnig sa ‘twing kumakagat ang dilim.

Hindi lang minamasdan ang mga bulaklak, kailangan mo rin itong samyuin para mo mapahalagahan. Paano mo malalaman ang lalim ng dagat kung hindi mo ito sisisirin at ano’ng saysay ng taas ng bundok kung hindi mo ito aakyatin? Hindi sapat na sabihin na s’ya ay iyong iniibig, kailangan mo rin s’yang yakapin at halikan. Ganito mo dapat na ipagdiwang ang buhay.

Pero hindi ito magawa ng isang tulad mo na alipin ng takot at sama ng loob. Kailangan kumawala ka sa anino ng nakaraan at ‘wag mabuhay sa hinaharap. ‘Hwag kang makipagtalik sa multo ng nakaraan dahil hindi ka lalabasan, puro luha lang ang tiyak na papatak sa iyong mga mata. Maging makasaysayan at makabuluhan ito ang dapat na maging layunin. Kalimutan ang kabiguan at maging masigasig, yakapin sa’yong bisig ang ngayon. Hawiin ang lambong ng gabing tumatakip sa paningin sapagkat ito’y nakakabulag.
JOJO C PINCA Nov 2017
"Gather ye rosebuds while ye may,
    Old Time is still a-flying;
    And this same flower that smiles today
    To-morrow will be dying. "

Robert Herrick


Ang buhay ng tao ay sadyang maiksi at walang tibay, katulad lang ito sa kastilyong buhangin na agad gumuguho sa hampas ng alon at ihip ng hangin. Kaya marapat lang na ito ay ating samantalahin habang may panahon pa, hindi dapat na masayang ang bawat sandali ‘pagkat hindi na ito muling magbabalik pa.

Bakit ka nagsusumiksik sa isang tabi at nagmumukmok? Walang saysay ang maging malungkot sapagkat sandali lang itong ating buhay. Tumindig ka at gawin mo kung ano ang nararapat, piliin mo ang maging maligaya at kapakipakinabang. Tuklasin mo ang pilosopiya at kahulugan ng iyong sariling buhay nang hindi umaasa sa iba.

Kumawala ka sa tanikala ng mga maling akala at walang kwentang panukala, ang mga patakaran ay mga paraan upang ang tao ay alipinin kaya hindi ito dapat na tanggapin. Maging hari ka at panginoon ng sarili **** buhay sa ganitong paraan ka lang magiging totoong hayahay.

Huwag **** lingunin ng paulit-ulit ang kahapon dahil kahit anong gawin mo hindi na ito muling magbabalik pa, walang time machine na maghahatid saiyo pabalik sa nakaraan.

Huwag mo rin masyadong tanawin ang malayong hinaharap pagkat baka nga hindi mo na makita ang bukas na iyong pinapangarap.

Ang “ngayon” ang tanging panahon na iyong hawak at wala ka nang ibang mapanghahawakan pa. Ipagdiwang mo ang bawat ngayon na parang ito na ang huling araw mo.

Huwag kang makinig sa mga sinasabi ng iba sa halip ang puso mo ang iyong sundin at umasa ka na hindi ka nito kailanman ililigaw, gamitin mo ito na ilaw **** gabay.

At huwag **** sayangin ang nalalabi **** panahon, umahon ka mula sa iyong pagkakabaon at magsimula ka.

Katulad sa mabango at magandang bulaklak na iyong nakikita ang buhay **** tunay ngang maikli ay malalanta at mawawalan rin ng sigla kaya’t bago ka pumanaw gawin **** makasaysayan ang iyong bawat ngayon.

— The End —